Panaghoy

Panaghoy Ng Nasa Laylayan

Written by Kate Marquez • Board by John Ivan Pasion | 8 May 25

Sa likod ng bawat tingin,

Matang sanay sa sakit at dilim,

Sa ulan na walang masisilungan,

Sa pangakong laging napapako’t binibitawan.

Tikom ang bibig, ngunit puso’y sumisigaw,

Pangarap ang bukas na pantay ang tanaw,  

Hindi lang para sa may gintong palad,

Kundi para sa bawat isa– pantay, patas, at tapat.

Kami’y hindi lamang bilang sa talaan,

Kami’y buhay na may pangarap na tangan,

Bawat boto’y panalangin sa hangin,

Na piliin ang pusong may malinis na hangarin

Habang ang mga politiko sa halalang paparating,

Masayang bumibili ng boto’t pagtingin,

Tumatak nawa sa puso’t isipan ng mga Pilipino,

Na sa likod ng matatamis na pangako,

At perang pinamumudmod sa bawat kanto,

Ay tagumpay lang sa pansariling layunin ang totoong gusto.

Nawa’y madama ang malasakit na totoo,

Hindi pagpapakitang-tao sa harap ng tao.

Sa mata naming nasa laylayan,

Sumisilip ang tanong at bumabagabag sa isipan:

Sino ba talaga ang tunay para sa bayan?

‘Yung hindi sarili lamang ang iniintindi

Kundi ang boses ng mga inaapi.

Kami’y hindi alikabok na tinatangay ng hangin,

Hindi ulap na dadaan at agad ding lilimutin.

Kami’y buhay na binubuhay ng pag-asa,

Bawat patak ng ulan, pusong may paglaum na kumakasa,

Para sa kinabukasang tunay na mahalaga.

Sa mata naming nasa laylayan,

Ang sagot ay nakatanim sa kasaysayan

‘Wag mamaluktot sa kumot ng kahirapan

Magkaisa’t bumoto nang tama, para sa bayan