Mas Masahol pa sa Malansang Isda

Mas Masahol pa sa Malansang Isda

Isinulat ni Claire Josiah Bautista • Ilustrasyon ni Miaka Byonne Cha | 21 August 25

Sa silid-aralang sira ang pintuan,

isinisilang ang mga matang nakapikit.

Kulong sa sistemang bulag sa katarungan,

ang tanging kilala ay dilim at katahimikan.

May aklat– ngunit walang pag-unawa.

May letra– ngunit walang diwa.

Mga batang bingi sa sariling wika,

habang ang inaaral ay banyaga.

Mistulang nawalan ng puwang ang ina

sa dila ng bawat salita.

Tulad ng isdang lumaki sa tubig na hindi kanila,

hindi marunong lumangoy sa sariling dagat.

Kaya’t sa pain ng kasinungalingan,

madali silang mabingwit—

sapagkat naliligaw ang kanilang paningin

At sa gitna ng katahimikan,

habang ang bayan ay sumisigaw ng tulong,

tayo'y lumilikha ng henerasyong

pipi sa sariling bayan;

walang tanong,

walang tinig,

walang tapang,

walang tatas.

Mas masahol pa sa malansang isda

ang sistemang sinadya nilang pabulukin.

Hinahayaan ang

pagkabulag,

pagkabingi,

at pagkapipi

ng kabataang dapat sana' y

pag-asa ng bukas—

na ang pamanang wika’y mawalan ng bakas.

Isinantabi sa madilim na sulok ng kasaysayan,

pinamugaran ng kabulukan at kasinungalingan.

Ginamit bilang pain upang paulit-ulit tayong hulihin

at habang patuloy tayong nabibitag,

sila’y patuloy na nangingisda

sa karagatang walang makalalayag.