M196 061626 - SenateFlix

Serbisyo Ba Kamo? Ito SenateFlix

Written by Francis Garra Gonzales  • Board by Krystal Arianna Puzon | 18 June 26

Sa Pilipinas ka lang makakakita ng senadong hindi mga panukalang batas o mga kritikal na pagdinig ang isinasagawa, kundi isang kumpletong, masalimuot na telenovela. Pawang buong Pilipinas ang pigil-hiningang naghihintay sa susunod na kabanata ng isa sa pinakamataas na institusyon ng pamahalaan. Bawat araw, nagbubunyag ng bagong resibo. Bawat linggo, panibagong laglagan. Walang kukurap, walang pipikit, lahat nakatutok sa SenateFlix!

¡Qué Horror! Dinaig pa ang mga pelikulang Shake, Rattle, and Roll sa mga lulubog, lilitaw na mga personalidad. Hindi kinailangan ng bagua para palabasin mula sa tinataguang hukay ang senator na anim na buwan nang hinahanap. Hindi para tuparin ang responsibilidad bilang nahalal na opisyal, kundi para palitan ang lideratong sisiguraduhing swak ang naratibo para sa kaniya. Kung sa horror bumabangon ang mga patay upang gambalain ang mundo ng nabubuhay, aba, hindi naiiba ang senador na ‘to sa pagsasayang sa oras at pondo ng taumbayan. 

Lahat ng nakakabagbag-damdaming telenovela ay puno ng umaakitabong Bang! At Boom! Matatandaang nagmistulang action scene ang Senado noong nakaraang buwan nang magkaroon ng putukan sa mismong gusali. Pawang eksenang mapapanood mo lang sa sinehan: tinutugis ang isang tulisan ng kapulisan! Sa kabila nito, mabilis na nawalan ng interes ang mga Pilipino, gayong ang karahasan, bilang monopolyo ng estado, ay gamit na gamit na sa mga maralita—hanggang sa puntong namanhid na tayo sa panonood nito.

Mula sa aksyon, napunta naman sa tila isang heist movie ang Senado sa pabago-bago nitong liderato. Balimbing sa balimbing, kapatid sa kapatid, nagpapalit-palit ang mga alyansa. Mapapatanong ka na lang kung ito ba ay para sa matapat na pamumuno o para sa sariling interes. Sa gitna ng paglalaro ng Trip to Jerusalem ng mga senador, nakaligtaan na, o marahil ay isinantabi na, ang mga mahahalagang pagdinig sa iba’t ibang sektor ng paggawa, enerhiya, at agrikultura. 

Hindi rin makakalimutan ang drama ng mga senadora. Kesyo hindi kinumusta sa panahon ng kaguluhang nangyari sa pasilyo ng Senado. Na parang hindi nakitang nakangiti’t nakatawang nagsasalo-salo matapos magsagawa ng live updates sa social media. Kung sa tutuusin, sila ang dapat nangangumusta sa masang Pilipinong dilat-matang naghihintay na makakita ng katiting na pananagutan sa bulwagan. Kumusta ang mga maralita’t naghihirap na matagal nang nawalan ng tiwala sa Senado?

Ngayong panahon ng tag-ulan at habagat, masusubukang muli ang katatagan hindi lamang ang kahandaan ng mga tao sa mga tumitinding bagyo, kundi pati na rin ang katatagan ng mga naipatayong flood control projects. Bawat araw na nag-aaksaya ng oras at pondo mula sa kaban ng bayan ang Senado ay isang araw na walang napapanagot na kontratista, naaantala ang nakahambalang na paglilitis sa mga korap na politiko, naabswelto ang nanakaw ng pamilya ng diktador.

Sa sobrang bait ng mga senador, napili nilang i-ere sa mga Pilipino ang pinaka-”teleserye” sa lahat ng teleserye. Siksik, liglig, at umaapaw ang SenateFlix; mula sa aksyon at drama, hanggang sa historikal na pag-ungkat ng mga resibo. Hindi na mabibitin pa ang taumbayan sa bulwagang ang tunguhin ay hindi tuparin ang mandato o pampublikong serbisyo—sapat nang maaliw ang masang Pilipino!