M158 - Sa babae at pag-ibig

Sa babae at pag-ibig, isinilang ang pakikibaka

Written by Talitha Dunga • Board by Caitlin Beatrice Mutas | 31 March 26

Madalas ikinukulong ang pag-ibig sa mga tula ng pangungulila at mga kuwento ng dalawang pusong nagtatagpo. Ngunit sa mata ng mga babaeng lumalaban, ang pag-ibig ay hindi tanikala—ito ay nagpapalaya. 

Sa bawat pakikibaka, sa bawat tahimik na paghahabi ng pag-asa, sa bawat hakbang ng kababaihang hindi tumitigil sa paglalakad, naroon ang pag-ibig. Ngunit ang pag-ibig na ito ay hindi lamang bulong ng puso o init ng yakap. Ito ang lakas na nagtutulak sa mga babae upang tumindig, lumaban, at magpatuloy kahit sa harap ng pang-aapi.

Hindi lamang para sa iilan.

Sa Pilipinas, ang pagiging babae ay hindi pribilehiyo o simbolo lamang. Ito ay karanasan sa hirap: pagtatrabaho nang mababa ang sahod, pag-aalaga sa pamilya nang walang bayad, pagharap sa pang-aabuso, at pakikibaka para sa lupa o kabuhayan.

Madalas nating ipinagdiriwang ang mga babaeng “nakakaangat”—ang mga babaeng CEO, mga babaeng bilyonaryo, ang babaeng senador. Ngunit bihirang kilalanin ang mga babaeng kumakatawan sa hirap at laban ng masa: ang babaeng manggagawang nagwewelga, ang babaeng magsasakang humihingi ng lupa, ang katutubong babaeng humaharang sa bulldozer, at ang inang namatayan ng anak dahil sa kahirapan.

Hindi lamang para sa iilang babaeng nakarating sa matataas na posisyon ang tunay na paglaya ng kababaihan; ito ay nasa kung paano tinutulungan, pinoprotektahan, at pinapalaya ang masa.

Pag-ibig ay hindi tanikala, ito’y pagpapalaya.

“Dahil ang pag-ibig ay mapagpalaya, ang ibigin ka ay pakikibaka.”

Sa kasaysayan ng Pilipinas, malinaw ang papel ng kababaihan sa bawat yugto ng pakikibaka. Si Gabriela Silang ay hindi nagpatinag nang mapatay ang kaniyang asawang si Diego at ipinagpatuloy ang laban sa kolonyalismo. Si Melchora Aquino ay nag-alay ng lakas at tahanan upang alagaan ang mga sugatang rebolusyonaryo. Si Lorena Barros naman ay ginamit ang talino at tapang upang igiit ang karapatan ng kababaihan at ng bayan sa gitna ng diktadurya.

Maging sa mas madilim na yugto ng kasaysayan, hindi rin tumigil ang kababaihan sa pagtindig. Sa panahon ng Batas Militar, naging simbolo ng tapang si Liliosa Hilao—isang kabataang estudyante na hindi nagpatinag sa paninindigan para sa kalayaan. Ang kanilang pagmamahal sa bayan ay hindi tahimik; ito ay isang sigaw laban sa pang-aapi.

Galit ng isang nag-aaruga

Sa gitna ng pang-aapi, normal lang ang makaramdam ng galit.

Subalit sa isang lipunang sanay balewalain ang tinig ng kababaihan, ang galit na ito ay madalas ikahon sa pagiging “emosyonal” o “hindi rasyunal.” Sa halip na pakinggan ang pinanggagalingan ng kanilang hinaing, minamaliit ito upang patahimikin at pahinain ang kanilang paninindigan—isang taktika upang panatilihin ang umiiral na patriyarkiya.

Gayunpaman, ang galit na ito ay hindi wasak o walang direksyon. Ito ay galit na may aruga at pagmamahal na handang manindigan para sa mga naaapi. Hindi tunay na pagmamahal ang pananahimik sa harap ng kawalan ng hustisya, hindi pagkakapantay-pantay, diskriminasyon sa kasarian, at dahas laban sa mamamayan. Ang tunay na pagmamahal ay may tapang na sumigaw at lakas na lumaban para sa masa.

Hindi lamang tagapangalaga ng tahanan ang mga kababaihan kundi mga tagapagtanggol din ng katarungan. Matibay ang kanilang pagmamahal at hindi lang para sa sarili kundi para sa kapwa at sa bayan. Nakikita ito hindi lamang sa malalaking protesta kundi sa araw-araw na gawain—sa mga gurong humuhubog sa kabataan, mga nars na nag-aalaga sa may sakit, at mga inang nagtataguyod ng mas makatarungang kinabukasan para sa kanilang mga anak.

Ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi isang gawa

Sa huli, ang tunay na pagmamahal ay hindi natatapos sa damdamin. Nakikita ito sa gawa, sa paglabas mula sa komportableng buhay upang makasama ang mga inaapi, sa pakikiisa sa kanilang laban, at sa walang pag-aalinlangang paglilingkod sa bayan. Ang pagmamahal ay hindi isang piging; ito ay mahaba at masalimuot na landas na puno ng sakripisyo, pagsisikap, at paninindigan.

Sa panahon ngayon, ang pagiging mulat ngunit pipi at bingi ay hindi sapat upang masabing nagmamahal ka sa bayan. Ang ganitong uri ng kamalayan ay nagiging pribilehiyo. Ang pag-ibig na kinakailangan ng ating panahon ay hindi lamang pagtulong paminsan-minsan, kundi ang pag-ibig na bumabasag ng tanikala: ang pakikiisa sa laban ng iba’t ibang sektor at ang pamumuhay na laging nakasandig sa ating pinagsisilbihan.

Sa ganitong konteksto, hindi maikakaila ang papel ng kababaihan. Sa kabila ng pagmamaliit at pagtatangkang patahimikin ang kanilang galit at tinig, nananatili silang nasa unahan ng paglilingkod at pakikibaka. Sa lansangan at tahanan, sa organisadong pagkilos, at sa araw-araw na paninindigan; paulit-ulit nilang pinatutunayan na ang galit nila ay hindi kahinaan kundi lakas, at ang kanilang pagmamahal ay hindi tahimik kundi kumikilos—matapang, mapag-aruga, at handang magsakripisyo. Dahil ang tunay na naglilingkod at nakikibaka ay ginagabayan ng pag-ibig. At sa kasaysayan ng ating bayan, paulit-ulit itong pinapatunayan ng kababaihan. 

Sa dulo, tunay ngang radikal ang magmahal.