Tuwing Tag-ulan
Written by Kate Gilbero • Board by Melliza Roxas | 18 September 26
Tuwing tag-ulan, hindi na nagbabago ang aming kuwento—
kailangang maghihintay ng anunsyo para makasigurado.
Liparin man ang bubong ng bahay o lamunin ng baha ang lansangan,
kailangan pa ring pumasok, dahil ganito ang buhay-kolehiyo.
Madalas, hindi kami kasama sa agarang suspensyon,
marahil dahil nasa wastong gulang na’t kaya na ang anumang hamon.
Kaya mabasa man sa ulan o tumirik ang dyip na sinasakyan,
hindi pa rin sapat para mabigyan ng konsiderasyon.
Kaya ang suspensyon sa alas dose ay huli na—huli sa oras, huli sa aksyon.
Kami ngayon ay mga basang sisiw na nanginginig, natatakot, at walang ibang opsyon.
Nilulusong ang baha na tila kasing-itim ng budhi ng mga kurap sa bansa,
para lamang makauwi mula sa biyaheng nagmistulang pakikipagdigma.
Ngunit pagdating sa bahay ay hindi pa rin tapos ang laban.
Kailangan pang tulungan si nanay na hakutin palabas ang tubig-ulan.
Kailangan pa ring ipagpatuloy ang pagkatuto sa gitna ng online class—
isang alternatibo ng gobyernong walang malasakit sa bukas.
At pagsapit ng gabi, ang mahimbing na tulog ay imposible pa ring mangyari—
Kailangang bantayan ang tulo sa kisame, pati na rin ang anunsyo ni yorme.
Hinihintay ang tunay na pagkilos, hindi ang mga birong salat sa pakikiramay,
o ang palasyo na sa hinaing ng bayan ay laging huli’t sablay.
Tuwing tag-ulan, hindi na nagbabago ang aming kuwento—
umaasa na may maging aksyon, naghihintay ng agarang solusyon,
hanggang sa mauwi na naman sa parehong sitwasyon.
Dahil hindi lamang ulan ang nagdadala ng panganib at konsumisyon.
