Paano Magluluksa sa Amang Buhay Pa?
Written by Aubrey Summer Nieva • Illustration by Kim Pimentel | 2 November 26
Ika nga, kapag namatayan ka, alam mong hindi na kailanman masisilayan ang mga mahal natin sa buhay. Alam mong iyon na ang huling usap, huling yakap, o huling habilin niya. Ngunit paano magluluksa sa mga bagay na hindi naman napagsaluhan? Paano ko tatanggapin na tila wala nang pag-asang makapiling siya, gayong 'di tulad ng mga taong namatayan, ang taong pinagluluksa ko ay ang ama kong nabubuhay pa.
Lumaki akong kilala ang aking ama tanging sa pangalan lamang. Alam ko ang mga hilig niyang pagkain, na paborito niya si Superman, at ang maliliit na kuwentong tungkol sa kanya na paulit-ulit kong naririnig mula sa aking ina. Ngunit sa kabila ng mga bagay na alam ko tungkol sa kanya, nananatili siyang isang taong hindi ko lubos na makilala. Palaisipan sa akin kung ipinagbabawal niya rin bang magka-boyfriend ako bago makapagtapos tulad ng ibang ama, hahayaan niya kaya akong makapag-sleepover sa bahay ng kaibigan, o ‘di kaya’y tuwing lasing ay may isang libong ibibigay nang palihim sa akin. Isa siyang amang buhay pa, ngunit hindi ko makasama sa paglikha ng mga alaalang dapat sana ay pinagsasaluhan namin.
Tila multong paminsan-minsan kung magparamdam. Ang mangilan-ngilang pagpapadala ng pera, pagbati sa aking kaarawan kada dalawang taon, o ang mga mensahe kong mahigit siyam na buwan bago basahin. Para sa akin, ang buhay niya ay mga pinagtagpi-tagping ideyang hindi rin naman nagmula sa akin. Habang sa iba, siya'y higit sa pangitain: nakakausap, nakakasama, at nakukumusta.
May mga puwang sa aking buhay na alam kong siya lang ang makakapagbigay-kahulugan. Sa araw ng pagtatapos at mga tagumpay ko sa paligsahan kung saan tanging nanay ko ang kasama ko sa entablado, na naibabahagi ko sa lahat liban sa kaniya. Sa mga gabing malalim, mga kaibigan lang ang natatawagan ko—at sa mga sandaling iyon ko lalong nararamdaman ang puwang na iniwan ng isang amang hindi ko matawagan sa oras ng aking pangangailangan. Napagtatanto ko na magkaiba ang pagkaunawang mayroon kang ama sa pagkakaroon mismo ng amang malalapitan. Malaki pala ang pinagkaiba.
At marahil, iyon ang isa sa mga bagay na pinakamahirap tanggapin para sa akin: kahit gaano pa kalayo ang marating ko, o gaano man kalunos-lunos ang gabing sinapit ko, may isang upuang hindi kailanman napupunan.
Buong buhay kong iniisip kung bakit gayong tulad ng mga kaklase kong may ama, iba ang kahulugan ng pagkakaroon nito sa akin. Patuloy kong hinahangad ang pangangalaga ng isang ama, kung kaya’t sinusubukan kong maging karapat-dapat sa kanyang pagmamahal. Baka sakaling sa susunod na parangal, sapat na iyon para magparamdam siya. Baka kapag naging valedictorian ako, dumating siya at samahan ako sa harap ng maraming tao. Baka kapag may medalya ako, matanggap ko rin sa wakas ang pagkilala mula sa isang ama na matagal ko nang hinihintay.
Pero hindi umaabot ang kahit anong pagsusumikap sa taong parang multo na ng aking buhay.
Naisip ko, anak niya rin naman ako bago pa man ang anumang parangal. Palagay ko ay hindi naman nasusukat sa pagtatapos o dami ng medalya ang pagiging karapat-dapat na masamahan sa pagdiriwang ng kaniyang anak ang isang ama. Hindi ko kailangang patunayan ang aking halaga upang maranasan ang presensyang matagal ko nang hinihintay, dahil hindi naman niya nakikita ang pagkapanalo sa likod ng mga entablado.
Ngunit sa kabila ng mga pinagkait sa akin, nais kong makilala ang aking ama—hindi bilang pangalang binabanggit ng iba, ni bilang mga kuwentong paulit-ulit kong naririnig, kundi bilang taong dapat sana’y matagal ko nang nakilala. Gusto kong malaman kung sino siya sa labas ng mga piraso ng pagkataong nakarating sa akin, at kung sino ako sa buhay niya bukod sa pagiging anak na paminsan-minsan niyang naaalala.
Doon ko unti-unting naintindihan ang klase ng pagluluksa na nararamdaman ko. Hindi naman siya patay.
Buhay siya, at marahil iyon ang mas mahirap tanggapin: na maaari siyang maging bahagi ng buhay ng ibang tao habang nananatiling wala sa akin, kahit na buong buhay kong hinintay na makasama siya.
Patuloy pa rin akong umaasang may isang araw na makikita niya ang lahat ng sakripisyo at pangungulila ko. At marahil, hindi lang siya ang pinagluluksa ko; kasama rin doon ang batang ako na matagal nang naghihintay na makita siyang kasama ko sa lahat ng tagumpay at maging sa lahat ng pagkakamali ko sa buhay.
Ipinagluluksa ko ang mga yakap na hindi ko naramdaman, ang mga tawag na hindi dumating, ang mga tagumpay at pagkatalo na hindi niya nasaksihan, at ang batang ako na matagal nang naghihintay na balang araw, pipiliin din siyang lapitan ng kanyang ama.
Tunay ngang may mga taong hindi kailangang sumakabilang-buhay upang maramdaman ang pangungulila.
Kaya hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos na mawari kung paano ipagluksa ang isang taong buhay pa. Alam kong hindi na namin maibabalik ang mga panahong maaari sana naming pinagsaluhan, ni mabubuo pa ang ugnayang matagal ko nang hinangad bilang anak niya. Sa isip ko’y kailangan ko nang tanggapin na may mga bagay na hindi na mangyayari, ngunit may bahagi pa rin sa aking puso na naghihintay. At kung mayroon mang kahit katiting na pagkakataong takda na makipiling siya, pakiramdam ko’y tatahakin ko pa rin ito.
Marahil, ang mga salitang ito ay isang liham para sa aking ama na matagal ko nang nais makilala. Hindi ko alam kung mababasa niya ito, o kung magkakaroon pa kami ng pagkakataong bumuo ng mga alaalang matagal kong hinangad. Ngunit sa ngayon, ito muna ang paraan ko upang maipaabot ang aking pagluluksa.
