Alam mo ba girl? Sa Pamantasan daming bagong lider!
Written by Dhave Montaniel • Illustration by Jabiel Baliton | 1 June 26
Kung tatanungin si Hev Abi kung nanaisin niyang mag-perform sa Pamantasan, sigurado akong sagot niya ay “oo naman girl.” Basta’t lahat ng hinahanap niya sa mga bagong halal na lider-estudyante ay matatagpuan—mga katangiang gaya ng may paninindigan, handang magserbisyo, at tapat sa kani-kanilang konseho.
Dahil kung hindi rin lang, mas pipiliin pa niyang pumalpak sa rap, kaysa mag-perform sa pamantasang may ‘lider’ nga pero walang ganap.
Sa nagdaang mga kontrobersiya at pagbibitiw ng ilang lider-estudyante sa kani-kanilang pwesto, klaro ang pagkadismaya at pagkawala ng tiwala ng mga Haribons sa mga konseho. Kung kaya’t naisip ko na ang civic engagement sa loob ng Pamantasan ay wala ng patutunguhan; tila mababawasan ang mga boboto sa halalan dahil sa mga isyung nagdaan.
Ngunit laking gulat ko na lamang nang makitang mataas pa rin ang voter’s turnout sa nakalipas na botohan. Nakakatuwang isipin na, sa kabila ng lahat, marami pa ring estudyante ang naniniwala sa diwa ng halalan at patuloy na umaasa sa pagbabago.
Sa paulit-ulit na dayalogo, sawa na ang lahat sa mga lider na nagiging preso ng sariling mga pangako. Mga lider na kailangan pang kaladkarin mula sa streets o kangkungan upang mamuno. Dagdag pa rito ‘yung mga sangkot sa napakaraming isyu, wala namang estudyante ang nais mairepresenta ng lider na napapalibutan ng kontrobersiya.
Kung kaya’t sa paghirang sa mga nanalo nitong halalan, mariing patunayan nila na hindi sila nakaposas sa anino ng mga isyung nagdaan. Nawa’y maramdaman agad ng lahat ang pagbabago na matagal nang pinapangako, huwag sana silang magbulag-bulagan sa mga suliranin na kailangan nilang harapin at solusyunan.
Magsilbi sana itong paalala at panawagan sa mga nahalal, gawin niyo ang lubos ninyong makakaya, para sa mga estudyante, sa kolehiyong inyong kinakatawan, at sa mahal nating Pamantasan.
Sa patuloy na pagbigat ng mga ekspektasyon sa mga uupo sa puwesto, sana’y ‘wag kayong panghinaan ng loob at sa halip ay itaas ang noo, dahil pinili niyong sagutin ang tawag na magserbisyo. Ngayon na ang tamang oras upang isabuhay ang lahat ng inyong sinumpaan.
Sa gayon, upang tuluyang makapag-perform ang “tunay na may ari ng QC,” kailangan niyong isulong ang mga adbokasiya na inilapat sa entablado. Kailangan namin ang inyong boses, ang inyong tapang, at ang inyong puso.
Dahil kung mali ang maniwala sa pagbabago, kaming mga Haribons na ang makasalanan. At sinasabi ko sa inyo kung hindi niyo ‘yan paninindigan, aba, kaunting hiya naman diyan!
