Palad
Written by Khairia Gabrielle Macapundag • Board by John Ivan Pasion | 1 May 25
Kung ako ay papalarin, ‘wag nalang sana. Hangad ko ay higit pa sa nilalaman ng isang kapalaran, kasing dami ng tabi ng tubig sa mundo. Ang gaspang ng aking mga kamay kahit na ako’y basang basa sa tubig o sa pawis? ‘Di bale na lang, dahil lahat ng aking hangad, pilik mata lang pala sa iba.
Nasa laki lang ng palad nila ang pangarap ko, ngunit bakit wala siya sa kamay kong marumi? Hanggang taga-dala nalang ba ako? Hinahatid sila sa kanilang magarbong distrito—nag-aasam na baka sakali, ‘yan ay mauuwian ko rin. Dahan-dahang lumalagpas ang kotse sa mga mansyon at gusali, napapalamutian ng mga pampulitikong kulay. Nagkakalat ang kanilang mga pangako, kumikinang sa mga ngiting burado ng tinta, nang makuha ang loob ng mga di-mapalad na tulad ko.
Tunay na ayokong palarin nang ganyan, at baka ako’y mabulag din sa katotohanang may mga tao palang tulad ko, tulad ko na isang Pilipinong nasa laylayan.
Ang kanilang kuwalta animo’y bunga ng tinapakang karapatan, sinasamantala ang hangarin na palarin ng mga mamamayan. Abutan niyo ng sobre, hahaplos sa madungis na kuko bago umabot sa kanilang ulo—na parang ang pagiging mapalad ay maghantong ng parusa sa taong tulad ko, kaya’t ayokong palarin nang ganyan.
Ano nga ba ang magagawa ko kundi magsilbi sa mga taong malayo sa mararating ko? Ang maging hantungan ng karangalang hindi naman karapat-dapat. Ang hirap mabuhay sa mundong mapera at madiskarte; dahil kung ang tiyaga ang salapi, baka ako’y mayaman na. Ngunit ang pera ay pinalad lamang sa mga taong walang puso. Sa huli, huwag sana masawi sa kabilang palad, at mabuti nang may puso at maghirap kaysa maging mayaman sa kasuklaman.
Hindi nararapat ang magaspang kong palad sa salaping nadungisan, sa halip na hindi nararapat ang mga mapipino nilang puso sa aking magiting na boto.