Hindi Lahat ng Babae ay Kakampi
Written by Talitha Dungca • Illustrated by Jannah Marie Duana | 14 April 26
Sa lumipas na Buwan ng Kababaihan, paulit-ulit na dumadaan sa ating paningin ang samu’t saring posters, mga dekorasyong kulay lila, at mga pamilyar na pahayag na nagsasabing “malayo na ang narating ng kababaihan.”
Ngunit sa likod ng mga mensaheng ito, may isang tanong na madalas hindi nabibigyan ng sapat na pansin: sapat na ba ang pagiging babae upang matawag kang tunay na kakampi ng ordinaryong kababaihan?
Babae sa pangalan, hindi sa laban
Sa kasalukuyang kalagayan ng pulitika, malinaw ang hamon na kinahaharap ng bansa.
Noong Pebrero 18, inihayag ni Sara Duterte ang kaniyang plano na tumakbo para sa pagkapangulo sa Halalan 2028, sa kabila ng mga isyung bumabalot sa kaniyang rekord—mula sa mga impeachment complaint kaugnay ng diumano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang paratang ng katiwalian, hanggang sa mga batikos sa kaniyang hindi pagtugon sa mga usaping may kinalaman sa karapatang pantao at teritoryal na soberanya.
Hawak niya man ang pinakamataas na posisyon para sa isang babae sa gobyerno, ngunit paulit-ulit niyang ipinapakita ang kabiguang gampanan ang tungkuling ipagtanggol ang kababaihan: sa harap ng lantad na pang-aabuso at diskriminasyon sa loob ng Kongreso at iba pang institusyon ng gobyerno, nananatili siyang tahimik.
Walang malinaw na pagtindig, walang pagtatanggol, at walang paggamit ng kapangyarihan upang mapanagot ang mga mapang-abuso sa pamahalaan. Sa halip na hamunin ang patriyarkal at dinastiyang pulitikal, ang kaniyang rekord ay nagpapakita ng pakikisabay at pagpapanatili ng umiiral na mapanupil na kaayusan.
Sa panahong tumataas ang presyo ng bilihin, mababang kalidad ng edukasyon, at mababang sahod, malinaw na ang representasyon ng kababaihan ay hindi sapat kung hindi ito sinasabayan ng pagtindig para sa karapatan ng nakararami.
Ang babae ay hindi murang lakas-paggawa
Dahil sa kontraktuwalisasyon at mababang sahod, mas nalalantad ang kababaihan sa diskriminasyon, pang-aabuso, at hindi maayos na kondisyon sa trabaho. Batay sa Integrated Survey on Labor and Employment (ISLE) 2021/2022, may 392,007 babaeng hindi regular ang trabaho sa mga kumpanyang may 20 o higit pang empleyado, patunay na kahit sa malalaking establisimyento, nananatiling laganap ang kawalan ng seguridad sa trabaho ng kababaihan.
Kung susuriin, sa bawat sampung babaeng maaaring magtrabaho, walo ang wala sa pormal na empleyo. Sa impormal na sektor, apat lamang sa bawat sampung manggagawa ang babae. Sa tinatayang 37% o humigit-kumulang 8 milyong manggagawang may sahod na kababaihan, milyon-milyon ang nasa pribadong establisimyento, bilang kasambahay, o may sariling maliliit at home-based na kabuhayan—mga anyo ng trabaho na kadalasang kulang sa proteksyon at benepisyo.
Laganap din ang kontraktuwalisasyon sa mismong gobyerno, kung saan halos apat sa bawat sampung job order o contract of service workers ay babae. Sa kabila nito, nananatili ang mababang sahod at ang gender wage gap. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, kumikita ang kababaihan ng 18.4% na mas mababa kaysa sa kalalakihan sa digital jobs, at 92 sentimos lamang sa bawat pisong sahod ng lalaki sa agrikultura.
Hangga’t nananatiling mababa ang sahod at hindi tiyak ang trabaho, patuloy na tinatrato ang kababaihan bilang murang lakas-paggawa.
Mahirap maging babaeng pinagkakaitan ng estado
Mahirap ang maging babaeng walang sapat na edukasyon; lalo na kung ang mismong pondong dapat magtulay sa mas maayos na kinabukasan ay napupunta sa kuwestiyonableng paggasta.
Ayon sa mga ulat hinggil sa Department of Education, umabot sa mahigit ₱11 bilyon ang mga kwestiyonableng gastusin. Kung ginamit ito nang wasto, maaari sanang makapagtayo ng humigit-kumulang 4,400 silid-aralan, batay sa tinatayang ₱2.5 milyon kada classroom, o makapagpondo sa sahod ng halos 34,000 guro. Sa konteksto ng kakulangan sa paaralan at guro na direktang nakaapekto sa edukasyon ng mga batang babae, ang maling paggamit ng pondo ay tahasang pagkitil sa kanilang mga oportunidad.
Habang lantad ang kakulangan sa edukasyon at serbisyong panlipunan, nananatiling lihim ang paggamit ng malalaking pondo sa gobyerno. Sa Office of the Vice President, umusbong ang isyu ng confidential funds na umaabot sa daan-daang milyong piso, kabilang ang humigit-kumulang ₱612.5 milyon na iniimbestigahan ng House of Representatives para sa posibleng maling paggamit noong 2022 at 2023. Sa halagang ito, maaari sanang pondohan ang mahigit 1,200 rural health units, maglaan ng bilyon-bilyong piso para sa gamot, health workers, agrikultura, edukasyon, at disaster response na mga serbisyong kritikal sa kababaihan at kanilang pamilya.
Sa kabila ng krisis, mabagal ang usad ng pananagutan. Ang mga impeachment hearings laban kay Sara Duterte ay dumaraan pa sa mahabang proseso ng pagdinig at pagtukoy ng probable cause, na nagreresulta sa kawalan ng agarang pananagutan. Ipinapakita nito ang istruktural na kabagalan ng sistemang politikal—isang kabagalan na may kongkretong epekto sa buhay ng kababaihan, lalo na sa mga umaasa sa edukasyon at serbisyong panlipunan upang makaahon sa kahirapan.
Anino ng nakaraan
Hindi maaaring paghiwalayin ang kasalukuyang kandidatura mula sa nakaraan. Sa panahon ng pamumuno ni Rodrigo Roa Duterte, tinatayang mahigit 6,200 ang opisyal na bilang ng mga napatay sa war on drugs. Gayunpaman, ayon sa mga human rights group at sa International Criminal Court (ICC), maaaring umabot sa 12,000 hanggang 30,000 na pagkamatay, karamihan mula sa mahihirap na komunidad.
Sa likod ng mga numerong ito ay mga pamilyang naulila at mga batang lumaki na walang hustisya. Maraming kaso ang hindi pa rin lubusang naimbestigahan at kakaunti lamang ang may pananagutan na naparusahan. Dahil dito, patuloy ang panawagan na mapanagot ang mga responsable—isang paalala na ang kawalan ng pananagutan ay nagbubukas ng pintuan sa pang-aabuso ng kapangyarihan.
Hindi lahat ng babae, tunay na kakampi
Ito ang malinaw: sa buwan na iniaangat ang kababaihan, hindi awtomatikong progresibo ang isang lider dahil lang sa kaniyang kasarian. Ang tunay na “abante babae” ay yaong handang manindigan laban sa katiwalian, karahasan, at dinastiyang politikal kahit mahirap at kahit makabangga ang makapangyarihan.
Sa ganitong pamantayan, hindi maituturing na tunay na kakampi si Sara Duterte. Makikita ito sa kaniyang kasaysayan at sa paulit-ulit na kawalan ng pananagutan—mga paninindigan at kilos na hindi umaayon sa aktuwal na pangangailangan at karapatan ng kababaihan.
Dahil ang laban ng kababaihan ay hindi nakasalalay sa kung sino ang nakaupo sa puwesto. Nakasalalay ito sa kung anong uri ng pamumuno ang naibibigay.
Hindi magagandang tagline, quote, tarpaulin, o modelo ang hinihingi ng kababaihan—kundi isang lipunang may tunay na representasyon, kumikilala, nagpoprotekta, at naglilingkod hindi lang sa kababaihan, kundi sa buong sambayanan.
