SA PAGLUNOK NG DANGAL, KAHIHIYAN ANG NAGING PARANGAL
Editorial by Ang Pamantasan | 29 August 26
Sa naganap na pagtatapos ng respetadong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), umani ng samu’t saring reaksyon ang paggawad ng Honoris Causa, Doctor of Laws sa Presidente ng Republika ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ang parehong Pamantasang humubog sa mga iskolar na minsang tumindig laban sa diktadura ay nagawang lunukin ang kasaysayan at isantabi ang sariling paninindigan para lamang gawing karapat-dapat sa parangal ang anak ng dating diktador.
Mayroong legal na basehan ang paggawad na ito sa papel—inaprubahan ito ng Legal Education Board (LEB) alinsunod sa Memorandum Order No. 033 (2025) na nagsasaad na hindi kailangang magtapos ng pag-aabogasya o maging isang ganap na abogado ang gagawaran, ngunit dapat ay nagtamo ng antas ng batsilyer o katumbas nito.
Naging isang malaking tanong sa masa ang dahilan ng pagpili kay Marcos Jr. sa kabila ng “legalidad” ng paggawad. Sapagkat sinalamin nito ang pamantayan ng Pamantasan at ang kabuluhan ng pinakamataas na parangal sa gitna ng araw na dapat ay pagdiriwang ng pagsisikap at tiyaga ng mga nagsipagtapos.
Nakaw na Karunungan
Lingid sa kaalaman ng publiko, ang kaniyang pagdalo ay nagdulot ng isang oras na aberya sa kalagitnaan ng pagdiriwang dahil pansamantalang itinigil ang kaganapan para lamang salubungin at parangalan ang isang Marcos—na siyang agad ring umalis pagkalipas ng kaniyang talumpating bigong kumilala sa sakripisyo at karanasan ng mga nagsipagtapos.
Sa araw na sana’y nagdiriwang ang mga estudyanteng nagkayod-buto, naikubli ang kanilang mga sakripisyo buhat ng pambabatikos. Hindi man direkta para sa mga nagsipagtapos ang reaksyon ng taumbayan, habambuhay nang maipag-uugnay ang kanilang mga diploma at ng mga susunod pang henerasyon, sa iginawad na parangal ng Pamantasan.
Imbes na ang mga nagsipagtapos ang maging sentro ng pagkilala, si Marcos Jr. ang naging sentro ng seremonya.
Tinuldukang Kadakilaan
SENSITIBONG PAALALA: Ang sumusunod na pahayag ay naglalaman ng mga talakayang hinggil sa pisikal at sekswal na pang-aabuso at pagpapakamatay.
Nabanggit ng Pangulo sa kaniyang talumpati na ang Pamantasan ay may “espesyal” na lugar sa kaniyang puso dahil sa dating pagtuturo ng kaniyang asawang si Liza Marcos sa PLM College of Law. Ngunit isang kabalintunaan ang pagbanggit nito nang walang pakundangan, o tila nagpapatay-malisya lamang, sa libu-libong biktima ng abuso at karahasan noong panahon ng Batas Militar. “Espesyal” nga ang Pamantasan, ngunit hindi sa kadahilanang gusto niyang iparating, bagkus dahil mula sa PLM si Liliosa ‘Lili’ Hilao, ang unang naitalang bilanggong politikal na namatay sa ilalim ng madugong rehimen ng ama ni Marcos Jr.
Bilang manunulat at nagsilbing Pangalawang Patnugot ng pahayagan ng unibersidad na noo’y “Ang Hasik,” pinagtibay niya ang boses ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kaniyang mga likha tulad ng “The Vietnamization of the Philippines” at “Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law.”
Ngunit gaya ng ibang mga tumindig, maagang natuldukan ang kaniyang buhay. Dinukot, tinortyur, nilapastangan ang puri’t dangal. Pinaratangan na kinitil ang sariling buhay, kasama ang karapatang bumoses at manindigan laban sa inhustisya. Ang agarang pagsara ng kaso ukol sa kaniyang pagkamatay ay dagdag na ebidensya sa kawalan ng respeto ng rehimen sa buhay ng tao.
Bukod kay Lili, martir din ng PLM ang magkapatid na Acebedo na sina Norberto “Boyet” Acebedo at Roy Acebedo. Tumulong si Boyet sa pagtatag ng sangay ng League of Filipino Students (LFS) sa PLM noong 1977. Naaresto siya noong 1983 at dumanas ng pang-aabuso sa kamay ng mga awtoridad. Makalipas ang dalawang taon, pinaslang siya sa isang engkuwentrong militar. Tulad ng ibang kabataang aktibista, hindi na nila namataan ang paglaya ng bayan sa kamay ng diktadura.
Ilan lamang sila sa mga ehemplong kabataang namamalagi sa puso at diwa ng mga estudyante ng unibersidad sa ipinamalas na walang takot na pagtindig sa makinarya ng pang-aapi. Nananatiling bantayog sa loob at labas ng PLM ang kuwento nila, kung kaya’t walang kapatawaran ang desisyon ng Pamantasan na gawaran ang anak ng lumapastangan sa buhay ng sarili nilang mga estudyante.
Huwad na Kaunlaran
Hindi lamang ang kasaysayan ang nagbibigay ng bigat sa kuwestiyunableng desisyon ng Pamantasan, kundi pati na rin ang mismong danas ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Sa kabila ng mga ipinagmamalaking pagsulong sa edukasyon, ekonomiya, at hustisya, salungat ito sa araw-araw na reyalidad na kinahaharap ng mga mamamayan, kabilang na ang mga mag-aaral ng PLM.
Kamakailan lamang ay may mag-aaral ng unibersidad na patuloy na nakararanas ng red-tagging matapos masawi sa Armed Forces of the Philippines (AFP) airstrike laban sa New People’s Army (NPA) sa Mindoro noong Enero. Ang masalimuot na reyalidad na nangyayari sa Pamantasan ay hindi maihihiwalay sa kinahaharap ng bayan.
Sa mga komunidad na nalubog sa baha, sa patuloy na pagtapyas ng badyet sa edukasyon, at sa mga karapatang pantao na nilabag, lantad ang malaking agwat sa pagitan ng ipinangakong kaunlaran at ng tunay na dinaranas ng mga mamamayan. At kung nasusukat ang kaunlaran sa tuwing naiaangat ang kalidad ng buhay, huwad ito sa tunay na kalagayan ngayon ng maraming Pilipino, lalo na sa mga estudyanteng direktang umaasa sa mga serbisyong pampubliko.
At bilang isang pampublikong institusyon, hindi ligtas ang PLM sa mga kakulangan at hamong dulot ng mga prayoridad ng pamahalaan. Isa sa mga pinakamalinaw na repleksyon nito ang patuloy na kakulangan ng pondo sa Pamantasan—isang direktang suliranin ng institusyon na hindi pa rin naging hadlang upang igawad ang pagkilala.
Pamantasang Gipit, Sa Patalim Kumakapit
Nitong nagdaang State of the President Address, binigyang-diin ng presidente ng PLM na si Atty. Domingo “Sonny” Y. Reyes ang kasalukuyang puwang sa pondo ng unibersidad. Ayon sa kaniya, tinatayang nasa P650 milyon ang badyet na ibinigay sa Pamantasan; kapos na kapos pa sa kinakailangan nitong P1.4 bilyon. Kasabay pa nito, ang PLM ay isang local university and college (LUC) na walang sariling alokasyon mula sa pamahalaan. Bilang tugon dito, isinusulong ng Pangulo ng unibersidad ang pagkakaroon ng resolusyon sa Kongreso para sa karagdagang alokasyon ng pondo mula sa gobyerno.
Isa sa mga pinupuntong dahilan ng pagbibigay-parangal kay Marcos Jr. ay ang pagkilala sa sinasabing kontribusyon niya sa pagpapatayo ng Health Allied Sciences Building na para sa karamihan ay tulong sa pagbibigay ng akses sa kalidad na edukasyon lalo na bilang iskolar ng bayan.
Mahalagang itatak sa isipan na hindi maiiwasang kuwestiyunin ang politikal na interes ni Marcos Jr. sa likod ng parangal. Sa “pagbibigay-tulong,” nagkaroon siya ng pagkakataong mamulitika sa gitna ng pangangailangan ng PLM. At sa pagkapit ng Pamantasan sa nakaupo sa kapangyarihan, naging kapalit ang reputasyong matagal nang inaalagaan.
Dagdag pa rito, hindi dapat ituring na “kabutihang-loob” na karapat-dapat sa pinakamataas na karangalang pang-akademiko ang inisyatibong “tulong.” Pangunahing responsibilidad ng isang presidente ang tiyaking may maayos na pasilidad at sapat na suporta ang mga pampublikong unibersidad. Ang pagtupad sa tungkuling ito ay hindi pabor na dapat suklian—ito ay pananagutang ipinagkakatiwala at inaasahan sa sinumang lider ng bansa na may obligasyong gamitin ang pondo ng bayan nang tama.
Tinik sa Lalamunan
Sa kasaysayang nilimot at mga prinsipyong nilunok ng Pamantasan, dala-dala ng masang estudyante ang reputasyong dinungisan ng institusyon. Kung kaya’t tungkulin ng mga iskolar ang patuloy na pagpapalakas sa kolektibong pagkilos laban sa kapangyarihang walang lalim.
Ngunit hindi lamang ang mga estudyante ang dapat magbuhat ng kahihiyang dulot ng PLM. Makatarungan ang hinaing ng masa, kung kaya’t pananagutan ng Pamantasan na humarap at tanungin ang sarili kung hanggang saan kayang ikompromiso ang pinipitagang adhikain at ang tunay na kahulugan ng pinapangaral nitong “Karunungan, Kaunlaran, at Kadakilaan.”
Dito haharapin ang katotohanan: Anumang paghuhugas-kamay ang gawin ng unibersidad upang pagtakpan o pahupain ang paglunok sa kanilang prinsipyo, wala ng dangal na maisasalba pa ang dating respetadong Pamantasan na ngayon ay iniluluwa na ng kasaysayan at mga iskolar ng bayan.
