Walang Bago, Palaging Talo

Walang Bago, Palaging Talo

Written by Dhave Montaniel • Illustration by Jannah Marie Duana | 5 January 26

Walang lugar sa konseho ng pamantasan ang mga lider-estudyante na walang konsensya at paninindigan. Walang kandidato ang tinakot noon para tumakbo sa halalan; lahat ng mga ito ay lumaban upang mairepresenta ang kanilang pinaniniwalaan. Ngunit bakit bigla na lamang nila iniwan ang kanilang mga posisyon, kung tutuusin ay wala pa naman tayo noon sa kalagitnaan ng digmaan? Naiintindihan ko naman na ang mga lider na ‘to ay may kani-kanyang dahilan, ngunit nakalulungkot lamang na binitawan nila tayo kasama ang kanilang pangako at sinumpaan.

Noong ika-15 ng Setyembre, naratipika ang pagbibitiw sa pwesto ng nanalong Presidente ng College of Humanities, Arts, and Social Sciences na si Jazlene Xianel C. De Guzman. Ang pagbibitiw nito ay sa kadahilanang ‘personal affairs’ at dahil lilisanin na rin nito ang Pamantasan. 

Noong ika-26 ng Setyembre, naratipika naman ang pagbibitiw ng appointed acting Auditor ng PLM Supreme Student Council na si Marc Laurenze G. Pacia. Ang kaniyang naging dahilan naman ay ‘personal matters and conflict

Noong ika-27 ng Oktubre, naratipika naman ang pagbibitiw sa pwesto ng nanalong Auditor ng College of Education na si Arwina T. Calleja. Walang nakasaad na dahilan kung bakit ito nagbitiw, base sa resolusyon. Halimbawa ang kanilang mga dahilan, kung bakit dapat pinag-iisipan ang bawat desisyon at kahihinatnan nito. Hindi naman kasi isang panaginip ang pagiging lider kung saan, kapag gusto mo nang harapin ang totoong buhay, ay pwede ka na lamang gumising, iwanan ito, at kalimutan. Ang pagiging lider-estudyante ay higit pa sa pagiging palamuti sa resume o isang trivia kapag nakikipagkwentuhan, ito ay isang responsibilidad—ito ay ang boses ng mga estudyante at ng mga nasa laylayan. 

Sino na lamang ang magiging takbuhan, kung ang mga taong dapat na nakaupo sa konseho ay kulang-kulang at nagsisi-alisan? Kung gaano kalakas ang ating mga sigaw sa tuwing nakakakita ng anomalya sa pamahalaan, nararapat na ganoon din ang ating pamantayan sa pagkukuwestiyon ng pamamalakad ng kapwa nating mag-aaral habang naririto pa lamang sa pamantasan. Kung patuloy natin na hahayaan ang mga lider-estudyante na magbitiw nang walang pananagutan at hahayaan na lamang, patuloy lang din tayo makakakita ng sunod-sunod na pagbibitiw ng mga miyembro ng konseho, na nangako na tayo ay pagsisilbihan—appointed man o nanalo sa halalan. 

Hindi kinakailangan sa pagiging lider-estudyante ang tumulad kina Darna at Lastikman; naiintindihan ko naman na sila’y tao rin at paniguradong nahihirapan, pare-pareho naman tayong mga iskolar ng bayan. Ngunit hindi dapat basta-basta pinalalampas ang pagbibitiw at biglaan na pag-iwan, dahil ang kawawa sa dulo—ay tayong mga estudyante na mapapabayaan.

Noong ika-22 ng Nobyembre, nagpasa ng resignation ang appointed acting Treasurer ng College of Humanities, Arts, and Social Sciences na si Benjamin Maenard R. Francisco. Hindi ito naaprubahan sa kadahilanang ito’y idadaan sa impeachment dahil sa mga violations na kanyang nagawa habang nasa termino. Nakaraang semestre, tatlo sa apat na resignation ang naaprubahan, habang ang isa naman ay ibinasura at idinaan sa impeachment. Ngayong kakasimula lamang muli ng bagong taon at panibagong semestre, may dalawa na namang lider-estudyante ang lumakad papalayo mula sa kanilang mga upuan. Nitong ika-10 ng Enero, naratipika ang pagbibitiw ng appointed acting Auditor na nagmula muli sa College of Humanities, Arts, and Social Sciences na si Ma. Natasha R. Cimene. Ang kanyang naging dahilan sa paglisan ay ‘personal matters’ at dahil nahihirapan na rin umano itong balansehin ang kanyang scholarship at trabaho.

Nitong ika-14 ng Enero, naratipika naman ang pagbibitiw ng nanalong Treasurer mula sa College of Engineering na si Allyzza Marie C. Brillante. Ang kanyang dahilan sa pagbibitiw ay ‘personal and family circumstances.’

Walang estudyante ang may nais ng ganitong magulo at nakakahiyang pamamahala; ang makita na ang kanilang mga binoto at sinuportahan ay bigla na lamang mawawala, o ‘di kaya’y may gagawing hindi kaaya-aya. Kakutya-kutya na tipong inendorso ang mga ito sa tambayan at sa iba’t ibang kaibigan, ang ending ay may resolusyon na sa Facebook page ng kanilang paglisan at kalapastanganan. Karapatan nating lahat ang magkaroon ng lider na sigurado at talagang makakasama natin hanggang dulo—hindi lider na nagpapakita lamang ng balatkayo. 

Kita nating lahat ang estado ng pamumuno dito sa ating pamantasan. Kada taon napapalitan ang kanilang mga mukha at pangalan, ngunit tila paulit-ulit na lamang ang ating nasisilayan sa mga iilan. Ang iba nating mga hinahalal na lider ay kung hindi bully at problematic—ay ‘yung madali naman tayong iwanan. 

Alam naman nating lahat na walang lider na mang-aabuso at mang-iiwan, kung una pa lamang ay wala na silang pag-asa sa ninanais nilang upuan. Ngunit, wala rin naman tayong magagawa kung ang pagpipilian natin ay pare-pareho. Walang magbabago kung kada halalan, lahat ng kandidatong bulok ay dinadala tayo sa pagpapabango at mga napakong pangako. Kaya sana sa susunod na eleksyon ay may lumipad naman na mga bagong kandidato, lider-estudyanteng haribon na may paninindigan, konsensya, at puso—ito ang ating karapatan, ito ang karapat-dapat nating matamo.