Hindi Banyaga, Hindi Pa Akin
Written by Claire Josiah Bautista • Board by Jian Muyano | 3 September 26
May mga salitang
matagal nang nakaukit sa pangalan mo,
nakaugat sa dugo,
ngunit hindi mo pa rin mabigkas.
Ganoon ang Filipino sa akin—
pamilyar sa pinagmulan,
ngunit banyaga sa dila.
Hindi ko alam ang tahanan,
kahit alam kong umuuwi ako.
Hindi ko alam ang pag-ibig,
kahit alam kong nagmamahal ako.
Hindi ko alam kung paano sabihin ang sarili
kahit buong buhay ko itong dala.
Kaya natuto ako,
hindi upang patunayan
na ako’y Pilipino,
kundi upang makilala
ang sarili kong matagal ko nang dala.
Bayan.
Ina.
Tahanan.
Pag-ibig.
Mali ang bigkas.
Mabagal ang dila.
Ngunit inuulit.
Baka ang wika
ay hindi lamang salita,
kundi daang pauwi
sa sariling matagal nang
naghihintay sa aking dila.
At sa bawat pantig,
may bahaging umuuwi—
hindi dahil nawala,
kundi dahil ngayon ko lamang nakilala.
Kaya kung marinig ninyo akong magkamali,
hayaan ninyo.
Kung mabagal ang aking dila,
maghintay kayo.
Dahil balang araw,
kapag sinabi kong—
“Mahal kita,”
Hindi na ito tunog
ng wikang pinag-aralan,
hindi na saling
hiniram sa ibang dila.
Kundi tinig
na sa wakas,
ay akin na.
