Kamatayan ang Huling Absuwelto
Written by Francis Irvin Gonzales • Board by Miaka Byonne Cha | 15 December 25
Kamakailan lamang, namatay ang isang tanyag na politiko ilang dekada nang nanilbihan sa pamahalaan. Sa edad niyang 101, hinirang na “tunay” na mambabatas bilang kasapi ng pamamalakad ng mga nagdaang administrasyon. Ngunit sa kabila ng mabulaklak na pagpupunyagi ay ang kaalaman ng kaniyang kalupitan. Ang payapang kamatayan ng politiko ay hustisyang ‘di nakamit. At ang kamatayan ng mga may sala tulad niya ay tila karugtong ng inhustisya–ang huling absuwelto.
Lumipas ang iba’t ibang administrasyon sa bansa, ngunit nananatili ang mga sakim, mandarambong, at kurakot. Ang parehong sistema ng hustisya na inaasahang magbigay ng karampatang hatol ay ang parehong sistema na nagpapawalang-sala sa mga ito. Nagagawang mamuhay sa kapinsalaan ng mga payak na tao. Kung kaya’t anong dalamhati na lang ang nararamdaman ng mga Pilipino sa balita ng pagkamatay ng isa sa mga politikong ito. Hindi dahil sa pagpanaw nito, kung hindi dahil kasama niya sa libingan ang katarungang hindi nakamit. Ilang beses napawalang-sala; nagawang mamatay nang payapa bunga ng dekadang kabiguan sa hustisya.
Isinapubliko ng pamilya ang mapayapang pagpanaw ng kilalang politiko, napaliligiran ng mga mahal sa buhay sa pagsapit sa huling hantungan. Malungkot na pagpupunyagi sa isang indibidwal at sa pamamahalang kinatawan niya. Ang pagdiriwang na hindi nagawa ng mga pamilya ng minasaker, tinortyur, o pwersahang pinaglaho.
Sa kabila ng mga hiling ng pamilya at kamag-anak ng namayapa na panatilihing magalang ang pag-aalala, naglabasan ang mga kabuktutan na kinabilangan at pinamunuan sa lumipas na panahon. Inalala ng taumbayan hindi dahil sa batas na isinulat at ipinatupad, kundi sa katiwalian at inhustisyang pinalaganap. Walang pamanang hihigit pa sa bansag na “Pambansang Balimbing.”
“Walang luha,” ani ng mga biktima ng Martial Law sa balita ng pagkamatay ng arkitekto ng pinakamadugong panahon ng bansa. Sa pagkait ng katarungan mula sa mga pamilya at biktima ng tortyur, pagpatay, at desaparecidos, nagpapatuloy ang ilang dekadang paghabol sa hustisya, namatay man ang taong isa sa nararapat litisin para dito.
Para sa karamihan, pawang katatawanan lamang ang sistema ng “hustisya” sa bansa. Kung kaya’t nilalagay ng mga Pilipino ang kanilang tiwala sa kabilang buhay—sa paniniwalang mapaparusahan ang mga kasalanan mo sa mundong ibabaw. Kakaunting ginhawa ang paniniwala sa kabilang-buhay kung saan mapapatawan ng angkop na parusa, ng hustisyang hindi naibigay sa mundo ng nabubuhay.
Itinuturing na pagtatapos ng isang kabanata ng kasaysayan ng bansa ang pagkamatay ng tanyag na politiko. Ngunit sa kaniyang paglisan, nananatili ang parehong sistemang nanilbihan sa kaniyang interes at patuloy na naninilbihan sa interes ng iilan. Kasabay ng pag-alala sa kaniyang kilalang ganid at kasakiman, ay ang pagkutya sa sistema ng hustisya na hanggang ngayon ay sa mayaman lamang pumapanig.
Isa siya sa pinakamatagal na lingkod-bayan sa kasaysayan ng bansa bilang nakaaupo sa pamahalaan nang higit sa kalahating siglo. Sa nagdaang administrasyon pinaglingkuran, hindi lang nakinabang, kung hindi pinamunuan din ang mga kabuktutan ng pagtapak sa karapatang pantao. At sa mga nagdaang administrasyon, wala ni isang naghatol ng kaparusahan. Nananatiling mailap ang hustisya sa bansang inililibing ang isang tanyag na berdugo sa Libingan ng mga Bayani.
Sabay ng kamatayan ng politiko, umiigting ang panawagan na pagbutihin ang sistema ng hustisya sa bansa. Tunay na hustisya para sa lahat, hindi para sa iilan–nagbababa ng karampatang paghahatol sa mga nagkakasala, angkop sa bigat ng kasalanan. Ang pagpapanagot habang nabubuhay, para mapagtibay ang hustisya para sa mga nabubuhay. Nang hindi na makita ang kanilang kamatayan bilang huling absuwelto.
