Nakauwi Na
Written by Rommel Lacambra • Board by Arjay Samson | 21 January 24
Lahat ng tao sa dyip, pagod at bagot
Hinahanda ang sarili sa pag-uwi at higa
Siyang nakikiusap sa hangganan ng layo
Siyang nakikisama sa pagliko at biglaang hinto
Saka tutunghay sa labas ang mga matang namimitig sa pagtitiyaga
Nang malamang hindi pa tapos ang paglibot
Pinilit ang dumadausdos na posisyong isiniksik
"Dalawa pa!" at maghihimutok ang masang sakay
Inipit ang musmos na binayaran ng tatay
Lahat ay nasa kalagpasan na ng pasensya
Pinag-iiba ng pagninilay, binubuod ng mga walang imik
Na presensyang nakikisama sa katal-katal na makina
Iba't ibang hikahos ang kahalo sa samyo ng mga pabalik at papunta
Kamao sa kambyo, pihit ang benteng ipit sa daliring ginaspang ng karanasan
Sa ugong ng rosaryo, humampas ang sampaguitang kuwintas
Sinirko ng hari ang manibelang may mga kamay na binakasan
Ng pawis at oras na ibinuwis sa paghihintay
Akong nasa tapat ang pinakalantay sa dekadang hapis ng paglululan
Tinitipa ang mga segundong alay sa pagkayamot
Pinula ng lumalagos na init ng araw,
Huminog sa isang oras na pagbabaybay
Tantos ang bilang ng upuang pupunan,
Punuan ang kaliwa at kanan, bawat kanto at pagitan
Himagsikan sa mga hiningang humahangad ng pwestong prentehan
Pumipinto ang pagal sa katawan
At sumasara na ang bintana ng paningin
Humahapo ang lahat, ngunit nakapapayapang isipin
Na sa kabunsuran ng sumasaid na enerhiya at gasolina
Sa buklod na barya at ganid ng mga busina
Hinahango kami nito sa iisang tugma: hindi ako pagod mag-isa