Dalawang Araw Pala Ang Pasko
Isinulat ni Dhave Montaniel • Ilustrasyon ni Caitlin Beatrice Mutas | 31 December 25
Maliit pa lamang ako, sa paningin ko na’y espesyal ako—natatangi, suwerte, walang katulad sa mundo. Biruin mo, ako lang yata ang bata na may dalawang araw upang ipagdiwang ang Pasko. Isang buong araw kasama si Mama, isang buong araw kasama si Papa. Doble ang mga regalo, pati na ang pamamasyal sa mga lugar na maganda at malayo. Gayunpaman, bago naging dalawang araw ang okasyon na ito, naaalala ko pa noong ito’y iisa pa lamang at pinagdiriwang namin nang buo. Noon, sabay-sabay kaming nagsisimba tuwing kapaskuhan, ipinagbubunyi ang kaarawan ng nag-iisang Anak ng ating Diyos Ama. Namamasko ako sa aking mga ninong at ninang, habang hawak ang tig-isang kamay nina Mama at Papa. Itinuturo nila sa akin ang mga makukulay na parol, si Santa Claus, pati ang kanyang mga kasama na reno at usa.
Hindi kailanman nawala ang ngiti sa aking mga labi tuwing sumasapit ang Pasko. Marahil paborito ko ito dahil sa saya, sa makakapal na angpao, at regalo. Higit sa lahat, ito rin ang pagkakataon namin upang magsama-sama at lumabas bilang isang pamilya. Ito’y malaking pahinga mula sa trabaho ng aking mga magulang at sa kanilang mga problema. Ngunit habang ako’y lumalaki, maraming tanong ang bumabagabag sa aking isip. Bakit ako lang sa aming magkakaibigan ang nagdiriwang ng dalawang araw na kapaskuhan? Hindi ko rin mawari kung kailan ko ba nakita ang aking mga magulang na magkasama, magkayakap, at nagtatawanan. Nais kong tanungin ang Panginoon: ano ang nangyayari sa aking pamilya at kung totoo ba na dalawang araw ang Kaniyang kaarawan? Kung maaari ko lamang ibalik ang oras, hindi ko na sana inalam pa ang kasagutan. Sana nanatili na lang sa akin ang pagtingin na doble ang lahat ay dahil lubos lang nila akong mahal. Ngayong ako’y malaki na, napagtanto ko na rin ang dahilan sa likod ng kakaiba kong pagdiriwang. Kaya pala dalawa ang araw ng kapaskuhan, tig-isa pala ng araw ang naghiwalay na ilaw at haligi ng aking tahanan.
Mahirap tanggapin ang katotohanan na kahit anong dasal at iyak ko sa Panginoon, wala na talaga akong magagawa. Kahit siguro kumpletuhin ko ang araw ng simbang gabi ay hindi na matutupad ang aking hiling para sa aking pamilya. Kailangan ko nang yakapin ang kinabukasan kung saan ang aking tahanan ay tila nahati na sa dalawa. Marahil kaya ganoon na lamang ang kanilang pag-alaga at paggabay sa akin noon, darating pala ang panahon na maiiwan nila akong mag-isa—malilimutan kasama ng bahay na dating binuo nila—matatabunan ng alikabok kasama ng aming christmas tree na tinayo sa sala. Hindi ko man masisilayan muli ang kumpletong plato sa hapag tuwing noche buena, ang hiling ko na lang ay sana hindi ito maranasan ng kanilang bagong mga anak sa kani-kanilang mga pamilya.
Malungkot man ang marami sa mga nagdaan kong Pasko, sigurado naman ako—sa akin matatapos ang sumpa na ito. Kung bubuo man ako ng pamilya pagkatapos ko ng kolehiyo, sila’y hindi maguguluhan kung ilang araw ba talaga pinagdiriwang ang okasyon na ‘to—hindi ko ito hinihiling, bagkus ay pinapangako ko. Hindi ko hahayaan na maging malungkot ang lahat ng mga darating ko pang Pasko dahil lamang sa paghihiwalay ng aking mga magulang. Marami pa rin naman ang mga nagpaparamdam sa akin na ako’y kumpleto at buo—nariyan ang aking kasintahan, alagang pusa, simbahan, at ang mga kaibigan ko.
Sa ating mga kalendaryo, ang ika-25 ng Disyembre ay hindi lang nakatakda upang magbigayan ng mga materyal na bagay at aguinaldo, ito rin ay araw upang magpatawad, magmahalan, at patawarin ang mga taong tayo’y naiwan o ating nakaalitan. Nararapat na yakapin nang mahigpit ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Dahil kung tayo ay may hinanakit sa puso tuwing darating ang Pasko, tiyak na hindi natin kailanman mararanasan ang tunay na diwa nito.
