‘Di Abot-kayang Edukasyon ang Problema sa Medisina

‘Di Abot-kayang Edukasyon ang Problema sa Medisina

Isinulat ni Jan Rennie J. Abat • Ilustrasyon ni Jian Muyano | 30 August 25

Pinatunayan lamang ng mga sunod-sunod na balita ukol sa larangan ng Medisina kung gaano kababa ang kalidad ng pangangalaga sa kalusugan ng bansa. Gayunpaman, ang puno’t dulo ng lahat ng ito ay ang kakulangan ng gobyerno na magbigay ng sapat na oportunidad— hindi lamang para sa mga manggagawang pangkalusugan na narito, kundi pati na rin sa mga estudyanteng nagnanais tahakin ang landas ng medisina.

Hindi rin ito teorya lang; ramdam ito ng mga Pilipino sa araw-araw. Sa mga nagdaang linggo nitong Agosto, dumaan ang malakas na bagyo, bumaha ang mga kalsada, at tumaas ang bilang ng mga nagkasakit. Pumalo sa mahigit 2,396 kaso ng leptospirosis mula pa nung ika-7 araw ng Agosto na nag-ambag sa pagkapuno ng mga pampublikong ospital. Kasabay nito, muling sumiklab ang hinaing ng mamamayan ukol sa kakulangan ng ating sistema sa pangkalusugan.

Sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos nitong taon, kaniyang inanunsyo ang implementasyon ng “zero balance billing” sa 87 Department of Health (DOH) hospitals sa buong bansa kung saan ang mga pasyente ay hindi na kailangan pang magbayad para sa basic o ward accommodation. Noon namang 2024 SONA, ipinagmalaki rin niya ang pagtaas ng pondo para sa kalusugan ng mga Pilipino. Kabilang dito ang tinaguriang “seed funds” sa pagpapatayo ng mga bagong state universities at pagbubukas ng mga iskolarship para sa mga pampublikong paaralan ng medisina. Ngunit sa kabila ng mga pangakong ito, nananatiling hadlang ang realidad: marami pa ring mga doktor at nars ang umaalis sa bansa.

Narito ang mga numero. Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, kailangan ng bansa ng dagdag na 190,000 health workers. Ngunit ayon sa Filipino Nurses United (FNU), sa 509,297 na aktibong nars, 316,415 na ang nakaluwas at nag-migrate. Huwag din nating kalimutan ang mga doktor na buong pusong nagsisilbi rito sapagkat kahit hindi sila mag-migrate, kulang na kulang pa rin tayo. Base sa tala ng World Health Organization (WHO) National Health Workforce Accounts noong 2021, mayroon lamang tayong 7.92 na doktor sa bawat 10,000 na tao. Ito’y mas mababa pa sa ideal na 10 sa bawat 10,000.

Kulang pa rin ang ating mga manggagawang pangkalusugan sa kabila ng matitinding kampanya para manatili sa bansa. Libo-libong manggagamot at nars ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa dahil sa paniwalang mas maganda ang buhay doon. Sabi nga ng karamihan, mas luntian ang damuhan kung ito’y dinidiligan. Sa kaso natin… ito’y tagtuyot na.

Mahal ang pag-aaral ng medisina. Makapasok pa nga lang sa isang paaralan ng medisina ay tila paghahagis ng barya sa hangin. Kara para sa libreng edukasyon, krus para sa libu-libong piso kada semestre. Sinasabi nilang ang buhay ay walang katumbas na halaga, ngunit para sa isang karaniwang Pilipino, ang pagligtas ng buhay ay nangangahulugan ng pagbubutas ng sariling bulsa.

Sa ngayon, ang Doktor Para sa Bayan Scholarship ng Commission on Higher Education (CHED) at ang Medical Scholarship ng Department of Health (DOH) lamang ang mayroon tayo—iilang oportunidad mula sa gobyerno, kung saan noong nakaraang taon, 500 slots lang ang nakalaan. Kung hindi ka kabilang sa mas mababa sa isang libong mapapalad na iskolar, swertihan na lang kung ika’y makapagpapatuloy pa sa programang kilala sa sobra sa trabaho ngunit salat sa sahod.

Sa edukasyon nagsisimula ang lahat upang maihanda ang ating mga healthcare workers. Totoo, hindi simpleng usapin ang dagdagan lang ang scholarship slots dahil may katapat itong badyet. Ngunit kung tunay na prayoridad ng gobyerno ang kalusugan, dapat itong makita hindi bilang gastos kundi bilang puhunan sa kinabukasan. Hindi rin dapat gobyerno lamang ang kumikilos. Kahingian mula sa gobyerno’y maaari itong makipag-ugnayan sa mga pribadong institusyon, lokal na pamahalaan, at maging mga organisasyong handang tumulong, upang mapalawak ang bilang ng mga iskolar. Kung magiging bukas at sistematiko ang ganitong mga kolaborasyon, mas marami ang magkakaroon ng pagkakataong maging doktor. At kung malinaw ang pagpapatupad ng return service agreement, ang bawat pondong inilaan ay babalik sa taumbayan sa anyo ng serbisyong pangkalusugan. Ito ang uri ng solusyong hindi lamang abot-kamay, kundi makatao at makabayan.

Aabutin ng maraming taon bago tuluyang maresolba ang krisis sa kalusugan. Ngunit kung magkakaisa ang pamahalaan, mga ospital, at akademya, nawa’y maging kasing-halaga ng mismong buhay ng tao ang pag-access sa mga paaralang medikal. Sa dulo ng lahat, kalidad na serbisyo para sa kalusugan lang din naman ang ating kahilingan.