Pabor, Sumbatan, at Kwentahan: Sa loob ng pulitika at taumbayan
Written by Jan Rennie Abat • Board by Miaka Byonne Cha | 8 May 25
Kaakibat ng utang na loob ang pagkilala at pasasalamat sa inabot na tulong ng isang tao. Ang kawang-gawang ipinimalas ay hindi dapat ipinipilit, hindi dapat sinisingil. Ngunit sa larangan ng pulitika, ito ay nag-iiba.
UTANG NA LOOB SA PULITIKA
Sa administrasyon ni Rodrigo Duterte, muling naipuwesto ang pangalang Marcos sa sentro ng pambansang talakayan nang ipalibing niya ang diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Masasabi ngang utang na loob ito ng mga Marcos sa Duterte– isang malaking hakbang upang baguhin ang naratibo ng kasaysayan, ngunit isa ring malinaw na kalapastanganan sa mga naging biktima ng karahasan sa panahon ng diktadura.
Mula rito, namuo ang alyansa sa dalawang pamilya, ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte o mas kilala bilang Uniteam noong halalan ng taong 2022. Hindi rin naman nagtagal ang alyansang ito sapagkat ang ipinangakong pagkakaisa sa taumbayan ay ngayo’y naglaho sa mainit na banggaan ng dalawang pamilya. Masasabing sira na rin ito sapagkat nang hinuli ng International Criminal Court ang dating pangulo ay hindi umalma ang mga Marcos, at sinumbatan ni Davao City Mayor Sebastian Duterte si President Ferdinand Marcos Jr. sa pabor na pagpapalibing.
Minsan ay nakabibilib din talaga ang mga Duterte sa kung paano nila isiping sila ay mas nakahihigit sa batas. Ano ba ang gusto nilang sabihin ni BBM? “Huwag niyo munang kunin at imbestigahan ang Presidenteng puno’t-dulo ng karahasan at pag-aabuso ng kapangyarihan dahil inilibing niya ang tatay kong diktador kasama ang mga bayani.”
Dagdag pa rito ang batuhan ng maiinit na salita nina Senadora Risa Hontiveros at Bise Presidente Sara Duterte sa budget hearing noong Nobyembre 2023. Ikwinestyon ni Sen. Hontiveros ang P10 milyong budget ng bise presidente para sa isang librong pambata na pinamagatang “Isang Kaibigan” kung saan ang pangalan ng bise ay nakapaskil sa pabalat ng mga libro. Matapang na sumagot– o isinumbat, bilang isang Duterte— ni Sara na noong 2016 ay humingi ng tulong ang senadora sakanya matapos nitong matalo sa dalawang magkasunod na eleksyon. Aniya, hindi niya maintindihan kung paanong matapos niya itong tulungan ay tila walang utang na loob ang senadora sa pagkwestiyon sa kanyang budget at sa patuloy na pagbatikos sa mga Duterte.
Ganito pala ang utang na loob sa pulitika. Sa mga mata ng mga Duterte, walang pangkukwestyon na dapat natatanggap. Sa mata ng mataas na opisyal, dapat lang na traydurin ang batas dahil sila’y gumawa ng isang pabor. Malamang ay hindi lang ito nangyayari sa mga malalaking pangalan sa lehislatibo, ehekutibo, at hudikaturang gobyerno, kundi pati sa mga maliliit pang sangay nito. At kung kitang-kita sakanila ang masamang kahihinatnan ng utang na loob, isang katangiang maganda sana, hindi malayong ito rin ay nakaaapekto sa taumbayan.
PANININGIL SA SAMBAYANAN
Noong disyembre ng nakaraang taon, naging viral ang pahayag ni Senadora Cynthia Villar, “Malalaman naman namin sa eleksyon kung tatanawin niyong utang na loob ang pagbibigay namin ng lupa sa inyo,” na para bang obligasyon ng sambayanang ipanalo ang kanilang buong angkan sa darating na eleksyon. Salamat sa iyong donasyong palupa– na mayroong pahiwatig ng pagbabanta. Sa oras na hindi manalo ang mga Villar ay baka raw bawiin ang palupang ipinapangako sa publiko.
Hindi lang din naman mga Villar ang ginagawang negosyong pampamilya ang gobyerno. Sa probinsya ng Rizal ay may isang apelyido ng mga politikong nangingibabaw sa lahat– ang mga Ynares. Hindi lang din utang na loob ang naipon sa tatlong dekada nilang nasa posisyon, sapagkat pati ang mga kumakandidato na mula sa kanilang angkan ay dumami rin. Ngayong eleksyon, limang Ynares ang tatakbo sa pagiging gobernador, kongresista, alkalde at bise-alkalde ng iba’t-ibang munisipalidad nito.
Sa pagtatanim ng ideyang ang isang politiko ay nagbigay ng pabor, matagal na nilang gawain ang angkinin bilang sariling pagkukusa ang serbisyong kalakip ng kanilang posisyon. Maraming mga imprastrakturang itinayo gamit ang buwis ng mamamayan ngunit nakapangalan sa politiko. Maraming ayuda ang sinasabayan ng mga sticker o larawan ng kanilang mukha. Maging ang medalya sa pagtatapos ng sekondarya, may mukha ng politiko. Ang layunin: upang maalala, makilala, at magpasalamat. Hanggang sa isipin ng mga mamamayan:
“Buti pa ang politikong ito, may pa-ayuda!”
“Mahusay siyang lider, siya ang nagpatayo ng ospital natin!”
“Iboboto ko ang buong pamilya nila! Malaki naman na ang naitulong nila sa aming probinsya”
”Laking pasasalamat ko kay Mayor dahil sa ipinatayo niyang bagong eskwelahan. Nakapagtapos ang aking anak!”
Mapa-Villar man ng Las Piñas na siyang harap-harapang naniningil ng boto sa bayan o kaya’y mapa-Ynares ng Rizal na hindi man tuwirang humihingi ng kapalit, malinaw ang mensaheng iniiwan nito. Ito'y manipestasyon ng utang na loob na kalauna’y nagiging kapital sa halalan. Sa kabilang banda’y ito rin ang dahilan kung bakit naiipit ang mga mamamayan sa banggaan ng mga politikong tulad ng Marcos-Duterte. Imbis na unahin ang kapakanan at kinabukasan ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran ay mas pipiliin pa nila ang sariling interes– ang hindi pagpapakulong sa kriminal na Duterte at huwag harangin ang confidential funds ng bise.
Kahit ilang pabor, sumbatan, at kwentahan pa ang maganap, ang pagboto na nakabase sa utang na loob ay nag-uudyok lamang ng nepotismo, kurapsyon, at dinastiyang pampulitika. Nawawala ang dangal ng isang katangian at kultura ng mga PIlipinong maganda sana. Nawawala ang tunay na kapangyarihan ng taumbayang makapaghalal at makapag-alis ng mga tao sa posisyon. Kailan kaya muling makakadama ng serbisyong bukal sa loob at hindi utang na loob?