M148 - 033026 - Isang Araw, May Isang Estudyante

Isang araw, may isang estudyante…

Written by Jan Rennie J. Abat • Illustrated by Miaka Byonne Cha | 6 March 26

Isang araw, may isang estudyanteng nangangarap na magkaroon ng pribilehiyong mga mayayaman lang ang nakatatamasa.

Iyong gigising sa malaki at malamig na kwartong kanya lamang, papasok sa unibersidad gamit ang sariling sasakyan, at araw-araw may allowance para makakain sa labas. Pero higit dito, gusto niya rin yung tipong, sa buhay, pag-aaral lang din para sa kinabukasan ang iniintindi. 

Iyong malaya sa ingay ng totoong buhay. Malaya sa problema kung paano pagkakasyahin ang isang daan sa isang araw. Malaya sa usok ng lansangan at sa ingay ng humaharurot ng dyip habang siya ay papasok sa pamantasan. O kay sarap sigurong mamuhay kung saan ang tanging problema lamang ay kung ano ang isasagot sa pagsusulit. 

Minsan siya’y papasok sa pamantasan at napapaisip, papaano kaya kung ipinanganak lang akong mayaman? Malamang ay ibang-iba ang kaniyang mundo. Hindi na kailangang gumising ng alas tres ng umaga para lakbayin mula probinsya hanggang kamaynilaan. Balewala na rin ang anim na daang halaga ng librong kailangan bilin para makapasa sa isang asignatura.

Pangarap niya ring magkaroon ng pribilehiyong tumulong sa iba. Iyong tipong maraming pera ang maigagastos pambili ng gamot na kailangan ng mga walang-wala talaga. Humarap sa mga tao, bigyan ng mga pagkain, at ipadama kahit papaano na hindi sila nag-iisa. O kay sarap sigurong maging aktibo sa bolunterismo.

Gayunpaman, ito na ang mundong kinalakihan niya, “ang magsumikap sa kabila ng…” at “magpatuloy sa kabila ng…” Marahil ay manghuhula nanaman sa ibang parte ng exam. O kaya ay papalagpasin nanaman ang pagkakataon kapag may nagyaya sumali sa organisasyong malakas ang adhikaing tumulong sa iba. ‘Di bale. Sapat na ang pagpapatuloy lamang hanggang sa araw na maaabot niya rin ang kaniyang mga hangarin. 

Datapwat hindi man nabiyayaan ng mas maginhawang buhay, hindi ba’t ang mas kahanga-hangang istorya naman ay tungkol sa mga nagiging “matagumpay sa kabila ng..”

At pagkatapos ng kuwentong ito, balang-araw ay ito na ang istoryang isasalaysay ko.