Peace Rally: Para sa Pagkakaisa o Pamumulitika?

Peace Rally: Para sa Pagkakaisa o Pamumulitika?

Isinulat ni Jamilla Marie Matias • Ilustrasyon ni Kiefer Angeles | 1 February 25

Kamakailan lamang ay idinaos ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang Rally for Peace sa iba’t-ibang sulok ng bansa partikular na sa Quirino Grandstand, sa Luneta, Maynila na dinaluhan ng milyon-milyong kasapi ng naturang relihiyon. Layunin ‘di umano ng nasabing Rally for Peace ang panawagang magkaisa at magtulungan ang sambayanan upang labanan ang mga pangunahing problema sa bansa gaya ng kahirapan. Bagamat ilang beses na itinanggi ng panig ng INC ang akusasyong hindi ito pampolitikal na galaw, hindi pa rin maiwasan ang tanong na ginawa nga ba ito upang pagbigkisin ang mga Pilipino o isa itong hakbang sa maagang pangangampanya at para protektahan ang kanilang sinasambang Reyna?

Kilala ang relihiyon sa kanilang bloc voting tuwing eleksyon. Nakasaad sa kanilang aklat na “Mga Pangunahing Aral na Sinasampalatayaan ng Iglesia Ni Cristo” ang doktrinang “Huwag ninyong sisirain ang kaisahan ng Iglesia maging ukol sa pagboto o iba pang gawain sapagkat ito’y kasalanan na ikatitiwalag sa Iglesia”. Mahihinuha agad ang ibig sabihin nito, ang pagsupil sa  karapatang magpasiya’t pumili ng isang indibidwal. Dahil dito, sa tuwing darating ang halalan, maraming mga politiko ang nagnanais na ma-endorso ng nasabing relihiyon. Pagkat sino nga bang hindi kakapit sa sektang may milyong botanteng nakaantabay at siyang magbibibigay suporta gaano man kahalang ang kandidatong naghahangad ng upuan sa pamahalaan? 

Marami nang mga politikong harabas ang nahalal sa pwesto sa tulong ng gawaing ito ng INC. Kung kaya’t gaano man ka puro ang hangaring pagkaisahin ang mga tao tungo sa pagbabago, patuloy na mababahiran ng hindi kaaya-ayang kulay ang pagkilos na ito. Sapagkat walang silbi ang mga panawagang naka angkla sa mahihirap kung patuloy na maghahalal ng mga politikong korap na walang sawang naglulustay sa kaban ng bayan at pansariling interes lamang ang tangan. Samantala, isa namang kabalintunaan sa turo ng simbahan na protektahan at huwag panagutin ang mga nagkasalang nilalang. 

Isang huwad na kilusan ang kampanyang ito para sa kaayusan kung patuloy nitong pagtatakpan ang tunay nitong layuning depensahan ang nakaambang impeachment sa ikalawang pangulo ng bansa. Kung susumahin, totoo namang may mas dapat na pagtuunan ng pansin ang bayan ngunit sa kabilang banda, hindi ba’t isa ring malalang problema ang magkaroon ng lider na tiwali at walang pakundangan sa paggamit ng kapangyarihan makamit lamang ang sariling kagustuhan? Sila itong ugat ng walang humpay na pagdurusa ng sambayanan. Kaya’t marapat lamang na mabigyan ng kasagutan ang maraming katanungan. 

Datapwat relihiyoso, nakadidismayang isipin na marami pa rin ang nagbubulag-bulagan sa katotohanan. Ginagawang panangga ang Kataas-taasan at tinatalikdan ang pagsasabuhay sa kung ano man ang nakalagay sa tipan. Hindi magiging para sa masa ang isang kampanya kung may tinatakpan itong katiwalain. Bagkus, isa lamang itong pagtalikod sa katotohanan. Sapagkat hanggang may pamumulitika sa loob ng simbahan, hangga’t walang pag-uusig na singilin ang mga garapal sa katungkulan, hangga’t walang hustisyang naka ayon lamang sa mayayaman, at hangga’t may mga grupong sumusuporta sa mga gahaman — kailanman hindi maaabot ang pagkakaisa at tunay na kapayapaan kahit ilang kilometro pa ang lakarin ng ‘sang ka-iglesyahan.