Panatang Makabayan, Ibigin N’yo Naman ang Pilipinas
Written by Christian Cillo • Board by Krystal Arianna Puzon | 24 February 26
Walang halong duda at pagtataka, mahal na mahal tayo ng ating pamahalaan. Sa ilang taon ba namang naninilbihan ang pamahalaan ay marami itong patunay. Pinangungunahan ito ng mga pangakong napako, patuloy na pagkalam ng mga sikmura, paglala ng krisis sa edukasyon, at pagtalikod sa kanilang tungkulin — mahaba pa ang listahan.
Walang tunay na pagbabagong nagaganap, tayo ay nananatiling dehado. At pasan-pasan pa rin natin ang isang sistemang matagal na tayong binibigo. Para bang ang kanilang istilo ng pagmamahal ay patuloy tayong pahirapan. Sa ngalan ng pag-ibig, tila hinahayaang magtiis ang sambayanan. Ngayong buwan ng Pebrero na siyang buwan rin ng puso, meron ba nito ang pamahalaan?
Naglilingkod nang Buong Kabagalan
Paulit-ulit na lang ang mga pangakong napako ng gobyerno. Sa kabila ng kanilang mga sumpang pagbabago, nananatiling nakasulat sa hangin ang mga inaasahang polisiya at reporma. Dalawang dekada at tatlong administrasyon na ang lumipas, subalit isa pa ring panukalang batas ang SOGIE Equality Bill. Ilang ulit na itong naipasa sa Kamara, naisulat at naipagdebatehan, ngunit hanggang ngayon, nakabinbin pa rin at hindi pa ganap na batas. Tila nagbubulag-bulagan pa rin ang mambabatas at patuloy pa ring nakasarado ang kanilang isipan. Labis na pagmamahal nga naman.
Isama na rin natin ang mga proyektong napakabilis ipagawa. Numero uno rito ang MRT-7 na sa sobrang bilis ng pagpapatayo ay hindi pa rin naggagamit ng publiko hanggang ngayon. Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) noong 2024 na maaari na itong magamit sa taong 2025. Subalit sumapit na lamang ang taong 2026, hindi pa rin ito naisasakatuparan. Sa lumalalang trapik sa bansa, ito pa naman ang inaasahang solusyon ng marami sa ating mga kababayan. Nararapat na walang patumpik-tumpik at kabagalan sa implementasyon nito. Bilyones pa naman ang pondong nakalaan, kawawa ang buwis nating mga Pilipino.
Aking Lupang Sinilangan, Gutumin ang Aking Lahi
Mistulang pugad na rin tayo ng kagutuman. Lumalabas na 30% pa rin ng mga Pilipino ay nagsasabing sila ay nakararanas ng pagkagutom ayon sa sarbey ng OCTA Research noong Disyembre. Bahagya mang bumaba mula sa 49% noong ikatlong kwarter noong 2025, hindi pa rin maikakaila na milyon-milyon pa rin ang hindi nakakukuha ng sapat na pagkain. Lumalabas na hindi talaga sapat ang ipinagmamalaki nilang 64 Pesos kada araw upang makakain. Harapin natin ang katotohanan, ang ipinapaniwalang “sapat” na halaga sa kasalukuyang ekonomiya ay hindi pa nga sapat para sa isang masustansyang ulam sa hapag-kainan. Huwag na nilang ipamukha na ang kakarampot na halaga ay sapat na sa ating sikmura.
Sa halip pa na pang-matagalang lunas ang ibigay ng pamahalaan, mga lunas na panakip butas lamang ang kanilang inihahatid. Walang katapusang pamimigay ng ayuda tulad ng programang ‘Walang Gutom’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ‘Yormilk’ ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kanilang ibinabalandra. Hindi ito pantawid gutom, bagkus pagtatanim ng utang na loob sa mga politiko. Isang kaisipang kanilang nagiging pundasyon upang panatilihin ang walang katapusang sikulo ng pagdepende sa gobyerno at ituring silang mga bayani. Pamunuhan ng kanilang kapangyarihan, at pagbilog sa utak ng mamamayan.
Walang Buhay, Isip, at Pangarap
Damang-dama rin ng bawat mag-aaral ang naturang pagmamahal sa bawat pondong ipinagkakait maibigay sa mga unibersidad at pamantasan sa bansa. Sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) pa lamang ay mahigit dalawang daang milyong pisong halaga ng subsidiya na ang hindi pa naibibigay mula noong mga nakaraang administrasyon. Umabot na rin sa halagang 12 Bilyong Piso ang cumulative deficiency ng mga alokasyon para sa libreng kolehiyo mula 2022 hanggang 2025 ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).
Marahil edukasyon nga ay isang susi sa tagumpay, ngunit pinapanatili nila itong nakakandado kung mananatiling kapos ang pondo. Maraming mag-aaral ang umaasa sa libreng kolehiyo, at patuloy na lamang silang aasa sapagkat kaunti lamang ang mabibigyan ng pagkakataon dahil sa hindi sapat na alokasyon. Hindi maituturing na pagmamahal sa bayan ang pang-gigipit sa mga mag-aaral at pagnakaw ng tiyansa na sila ay makapag-aral.
Tinatalikuran ko ang Tuntunin ng Mamamayang Makabayan
Maituturing daw na bulag ang pag-ibig, kaya naman pala ilan sa mga lingkod-bayan natin ay hindi natin makitang ginagawa ang kanilang trabaho. Subalit kahit tatlong buwan nang hindi nagpapakita sa senado si Senador Ronald Bato Dela Rosa, siya ay sumasahod pa rin ng mahigit-kumulang tatlong daang piso kada buwan. Nakadidismaya isipin na ang “no work, no pay” ay para lamang sa mga ordinaryong mamamayan, na kahit magkasakit ay kinakailangan kumayod para lamang kumita.
Kabalintunahan na ang mga taong dapat pinaglilingkuran ang taumbayan ay nakatatanggap ng ganitong pribilehiyo. Hindi na ito pag-ibig, tila maituturing na itong pamamayani at pagtalikod sa kanilang sinumpaang tungkulin. Alituntunin na ipinagkatiwala natin sa kanila, sa oras na sila ay manilbihan.
Nasa sa atin na kung tayo ay magmamahal. Ito’y pagpapasyang malaya, walang pagpipilit, at walang pagpipigil. Ngunit sa oras na ikaw ay naging lider, ang pagmamahal ay may kaakibat na pananagutan: ang obligasyon na mahalin ang bayan. Sapat na ang paghihirap, kagutuman, panggigipit at pagtalikod sa kanilang tungkulin sapagkat hindi natin ito kailanman kinailangan. Ang tunay na nararapat nating matanggap ay ang kanilang pag-ibig sa kanilang nasasakupan. Nasaan na ang kanilang panatang makabayan?
