Buhos ng Ulan, Damayan na Naman Sina Juan?
Writtn by Francis Irvin Gonzales • Illustration by Krystal Arianna Puzon | 9 August 25
Kamakailan lamang, lubog sa baha ang mga kalsada sa Maynila. Ngayon, pinapainit muli ng tirik ng araw ang aspaltong lansangan. Tila kasimbilis ng pagbabago ng panahon ang paglimot sa mga dinanas ng mga Pilipinong nasalanta ng bagyo at habagat. Sa paglipas ng pagpatak ng ulan, mistulang natapos na rin ang usapan. Hindi maiwasang pagnilayan na sa susunod na pagdaan ng bagyo ay muling mapipilitan na lang magpakatatag at magtulungan. Isa lang ang tiyak sa pabago-bagong panahon: hindi sapat ang pagtitiis at pagdadamayan nina Juan sa harap ng lumalalang krisis sa klima.
Dala ng higit isang linggong walang tigil na pag-ulan, naranasan muli ng mga Pilipino ang sunod-sunod na suspensyon, malawakang pagbaha, at pagkasira ng mga tirahan at kabuhayan. Hindi na bago ang ganitong pangyayari para sa maraming Pilipino. Napuno ang balita ng mga ulat tungkol sa hagupit ng habagat at bagyong Crising, Emong, at Dante. Kasama nito ang pinsalang naidulot sa iba’t ibang lalawigan, at ang bayanihan ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino. Lahat ng ito ay nakagawian na ng mga Pinoy sa pagsapit ng La Niña. At marahil ay masyado nang nakasanayan.
Ilang linggo na ang lumipas at magpahanggang ngayon kani-kaniyang pagsusumikap ang mga Pilipino para maiahon ang sarili sa pinsalang dulot ng walang tigil na pag-ulan. Lumang kanta na ang pangangailangan ng mga Pilipino na magkaroon ng mas matibay na sistemang tinitiyak ang kanilang kaligtasan mula sa sakunang dulot ng mga bagyo. Ngunit bago pa man makadaing sa paghihirap tuwing tag-ulan, hihiritan agad ng “resiliency”. Magdadahilang patuloy na nakangiti ang mga Pilipino sa harap ng pagsubok. Naging kultura na ang “resiliency” sa halip na batikusin at punahin ang sistemang nagdudulot ng pangangailangan nito.
Bagaman taunang nanawagan na paghusayin ang kakayahang matugunan ang delubyong dulot ng malalakas na bagyo, patuloy na nagiging biktima ang pangkaraniwang Pilipino. Ang pagdaan ng bagyong Crising, Emong, at Dante ay hindi naiiba rito. Naitala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang humigit-kumulang 367,000 pamilyang naapektuhan ng bagyong Crising na napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Inulat din ng Department of Agriculture (DA) na kulang-kulang dalawang bilyong pinsala ang dinala ng mga bagyo at habagat sa mga pananim at pangisdaan sa bansa. Tuwing pumapalya ang nakatalagang sistema, hindi ang mga opisyales ang naghihirap kung hindi ang mga karaniwang mamamayan.
Sa kabila ng nakalaang bilyones para sa mga flood control projects, patuloy at paulit-ulit ang nararanasang pagbaha. Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa isang linggong pag-ulan, tinatayang nasa 500 na lugar ang nalubog sa baha sa kalakhang Maynila kung saan nakalaan ang 650 ng 5,500 flood control projects. Tinumpok ng MMDA ang proyektong Dolomite beach ng nagdaang administrasyon bilang isa sa pangunahing dahilan ng malawakang pagbaha sa iilang bahagi ng siyudad ng Maynila. Ang P389 milyong proyektong naglayong pagandahin ang siyudad ay naging dahilan pa ng pagkaperwisyo sa mga naninirahan dito.
Gaya ng COVID-19 Pandemic, mga lindol, at iba’t ibang sakuna, muling hinayaan ang mga Pilipino na salbahin ang isa’t isa sa ilalim ng mapagkunwaring “bayanihan”. Ang mga donation drives, search and rescue operations, at evacuation centers ay pansamantalang lunas sa isang malawak at sistematikong kapabayaan sa mga nasasakupan. Saan pupulutin ang mga Pilipino kung tatapalan lang ng mga panandaliang solusyon ang bawat sakuna?
Bawat taon, isang kalbaryo ang paglipas ng malalakas na bagyo. Pagdurusa kung maituturing ang nararanasan ng mga Pilipino na paglusong sa baha, pagkasira ng mga bahay, o pagkawala ng hanapbuhay. Hindi ang investments sa condo, o patuloy na “bayanihan” ng mga Pilipino ang makatwirang solusyon sa lumalalang krisis sa klima. Walang pakundangan ang pagtrato sa labis na pagbaha at pagkasira ng ari-arian bilang “new normal”. Sa pagsapit ng buwan ng Agosto, tatlong sunod-sunod na bagyo ang nakatayang mabuo at hahagupit muli sa ating kapuluan. Matutugunan kaya ng nakatalagang sistema ang mga pangangailangan nina Juan nang hindi humahalina ng pagdadamayan?