Pasko man o Bagong Taon: Puno pa rin ng regalo
Written by Christian Cillo • Illustration by Miaka Byonne Cha | 24 January 26
Nagkaroon ng bagong pakulo ang pagbibigayan ng regalo noong nagdaang Pasko. Hindi na uso ang palakihan at pamahalan ng regalo. Naging tanyag ang mga handog na kaya lamang ibulsa, minsan pa ay tila hinugot lamang sa lumang aparador ng tahanan, mga small gifts ika nga nila. Mga munting bagay man ito na nagiging laman ng tawanan at biruan, ngunit ngayong bagong taon tila maaari rin pala itong pagmulan ng aral.
Tulad ng nakararami, nakipagsabayan din ang aking pamilya at barkada sa nauusong small gift trend noong pasko. Samu’t saring regalo ang aking natanggap mula sa kanila, mula sa mga delata, sitsirya, kendy, tsokolate, hanggang sa mga sabon. Tila nagmumukhang walang direksyon o katuturan man ang kanilang naisip ibigay, subalit ang hinandog nitong saya’t ngiti ay abot ang katiyakan. Ang mga regalong ito ay buong puso kong tinanggap nang walang pagdududa at pagdadalawang-isip, anuman ang kanilang wangis.
Ngayong tapos na ang Pasko ay sumapit na ang buwan ng Enero, aking napagtanto na may mga munting regalo pa rin pala akong posibleng matanggap. Mga pagkakataon na basta na lamang darating. Mga pagkakataon na maaaring magpangiti o hindi kaya’y magpaluha sa’kin. Subalit ano man ang nagbabadyang kumatok sa pinto ng aking buhay, ito ay walang atubili kong patutuluyin. Ituturing ko ito bilang regalong maghahatid ng malaking pagbabago at bagong simula.
Ngunit bukod sa mga regalong dumarating, may mga handog din na hindi ko na kailangan pang hintayin. Nariyan sila, kasabay at kasama ko sa paglalakbay—ang aking pamilya at mga kaibigan. Kung ihahambing sa walong bilyong tao sa mundo,’di man nila mabuo ang kahit isang porsyento, subalit sa aking buhay, sila ang dahilan kung bakit ako buo. Sila ang nagbibigay-lakas sa tuwing ako’y nanghihina, at kulay sa tuwing tila nagiging madilim ang aking mundo. Umulan man o umaraw, sila ang mga regalong ‘di kailanman mapipresyuhan, sila ang nagsisilbing aking sandigan.
Dito ko higit na naunawaan na ang tunay na halaga ng isang regalo ay wala sa pisikal na anyo kundi kung paano ito nagiging bahagi ng aking paglago. Kung titignan ang mga small things sa aking harapan, para silang mga piraso ng isang palaisipan. Sa unang tingin ay hiwa-hiwalay at tila walang saysay, ngunit kapag pinagtagpi-tagpi, unti-unting nabubuo ang isang larawang hindi ko man inakala. Isang kabuuang handog na nagbibigay ng direksyon at nagdadagdag ng kabuluhan sa aking buhay.
Hindi ko man alam kung ano ang dadalhin ng bagong taon, malinaw sa akin na hindi lahat ng ito ay dumarating nang malaki o engrande. Minsan pa nga ay tahimik lamang itong naririyan. Sa anyo ng maliliit na pagkakataon, sa payak na sandali, at sa mga taong patuloy na nananatili. Marahil, dito nagsisimula ang pag-unawa sa kung ano ang tunay na mahalaga at kung ano ang tunay na makakapagbigay ng saya.
