M109 013026 - -BINIBIGO ANG KAMALAYAN NG MGA HARIBON-

Binibigo ang Kamalayan ng mga Haribon

Written by Francis Irvin Gonzales • Board by Caitlin Beatrice Mutas | 31 January 26

Hindi lamang kahusayan sa mga piling propesyon, kung hindi sa kritikal na pagsusuri sa lipunan din nakikilala ang mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Nakikilahok sa iba’t ibang diskusyon patungkol sa mga suliraning kinahaharap ng kapwa estudyante, sa loob at sa labas ng pamantasan. Ngunit sa kabila ng pagpapahalaga sa mga mabibigat na usapin, kulang na kulang pa rin ang espasyo para sa mga makabuluhang diskurso sa unibersidad. Kalunos-lunos kung isipin: imbis na linangin, sinusupil ang kritikal na pag-iisip.

Nagluluwal ang kahirapan ng kamalayang kritikal sa pagpapahirap, pang-aalipusta, at katiwalian. Mayroong pagsisiyasat sa kaligiran na mahihinuha mo lamang kung ito ang pinagmulan mo. Hindi angkop ang katwirang biktima ng “brainwashing” ang mga iskolar, dahil nangangahulugan itong hindi sapat ang kamalayan ng kabataan upang kilatisin at punahin ang mga suliraning kinakaharap. Hindi kailangan “mamulat” sa reyalidad, dahil ang kahirapan na ang buhay na kinagisnan ng karamihan.

Kung kaya’t sa mga pampublikong unibersidad, tulad ng PLM, kung saan karamihan ng mag-aaral ay maralita, karaniwang tagpo ang mga estudyanteng malalim ang pag-unawa sa mga isyung panlipunan.

Sa pamantasan, nananatiling buhay ang masikhay na diskusyon ng kabataan tungkol sa mga isyung panlipunang nakakaapekto sa loob at sa labas ng komunidad. Ang mga chapters ng National Democratic Mass Organizations (NDMOs) na nakapalagi sa PLM, tulad ng Anakbayan at Gabriela Youth, ay patuloy na binubuhay ang mga diskusyong nakakaapekto sa mga Haribon.

Ito ay sa kabila ng mga kaso ng redtagging mula sa mga guro, magulang, netizens sa iba’t ibang social media platfoms, at maging sa mismong administrasyon ng unibersidad. Makailang ulit nang nakapagtala ng kaso ng redtagging sa mga orientation ng mga freshmen, partikular na sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP). Bagong salta pa lamang sa unibersidad, ang mga iskolar ay binabahiran na ng putik ang mga progresibong organisasyon.

Matatandaang makailang ulit nang hindi pormal na kinikilala ang mga progesibong grupo sa iba’t ibang pagdiriwang sa unibersidad. Idinadahilan na hindi sila “accredited” ng mismong unibersidad kung kaya’t kapos sa mga naaabot na mga mag-aaral. Kung hindi sa pagsisimula ng mga diskusyon, ay sa pagpapaalam sa mga isyung nakakaapekto sa mga Haribon.

Hindi ba’t kasiya-siyang tingnan na ang edukasyon ng mga mag-aaral ay sinasaklaw ang malawak na lipunan, higit pa sa apat na sulok ng silid-aralan? Ang mga grupong ito ang nagiging daluyan ng makabuluhang diskusyon para sa mga Haribon hinggil sa kanilang pakikilahok sa mga mabibigat na usapin. Ngunit patuloy na pinapasinungalingan ang tunguhin ng mga progresibong grupo, na maging ang simpleng pagsimula ng usapin ay mali na ang tingin. 

Ang mas kapuna-puna rito? Ang kamakailang paghiwalay ng unibersidad sa balita ng pagkamatay ng isa nitong estudyante mula sa pagbobomba sa kanayunan ng Occidental Mindoro. Kasagsagan ng pagdiriwang ng bagong taon, lumabas ang balita ng pagkasawi ng isang estudyante ng PLM sa isinagawang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa inilabas na pahayag ng unibersidad tungkol sa “‘di umano” pagkamatay ng isa sa mga estudyante nito, ihiniwalay ng pamantasan ang sarili mula sa aksidente. Ayon sa pahayag, walang sinang-ayunang aktibidad o pananaliksik ang unibersidad sa kanayunan. Inilathala rin sa pahayag na magbibigay ang unibersidad ng update tungkol sa isyu. Walang mensahe ng pakikiramay sa mga kaibigan at pamilya ng namatay na estudyante. Magpahanggang ngayon, walang update tungkol sa aksidente.

Nabibigong malinang ang kamalayan ng mga Haribon sa patuloy na pagkawala ng mga espasyo para sa masinsinang talastasan. Magbubunga sana ang nalilinang na kamalayan sa mas malalim na pagbubuklod sa mga suliraning kinahaharap nila at ng kanilang mga kapwa.  Ang makatwirang pagpuna ay senyales na sila ay ihinahanda ng edukasyong natatamasa. Handang magtanong ng nakakapukaw ng isip. Handang tumutol sa inhustisya. Handang tumuligsa sa kamalian. 

Para sa mga iskolar ng bayan, mahalagang magkaroon ng makamasang edukasyon na nakikipagkumpitensya sa pandaigdigang entablado habang kinikilala ang pamumuhay ng payak na tao. Ang edukasyong hindi nakaugat sa makataong prinsipyo ay edukasyong hindi mapagpalaya. Sa pagpunla ng susunod na salinlahi ng mga propesyonal, mas kinakailangan ang taglay na puso para sa kapwa at bayan. At naniniwala akong nagmumula ito sa paglinang ng kamalayan.

Para sa isang unibersidad na taas-noong ipinagmamalaki ang Karunungan, Kaunlaran, at Kadakilaan, isang kaipokrituhan ang pagkilanlan sa boses ng mga estudyante habang patuloy na nililimitahan ang mga espasyo para sa makabuluhang diskurso. Hangga’t walang espasyo ang mga Haribon para sa mga talastasang sumasaklaw sa malawak na komunidad ng unibersidad, hangga’t ihinihiwalay ng unibersidad ang sarili nito mula sa pagtindig bunga ng kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral, patuloy na mabibigo ang kamalayan ng mga Haribon.