Tiis, sis!: Pagtitiis sa Tesis

Tiis, sis!: Pagtitiis sa Tesis

Written by Raniel Paquingan โ€ข Board by John Ivan Pasion | 3 May 25

Bago tuluyang iwanan ang impyerno ng akademya, kailangan munang gumawa ng tesis na sabi nila ay pamana na raw natin sa paaralan. Kumbaga sa langit, susuriin muna ni San Pedro ang bawat pahina na kapag pumasa ay makapapasok na sa ilang taong hinintay na kalangitan. Ngunit bago marating ang langit, tila araw-araw na pakikipagdaupang-palad kay Satanas ang kapalit. Maraming kailangan suungin, balewalain, tiisin, at lahat na ng negatibong pandiwa na maaari mong isipin.ย 

๐‡๐ข๐ง๐๐ข ๐ง๐š ๐ฅ๐š๐ง๐  ๐š๐ค๐จ ๐ค๐š๐ค๐š๐ข๐ง!

Hindi mawawala sa paggawa ng tesis ang gastusin, kaya ang madalas na linya: โ€œHindi na lang ako kakain!โ€ Ubos ang ipon sa pamasahe papunta at pauwi ng pamantasan o silid-aklatan, konting bigay sa mga nakapanayam at ekspertong hiningan ng gabay, at pagbili ng mga materyales o iba pang kakailanganin para sa awtput ng inyong pag-aaral. Dagdag mo pa ang walang katapusang pagpapalimbag ng inyong papel na halos maghingalo na ang printer sa dami tapos tititigan lang pala nila Maโ€™am at Sir.ย 

Nagtataka na tuloy si Mama kung bakit ang dami kong gastusin. Sa pampublikong paaralan niya nga raw ako pinag-aral para makatipid pero parang hindi rin. Hindi naman ako makaimik kasi butas na rin aking bulsa. Nakailang tingin na rin ako ng cellphone kung mayroon nang isang libo sa Landbank kaso parang ayaw ko na rin umasa. Titipirin ko na lang itong aking baon kahit kapos, gutom man ang tiyan ngunit busog ang puso at isip ng hangaring makapagtapos.ย 

๐Œ๐ฎ๐ฅ๐ญ๐จ

Humingang malalim, pumikit na muna. Ito na lang talaga ang magagawa kapag sinwerte ka sa mga kagrupo mo sa tesis. Mayroong hindi mo makasundo ng opinyon, mayroong madaling parte lang ang gusto, mayroong isang tagabuhat ng grupo, at kapag minalas-malas mayroon ding multo. Hindi mo na mahanap kung nasaan, kailangan ata ng spirit of the glass para magparamdam.ย 

Kaya minsan nais ko sanang itanong, โ€œHindi mo ba ako lilisanin? Hindi pa ba sapat pagpapahirap sa 'kin?โ€ Hindi na makalaya sa Chapter 4 ang tesis natin, dalawin mo sana ko bawat gabi. Ngunit kahit ganoon, subukan pa rin natin silang kausapin. Baka naman may pinagdaraanan at kailangan lang ng konting tulong at pangungumusta. Baka alam naman talaga nila ang kanilang responsibilidad, sa sobrang dami nga lang, sa loob at labas ng paaralan, ay natatabunan at kailangan ipaalala paminsan-minsan. Kausapin mo lang, wala namang hindi nadadaan sa mabuting usapan. Parang hindi ka rin naman sanay kumausap ng multo.

๐’๐ข๐ง๐จ๐ง๐  ๐ฎ๐ง๐š๐ง๐  ๐ฆ๐š๐ญ๐š๐ญ๐š๐ฉ๐จ๐ฌ? ๐“๐ž๐ฌ๐ข๐ฌ ๐จ ๐š๐ค๐จ?

Patibayan ng mental health sa paggawa ng tesis. Maraming sakit sa ulo na kailangang indahin. Normal ang burnout dahil sa paulit-ulit at halos hindi matapos-tapos na gawain. Normal ang magduda sa sarili kung kakayanin bang depensahan ang inyong pag-aaral sa harap ng mga dalubhasa. Normal matakot at mag-alala sa maaaring mangyayari bukas laloโ€™t walang katiyakan kung magiging maayos o hindi. Normal isiping mauuna ka pa atang matapos kaysa sa inyong tesis. Normal lahat ng maaari mong maramdaman.ย 

Normal ang malula at malunod. Bastaโ€™t bago tumalon, huminga muna nang malalim. Kapag nalulunod, subukang kumalma. Humingi ng tulong kung kailangan. Maaari mong gawing sandigan ang iyong mga kagrupo, tutal pare-parehas lang naman kayo ng pinagdaraanan at kayo rin ang magkakaintindihan. Maaari rin sa kaibigan o pamilya. Kahit sino na maaari mong takbuhan. Parang tesis lang din yan, mahirap kapag mag-isa ngunit kapag may kasama mas gumagaan.

Iilan lang ito sa mga pagtitiis sa paggawa ng tesis. Marami pang ibang pagsubok na kulang ang isang kwento para isalaysay at idetalye. Iyong mas mauunawaan kapag iyo nang mararanasan. Sa huli, matatapos din yan. Baka nga kapag iyong maaalala ilang taon mula ngayon, ngitian mo na lang o tawanan. Minsan lang din naman sa ating buhay na gagawa tayo ng tesis, kaya iyo nang sulitin at pagbutihin.ย 

Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa pagtatapos din ang tuloy. Pasado na kay San Pedro at makatatawid na sa langit. Malaya na sa impyerno, sa ingay ng akademya. Teka, parang may mali ata. Hindi pa pala dito nagtatapos ang pagtitiis. Mamaalam man sa dusa ng pag-aaral, naghihintay naman ang mas malupit na kalabanโ€“ang buhay propesyonal. Ngunit, iwanan na natin iyan sa ibang usapan.ย 

Ngayon alam mo na kung anong maaaring asahan sa iyong paggawa ng tesis. Ihanda na ang sarili sa pagtitiis, sis!