Sa Pagitan ng Aking Mga Hita

Sa Pagitan ng Aking Mga Hita

Written by Rob Carlo Elle • Board by Krystal Arianna Puzon | 30 June 25

Marahil ay nakikita mo ako

Sa aking kinatatayuang anyo

Sa mata’y kanais-nais

Sa sambit ng salitang matatamis

Ngunit parang hindi patas

Ang pag-aalinlangang wagas

Kuwestyunin ang aking panlabas

Kung “sa loob ba’y taliwas?”

Pagkatao ko’y hindi mabibigyang depinisyon

Ng iyong mapanghusgang kuwestyon

Kahit sa pagitan ng aking mga hita

Hindi ito magsisilbing deklarasyon

Nakadidismayang masilayan

Na katawan ang basehan

Kinakailangang karapatan

Siyang itinatanggi sa’min ng lipunan.

Puso ang siyang tumitibok

Hindi isang “aring” nakaluklok

Respeto, pagmamahal, at halaga

Ay hindi maididikta

Sa pagitan ng aking mga hita.