Kasuklam-suklam ang Hunyo
Written by Aubrey Nieva • Board by Jian Muyano | 13 June 26
Tatlong taon ko nang kinamumuhian ang Hunyo—
ang buwan na dating may pangakong pamumulaklak,
ngayo’y namumunga
na may dalang init at pangungulila.
Tuwing dumarating ito,
tila muling nagbubukas ang mga sugat
ng mga alaalang
pilit kong pinaghihilom
sa ilalim ng mga gabing walang pangalan.
At kasabay ng alinsangan ng hangin,
ang pagliyab ng damdaming natutong
hindi lahat ng pagdating
ay nangangahulugang pananatili.
Hindi ko mawari
kung bakit tuwing ninanais kong umamin
ay pasan ng aking dibdib at lalamunan ang ikot ng mundo
parang may unos na gustong kumawala
ngunit binabaha ng takot sa anyo ng iyong tugon.
Tatlong taon na
mula noong huli akong namuhay
nang hindi ka iniisip
sa bawat umaga,
sa bawat gabing humahaplos ang dilim.
Sapagkat nang makilala kita,
unti-unti kong isinaulo ang iyong pagkatao
na tila ba isa kang kantang kailangang kabisaduhin
hanggang sa hindi ko na namalayang
ikaw na pala ang bukambibig
sa hapag-kainan,
sa mga kaibigan,
at maging sa sariling kong isip.
Tatlong taon nang hindi marunong magsinungaling
ang aking mga mata.
Sa tuwing nababanggit ang iyong pangalan,
agad itong kumikislap—
na parang mga bituing nahulog,
at sa kabila ng pagnanais kong ikubli,
ay ipinagkakanulo ng kanilang liwanag
ang damdaming hindi kailanman natutong umiwas sa iyo.
Tatlong taon nang ikaw
ang dahilan kung bakit may himig ang ordinaryong araw,
kung bakit banal ang ilang segundo,
at kung bakit napakasakit tuwing dumarating ang Hunyo.
Ngunit sana—
sa susunod na tatlong taon,
hindi na ikaw ang laman
ng bawat salitang dumadampi sa aking labi.
Hindi na ikaw ang tinta
sa bawat letrang nanginginig kong isinusulat.
At higit sa lahat,
hindi na ikaw ang tahanan
ng pusong matagal nang ginugulo ng paghihintay.
Sapagkat may mga pag-ibig ding
kailangang pakawalan
hindi dahil naglaho ang damdamin,
kundi kahit ang pag-asa’y napagod na rin
Sa isang Hunyo–
Na hindi kailanman naging para sa akin at iyo.
