Isports Kolum cover

Baka kaya nasa dulo ng dyaryo ang isports

Written by Raniel Paquingan • Board by Angelle Valbuena | 16 August 24

Sa mahigit isang dekada ko sa pamamahayag, hindi ko maiwasang isipin kung paano pinagsunod-sunod ang mga pahina ng isang pahayagan at bakit tila naiwan ang isports sa hulihan. Ngunit sa aking obserbasyon at lahat ng nangyari sa mundo ng isports kamakailan, marahil nahanap ko na ang kasagutan. 

Hindi binibigyan ng malaking kahalagahan ang palakasan.

Kung titignan online, ang pinakamadaling sagot na makikita sa aking katanungan ay ang isports ay itinuturing na hindi kasing-importante gaya ng balita na nasa unahan ng dyaryo. Hindi naman sila nagkakamali dahil totoo naman ito. Totoo naman na nararapat basahin ang mga nangyayari sa ating lipunan. Ngunit dahil dito, nagiging mababaw ang kaunawaan at pagpapahalaga natin sa palakasan na kung tutuusin ay isa ring usaping panglipunan.

Sa katatapos lamang na 2024 Paris Olympics, nakapag-uwi ang tubong Maynila na si Carlos Yulo ng dalawang ginto sa larangan ng gymnastics. Habang noong 2021, nakamit naman ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas matapos pagreynahan ang 53-kg weightlifting sa Japan. 

Gymnastics at weightlifting. Dalawang isports na estranghero para sa isang normal na Pilipino. 

Kung magtatanong tayo sa mga tao kung ano ang unang salitang kanilang maiisip kapag narinig ang salitang isports, marahil iisa lang ang magiging kasagutan—basketball. Walang mali sa pagmamahal ng mga Pilipino sa larong basketball, sa katunayan, nakamamangha pa nga ito dahil napag-iisa nito ang sambayanan. 

Tandang-tanda ko pa noong bata ako kung paano naghiyawan at nagsilundagan sa tuwa ang bawat Pinoy matapos padapain ng Gilas Pilipinas ang malasumpang ‘di natin matalo noon na South Korea. Nakatutuwang makita na napagbibigkis ng basketball ang bawat Pilipino at mas nakatutuwa kung kaya rin sana natin gawin ito pati sa ibang larangan ng palakasan. 

Paano? Paratingin at ipakilala natin sa kanila ang iba pang mga isports. 

Para sa pamahalaan, paigtingin natin ang mga programa ng mga atleta at tiyaking epektibo tulad ng Grassroots and Sports for All Development Program na inilaansa mga kabataang nagsisimula pa lamang at High-level Sports Development Program na may layuning paghusayin ang ating mga atleta para sa internasyonal na kompetisyon. Dahil bagamat may mga ganitong programa, hindi pa rin maitatanggi ang kakulangang pinansyal na maging sina Diaz at pole vaulter EJ Obiena ay kinaharap.

Dagdag pa rito, marami pang isports na kaya nating makipagsabayan. Nakapagpadala na tayo nitong nagdaang Olympics ng mga manlalaro sa athletics, golf, fencing, judo, rowing, at swimming. Bakit hindi natin ipagpatuloy ang kanilang sinimulan? Bakit hindi natin tahakin ang daang kanilang binuksan? Bakit hindi natin diligan ang mga butong tinamnan? 

Kaya ng ating mga atleta. Kailangan lamang nila ng suporta. 

Palakihin ang nakalaang salapi para sa coaches, mga pagsasanay, mga pasilidad, at kung ano pang kakailanganin para mas mahasa ang kanilang kagalingan. Nakalulungkot makita ang ating mga atleta na nagmumukhang kawawa sa harap ng mga banyaga. Halimbawa na lamang ang ating mga golfers na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina kung saan idinikit lamang gamit ng double sided tape ang badge ng watawat ng Pilipinas sa kanilang mga uniform noong Paris Olympics. 

Bukod sa pamahalaan, kailangan din ng suporta mula sa mga pribadong kompanya. Napatunayan nang karamihan sa mga naging matagumpay sa Olympics ay mga atletang nagsimula noong bata pa lamang. Hindi ba kalabisan sa mga negosyante ng bansa na mamuhunan sa mga talento at galing ng mga batang Pilipino na kalaunan sila rin naman ang aani kapag nanalo at naging tanyag. 

Mga paligsahan, pagsasanay, at kagamitan na huhulma sa kanilang kakayahan ang kailangan para sa kasalukuyang lagay ng palakasan sa bansa. Isapubliko natin ang mga gantimpala bago pa lamang magsimula ang mga internasyonal na palaro para ganahan naman ang ating mga atleta at hindi lamang susulpot kapag mayroon nang medalya. 

Huwag lang sana nating pansinin ang ating mga atleta kapag mayroon nang bunga, simulan natin sa pagtatanim at pag-aalaga. Dahil ang pamumunga ay nakadepende sa ibinigay na atensyon at pangangalaga.

Magsilbing-aral sana ang nagdaang Paris Olympics na kayang makipagsabayan ng ating atleta sa pandaigdigang kompetisyon, kailangan lamang nila ng ating suporta. Umaasa akong balang araw mas madalas na rin natin makikita ang isports sa unahan ng dyaryo. Sa kasalukuyan, marahil hindi na natin mababago ang pagkakasunod-sunod ng mga pahina ng pahayagan, ngunit may pagkakataon pa tayong baguhin ang mga susunod na pahina ng isports sa bansa.