IMG 9833

Hindi Ko Pwedeng Sisihin ang Mga Magulang Ko Habangbuhay

Written by Francis Garra Gonzales • Board by Krystal Arianna Puzon | 16 August 26

Sa mahabang panahon, sinisi ko ang mga magulang ko sa mga kahirapang nararanasan ko sa buhay. Sila itong may tungkulin na bigyan ako ng magandang buhay—kalidad na edukasyon, iba’t ibang oportunidad, at masayang tahanan. Umiinog ang pag-aagam-agam ko sa hinaharap hindi sa kawalang-kasiguraduhan nito, kundi sa pinagmulan nito: Saan nagkukrus ang hangganan ng kanilang responsibilidad at umpisa ng pag-ukit ng sariling ngalan ko?

Paminsan-minsan, ‘di ko maiwasang isipin kung kailan nagtatapos ang responsibilidad ng mga magulang kong bigyan ako ng magandang buhay, at kung kailan nag-uumpisa ang tungkulin kong bumuo ng sariling buhay. Sa tuwing magdadalawang-isip akong humakbang, nakasanayan ko nang lumingon sa aking pinanggalingan. Nakapanlulumo lang isipin na sa pagsisimula kong tahakin ang sarili kong buhay, nananalagi ang utak ko sa mga nawaglit na pribilehiyo at oportunidad.

Pinangatwiranan ko ang mga paghihirap ko sa buhay bilang mga kabiguan ng aking mga magulang. Ang mga naibagsak na pagsusulit ay dahil sa kawalan ng espasyo para sa pag-aaral sa sariling pamamahay. Ang mga naisantabing pagkakataon dahil sa oras na ginugol sa paghinga sa pagitan ng mga pagtatalo sa sala. Ang hindi pagsisikap dahil sa naisapusong kawalang-pagpapahalaga sa sariling potensyal—balewala ang pagpupursigi sa isang sirang tahanan.

Oo, mahirap ang buhay para sa karamihan. Ngunit ang pagkagutom, kahirapan, at walang katuturang pagsusumikap ay hindi eksklusibo sa pamilya ko. Ang katotohanan ay hindi lang ang mga magulang ko ang hikahos, ang nagsasakripisyo makaatim lang ng kahit katiting na kaginhawaan. Sa kabila nito, mas pinili ko pa ring ipasa ang tungkuling hubugin ang sarili kong landas imbis na harapin ito nang mag-isa. Dahil mas madaling ibaling ang sisi sa iba kaysa suungin ang unos ng buhay.

Marahil ay isa na rin itong pagtatampo. Kung nabigyan lamang ako ng mas maraming oportunidad, ng mas maaliwalas na kaligiran, ng mas malapad na pakpak, malayo na kaya ang narating ko? O mananatili ako sa parehong siwang ng kabiguan–isang bilangguan na ako mismo ang gumawa?

Pawang kaiprokituhan ang isumbat ang sariling pagkukulang, dahil ang reyalidad ay mas nakakabigo. Mula sa sarili kong karanasan, nakita ko kung gaano kalupit at katarik ang minamata kong daan tungo sa aking pangarap. Habang tinatahak ang mga unang hakbang ng aking buhay, dosenang pagkatapilok na agad ang bumungad sa akin. Kung ako na kakasimula pa lamang sa landas ng buhay ay humarap na agad sa samu’t saring paghihirap, anong karapatan kong pagmataasan ang mga magulang kong humarap sa mga mas kalunos-lunos na pagsubok?

Sa likod ng paninisi ko, alam kong ang buhay na mayroon ako ngayon ay bunga ng kanilang pagbabanat ng buto at pagsasakripisyo ng dugo’t pawis, maging ng sarili nilang hinaharap. Ang buhay na hawak ko ay binuo ng kamay ng mga magulang ko, duguan at puno ng kalyos.

Hindi pinagkaitan ng magandang hinaharap ang buhay ko. Ni hindi rin ito maituturing na bulwagan ng mga ipinamanang patay na pangarap. Darating ang punto ng buhay mo na ikaw na, hindi ang mga magulang mo, ang may tungkuling bumuo nito. Marahil ang tunay na ipinamana sa akin ay hindi mga hangarin o ambisyon ng kanilang panahon, kung hindi ang tahakin ang parehong daan na sinuong ng aking mga magulang; tigib sa pagsubok at paghihirap, pati na rin ng mga kaginhawaan at kasiyahang kaloob ng buhay. Dahil hindi nagsisimula ang pagbuo ng buhay sa paninisi sa aking pinagmulan, kung hindi sa paghakbang tungo sa aking hinaharap, maligaw o nakapiring man.