KOLUM | Tigre at Agila, Walang Pinagkaiba

Tigre at Agila, Walang Pinagkaiba

Written by Sofia Angela Robles • Board by John Ivan Pasion | 1 May 25

Katulad ng 7,641 na hiwa-hiwalay na pulo sa Pilipinas, ang mga Pilipino ay nananatiling hati sa usaping politika. Ang karaniwang Pilipino ay kumikilala lamang ng isa o dalawa sa iilang kulay sa politika na kung tutuusin ay ilang dekada nang papalit-palit lamang ng puwesto, palipat-lipat ng alyansa, at pare-parehong may iisang layunin: ang manatili sa kapangyarihan. Ang nasa likod ng kanilang pananatili sa posisyon ay ang kanilang pananamantala sa mga ordinaryong Pilipino na umaasa na “Change is Coming” at “unity” na ipinangako. Sa Pilipinas, hindi itinuturing ang pagboto bilang karapatan magtanong, makilahok, at magluklok. Ito ay transaksyunal na proseso—sandaling ginhawa mula sa kararampot na salapi at kapalit ng habang buhay na pagdurusa. 

Iwas ang ordinaryong Pilipino sa usaping politika at isyung panlipunan sa hapagkainan, ngunit nag-iiba ito sa oras na makayuko sa kani-kaniyang telepono. Mula sa haligi ng tahanan, hanggang sa bunso ng pamilya, iba-iba ang takbo ng mga opinyon, teorya, at balita. Sa laki ng makinarya ng disimpormasyon at propaganda sa bansa, mas madaling maniwala na lamang sa naratibong nakahain sa midya. Sa dami ng pinansyal at personal na problemang pasan, mas madali na ring isantabi ang pagiging kritikal sa lipunan. Bunga nito ang kawalan ng matibay na pundasyon ng katotohanan at hipokritikong moralidad ng mga Pilipino. Nawawala ang diskurso sa tahanan. Napapalitan ito ng monotono at balat-bungang interaksyon sa internet na ang natatanging hangarin ay maging tama at maipamukha sa madla ang nalalaman. 

Karaniwang naririnig sa mga espasyo sa social media ang katagang: “‘Bobo’-tante”. Nagkataon man o hindi, madalas nitong ipinatutungkol ang mga maralitang panatiko ng partikular na politiko. Kalimitan, sila ay nagpapahayag ng masidhing damdamin ng pagkatuwa, unos, o ‘di kaya’y pagkamuhi tungkol sa lagay ng isang politiko na hindi inaasahang ‘normal’ na asal ng ordinaryong botante. Halimbawa nito ang pagka-viral ng isang TikToker matapos ang 2022 Presidential Elections. Ipinakita niya ang labis na pananabik na mahalal ang ngayong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang mabalitaan ang pangunguna nito sa presidential race. Paulit-ulit sinisigaw ang mga katagang: “Bongbong kami!”, umani ito ng samu’t saring reaksyon sa madla. Kadalasan, pinagtatawanan at puno ng pangungutya. 

(SEE: https://www.facebook.com/reel/2095386783963432)

Kamakailan lamang, maraming mga satirical news at meme pages ang umani ng libu-libong likes sa mga post na patungkol sa ‘di umanong mga International Human Rights Lawyer na nagpahayag ng kanilang suporta laban sa kaso ng Dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court. Ang kaso, sila ay mga piksyunal na karakter lamang. Sa paglaganap ng krisis pang-edukasyon sa bansa, ang mga post na ito ay mas nagpapalawak lamang ng maling impormasyon, bukod sa inaasahang resulta na maraming posibleng maniwala, pinagtatawanan lamang nito ang kapwa nila Pilipino. 

(SEE: https://www.facebook.com/photo/?fbid=29737132242552471&set=a.741967542495660

Sa pagkabuwag ng huwad na “unity” na nagpapanalo sa alyansang Marcos-Duterte noong nakaraang eleksyon, mas napatunayan ang pananaig ng personal na interes laban sa kapakanan ng bansa. Gamit na gamit ang tradisyunal na taktiko ng mga politiko: magpaawa, maglinis-linisan, at i-angat ang sarili. Sa hidwaang ito, tayong mga Pilipino ang talo, nakaupo sa pwesto ang panalo. 

Madaling gamitin ang hintuturo at manisi ng kapwa sa sitwasyon ngayon ng bansa, lalo na kung sa ating paningin ay nakaaangat tayo sa kanila. Nakalilimutan ng nakararami na pare-pareho lamang tayong pinagsasamantalahan at ginagapos ng sistemang maingat na binuo para pagsilbihan ang naghahari-harian. Ang mga naglalakihang higante na sina Marcos at Duterte ay nangangailangan ng ating paniniwala dahil sa ganitong paraan sila nananatili sa kapangyarihan. Kailangan nila tayong magwatak-watak upang patuloy na mapagsamantalahan ang kaban ng bayan. 

Mahirap ang buhay ng mga Pilipino dahil din sa kapwa Pilipino. Hindi tinutukoy rito ang mga naghihikahos, kundi ang mga nagtataas-taasang arkitekto ng mga materyal na kondisyon na gumagapos sa kamay ng mga nagpalamon sa mapaniil na sistema ng mga gahaman.

Ngayong darating na eleksyon, mahalagang punahin ang sarili. Buksan natin ang mga mata sa bulok na makinarya ng demokrasya sa Pilipinas. Maging ehemplo tayo ng matalinong pagpili at palawakin natin ang pagkilala sa pagboto bilang isang karapatan tungo sa tunay at progresibong pagbabago. Nasa atin ang tunay na lakas at kapangyarihan—sa paghahalal man o pagpapatalsik.

#