M203 062026 - MANANG-MANA KA SA AMA MO!

Manang-mana ka sa Ama mo!

Written by Francis Garra Gonzales • Board by Jannah Marie Duana | 21 June 26

Pinalaki ako ng paratang na kawangis mo ako O, ako ang wangis mo, malay ko Na parang may mali na nagmula ako sa tadyang mo At ikaw mula sa alaala ko

May punto ng buhay ko Na hindi ko maintindihan ang damdamin ko sa’yo Magpahanggang-ngayon, pinipilit kong tastasin Ang naghalong poot sa pagmamahal

Sa pagpupumilit kong tumaliwas sa iyong buhay, Naging akin ang galit mo Isang malaking kabalintunaan: Ang makulong sa galit na tinatakasan ko

Hindi sa hindi ako nakikidalamhati Naging masalimuot ang mundo sa’yong pagtanda Ang akin lang naman, kinailangan bang Ipakilala ang parehong pagpapalaki noong ako’y bata?

Mali ba na mainggit ako sa ibang tao? Mga anak na turing ay malaking pagkasira Ang mawalan ng isang ama Habang ako’y…

Isinusulat ko ito habang nasa harap kita Minsan ba, naisip mo rin ang parehong awa, Isinulat ang parehong taludtod at pagtutugma Sa harap ng sarili mong ama?

Kahit anong pagpupumilit kong hindi isipin Buhos ng awa, hindi ng galit, ang aking damdamin Dahil sa kahit anong landas na puwede kong sapitin

Ikaw ang nag-iisang ayaw kong maging.