'Di naman ako ganito dati
Written by Ella Mae De Asis • Board by John Ivan Pasion | 10 September 24
Nobenta pataas, Nobenta pataas!
Isa, dalawa o tatlong bawas sa isang daan
Mga numerong ating kinasanayan
Tila bang ilaw tungo sa tuwid at masidlak na daan
Sulit sa bawat pagsusulit, perpektong markang paulit-ulit...
Pero bakit ngayon... ito'y hindi ko na makamit?
'Di naman ako ganito dati
Bakit ang hirap, bakit ang dahas?
Puyat at pagod na para bang katawa'y tinatapyas
'Di naman ako ganito dati
Kahit anong tulin ng takbo, bakit 'di ako makahabol?
Kinakaya ng iba, bakit ako, hindi man lang sumisibol?
'Di naman ako ganito dati
Mga ginto, pilak, at tanso ay karangalang nakasabit
Ngayon ay mabigat sa dibdib, nakakasakal, nakakapilipit.
Araw-araw, sarili’y binabatikos
Umalingawngaw ang hinaing: "baka 'di ka makatapos".
Baka ako, at ako lang ang salarin
Maraming "baka" at pagtataka
Hindi ko naman inakala na ang husay ko ay panguna lang pala
Ang bansag na “magaling” ay nagboboses-sinungaling
Sa kabila nito… sana tuparin pa rin ang aking hiling.
Isang palaisipan…ang dagan ng buhay ay ‘di ko maintindihan
Laging ligaw, nalulubos, nagtataka, ngunit narito, maraming nakikilala
Lumaki ang mundo, kasaklaw ng ginhawa’t problema
At ako, ito, nasa gitna ng kaban…
Hindi man tulad ng dati, pero narito’t lumalaban.
Nagpagtanto kong ang galing ko’y ‘di naglaho, ngunit natututo at patuloy na lumalago
Sa prosesong ito, ako man ay magmukhang mal-edukado
Pero pangako, para sa pangarap, babawi ako.
Kaya tama at mabuti…
‘Di nga ako ganito dati.