Mahiya naman kayo!
Written by John Coby Cabuhat • Board by John Ivan Pasion | 12 November 23
Bawal ang magbigay ng pera, pabor o anuman kapalit ang boto. Bawal mangampanya labas sa nominasyon ng halalan ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (SK).
Mahiya naman tayo bilang mga kabataan na sa bawat pandidiri sa maduming politika, pangunguna bilang isang modelo sa komunidad, at pagsulong ng pagbabago at pag-unlad, ay magiging alipin lang din ba tayo ng mga korap na gawain.
Sa pagkakahalal ng mga miyembro ng SK ng daan-daang barangay sa Maynila, gaganapin naman ang halalan para sa Panglungsod na Pederasyon ng SK sa Martes, Nobyembre 14.
Ipinagbabawal ang pagkakaloob ng anuman kapalit tulad ng pera o pabor para o laban sa SK Chairperson o miyembro ng Panglungsod na Pederasyon. Hindi rin pinahihintulutan ang pagbibigay ng transportasyon, pagkain o inumin.
Dagdag pa rito, hindi rin maaari ang pangangampanya sa labas ng nominasyon higit na ng mga opisyal ng pamahalaan, SK Chairperson, at kamag-anak. Bawal magpamigay o maglathala kahit sa social media ng anumang patungkol sa pagboto ng miyembro para sa pederasyon.
Habang tanging sa nominasyon ng mga miyembro lamang maaaring magpakilala ang mga SK Chairperson na gustong kumandidato. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng talumpati na hindi lalagpas sa limang minuto.
Lahat ng ito ay ipinagbabawal sa loob ng limang araw bago at matapos ang halalan ng pederasyon ayon sa Joint Memorandum Circular No. 2017-01 Section 21, na inulit sa Memorandum Circular No. 2023-168 mula sa Department of the Interior and Local Government, Commission on Elections, at National Youth Commission.
Sa pagkakataon na naniniwala tayo sa kakahayan ng kabataan na baguhin paunti-unti ang sistema ng politika, nakakapanghinayang na nariyan pa rin ang pagkakataong magpakaalipin sa korapsyon.
Paano ipagkakatiwala ang Pederasyon, lalo na ang pagkapangulo nito, na siyang kakatawan sa kabataang Manilenyo sa Sangguniang Panglungsod kung bago pa lamang maihalal ay korap na?
Paano maniniwala ang mga kabataang Manilenyo sa mga polisiya na maaaring maisulat at maimungkahi sa konseho kung walang kakayang sumunod sa batas?
Kung maaaring kultura na ito sa politka, kailangang baguhin ng kabataan. Kung may sapat namang kakayahan, mabuting kagustuhan, mahahalagang karanasan, at magandang ‘credentials,’ hindi na kailangang kumapit sa pamamahagi ng pera o maging sa kahit na ano mang pabor para maihalal ng kapwa SK Chairperson.
Sa mga SK Chairperson na naihalal, mahiya naman at itaas ang antas ng pamamahala sa kabisera ng bansa. Bilang mga kabataan ng Lungsod ng Maynila, mamamalagi ba sa ganitong tradisyunal na politika? Tradisyon na patuloy na lumalason sa pag-asang may pagbabago sa pamamahala sa mga SK ng lungsod.
Tandaan na malaki ang mandato ng pederasyon. Ang tagapangulo nila ang mangangasiwa ng pagbuo ng Local Youth Development Plan na lalamanin ang mga programa, proyekto at aktibidad para sa mga kabataan ng Maynila. Katuwang nito ang Local Youth Development Council na binubuo ng ilang mga organisasyon ng at para sa kabataan.
Nakasalalay dito ang mga programang maaaring magbigay solusyon sa krisis sa edukasyon, pagpasok sa pag-aaral at kolehiyo, suporta para sa mga working students o kabataang manggagawa, kasangkutan sa krimen, paggamit ng droga, teenage pregnancy, diskriminasyon at iba na hamon para sa mga kabataang Manilenyo.
Katulad ng isang Konsehal, mauupo ang Pangulo ng Pederasyon sa sangguniang na tatanggap ng parehong sahod at benepisyo. Maaari pa itong magkaroon ng budget para sa opisina nito sa kanyang gampanin bilang miyembro ng sanggunian.
Kaya bago tumanggap ng limang daan, isang libo, dalawa, o tatlo, isipin ang nakasalalay. Kawawa ang mga SK sa Maynila. Kawawa ang mga kabataang Manilenyo. Sapagkat sila ay pamumunuan ng korap na kapwa nila kabataan. Ang hamon sa paparating na halalan ng pederasyon, sa lahat ng SK Chairperson, ay itaguyod ang prinsipyo ng katapatan at pananaig ng batas. Tandaan na may bumibili ng boto dahil may tumatanggap.
Higit kailanman, inaasahan na mas may alam ang kabataan sa ideyalismo ng mabuting pamamahala at politika sa bansa. Puno ang kabataan ng kanilang kasigasigan buhat nang mas batang edad, interes na mapayabong pa ang isipan bilang isang mag-aaral, at kaalaman sa reyalidad ng kabulukan at pag-asa sa sistema.
Katuwang ang mga ito, bitbit ang ideyalismo, malaki ang mandato na makapaghatid ng pag-unlad sa kultura, mga gawi, at kaisipan ng politika ang mga kabataang Manilenyo sa lungsod at sa Pilipinas.
