(Pa) Bayani
Written by Ella Mae De Asis • Illustration by Miaka Byonne Cha | 27 September 25
LITERARY | (Pa) Bayani
“Ayaw mo bang tumakbo?” Hindi dapat kayo tinatakbuhan. “Bakit hindi kayo makalaban?” Dahil hindi tayo ang magkalaban. “Hindi ba kayo titigil?” Iyang tanong ang nais kong ibalik… Bakit kailangang may buhay na makitil?
Sigaw. Walang katapusang sigaw. Walang katapusang sigaw ang patuloy na pumipintig Pumipintig, nakakabingi, nakakarindi...umaapaw. Ngunit biglang...tahimik, walang tunog. Puro sigaw.
Kita ko ang mga kalyo sa iyong mga kamay. Kita ko rin ang bakal na kamao na kumitil ng buhay. Kita ko ang baril mong kay kintab! Kita ko rin ang mata mong sa poot ay nag-aalab.
Sa paligid ko’y mga kabataan sa lansangan, Paumanhin sa mundong inyong kinagisnan... Ang "bayani" na ang umaapi at kinakatakutan. Mundo, kung saan ang bayani, hindi ka na mapoprotektahan.
Ilan ba ang kailangang ma-ulila? Mga kamay na nabalot sa dugo, hinugasan at binalewala. Patunayan ninyo na para sa masa ang inyong mga tsapa. Ilan ba ang nalagas sa inyong pagtitimpi? Bilang tao, bilang Pilipino, piliin kung kanino kayo tunay na maninilbi.
Alam kong nais niyo lang ang kapayapaan at kaayusan. Alam kong ‘trabaho lang’ para magkalaman ang hapag-kainan. Ngunit hindi ba’t pareho lang tayo ng ipinaglalaban? Bakit kailangan humantong sa karahasan?
Pareho tayong ninanakawan. Pero bakit pili ang nais niyong protektahan?
Narinig ko na ang gatilyo...tumagos na ang bala. Ang bukas ay ‘di ko na muling masisilayan pa. Ang buhay kong nanakaw ang magpamulat sana sa inyo. Ibang sakit ang hatid na “bayani” ang nasa likod ng gatilyo.
Kaya kung ikaliligaya mo, p’wes ikinasusuklam ko 𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙢𝙖𝙩𝙖𝙮 𝙣𝙖𝙣𝙜 𝙙𝙖𝙝𝙞𝙡 𝙨𝙖𝙮𝙤.