M097 110226 - BUTI NA LANG PATAY NA SI LOLA (1)

Buti na Lang Patay na si Lola

Written by Francis Garra Gonzales • Illustration by Jannah Marie Duana | 2 November 26

Laking pasasalamat ko na hindi nagparamdam si Lola kahit kailan. Walang paro-parong dumapo sa balikat o gamo-gamong pumapaligid sa sala. Ni minsan, hindi bumagsak ang retrato niyang pinapanatiling walang dungis. Nakapanlulumo man ito para sa iba, kagalakan lang ang tangi kong nararamdaman. Malapit nang mag-isang dekada mula nang iyong pagkamatay, Lola. Pero walang araw na lumipas na hindi ako nagpasalamat na wala ka na.

Buhat ng iyong paglisan, maraming pangyayari ang sigurado akong lalong ikapuputi ng buhok mo. Marahil ay hindi mo malalagpasan ang pandemya, kung saan nagtatagal ang mga lockdown nang ilang linggo at ang simbahan ay tanging sa screen mo lang makikita. Malamang sa malamang, mawawalan ka ng ulirat.

Natapos na ang pagpapatuloy ng inaabangan nating telenovela. Naaalala ko pa noong nakaupo ka sa silyang ipinagmamalaki mong mas matanda pa sa aming magkakapatid, habang ako’y nasa iyong paanan. Ano kayang tumatakbo sa isipan mo habang pinapanood mo akong nakatitig sa telebisyon?

Patuloy pa rin akong umiiwas sa mga simbahan, kung saan minsang inaalalayan kita nang alas-sais o alas-siete ng umaga, papanik ng matitirik na hagdan, o ‘di kaya’y taga-bitbit ng iyong supot na may lamang biskwit at tubig sa oras na magutom o mahapo ka sa biyahe. Sa mga panahong iyon, minamasdan kita sa iyong pagdarasal, gaya ng panonood mo sa akin habang nakatitig ako sa telebisyon.

Sa iyo ko natutuhan ang kahalagahan ng pagiging masinop, ng pagtulong sa gawaing bahay, ng pagtanaw nang may grasiya sa pagkain—ang kaibuturan ng pagkilala sa mga biyaya, ng pakikipagkapwa-tao, ng pagiging maka-Diyos.

Ngunit sa’yo ko rin natutunan ang kaipokrituhan ng mga mananampalataya. Ang bigat ng utang na loob mula sa isang pamilya. Ang bigat ng tanikala ng pang-aabuso mula sa isang minamahal na tinanaw mong sandigan.

Gusto ko man alalahanin tanging ang kabutihan mo, pinapangibabawan ito ng alaala ng matatalim mong salita at mabibigat mong kamay. Kaunting kibot, walang humpay na pangungumpara. Kaunting pagkakamali, walang tigil na pagmumura. Old school, kung tawagin, ang porma ng “pagpapalaki” ninyo. Pagpapalaki na nilayon mong ipamana sa aming magkakapatid.

Nauunawaan kong marahil ay bunga na rin ito ng mga karanasang hindi mo naibahagi sa akin. Ang mga kumupas na alaalang hindi mo na naisipang ibahagi sa buhay ng mga apo mo. Kasabay ng kirot ng pag-aalala sa iyong pananakit ay ang malungkot na katotohanan—naging malupit ang mundo sa iyo.

Kung anong pag-iimbot mo na lamang sa iyong makipot na hawla na ang tangi mo na lamang ginhawa ay ang ibunton ang naipon mong sakit sa mga kapwa mong nakakulong. Sa porma ng bulyaw, hiyaw, at kung anong pamamahiyang minsan mong naranasan. Hindi ko man lang nalaman kung naibsan kahit papaano ang sakit na dinadala mo; ang naalala ko lang ay ang hapdi ng mga hataw ng kung anong mahawakan mo.

Ngunit kahit anong pangangatuwiran ko, hindi ako makahanap ng sapat na dahilan kung bakit mo ginawa ang mga ginawa mo. Walang rasong maibigay ang musmos na lumaki sa pang-aabusong kinubli sa kakarampot na pagmamahal. 

Mas naaalala ko ang batang ayaw umuwi ng bahay dahil takot na pagkauwing-pagkauwi ay may naghihintay na bulyaw. Ang batang paiyak na naghuhugas ng pinggan o nagtutupi ng damit o nagwawalis ng sahig matapos hatawin ng murang kahoy. 

Sinubukan kong umiyak sa iyong libing. Ngunit ang tanging umaalingawngaw lang sa isipan ko noon ay ang iyong pagsigaw at pagkukumpara at walang habas na pagmumura. Kung anong kasutilan na lamang ng iyong apo—huwad ang luha sa huli mong hantungan.

Pinangatwiranan ko na lamang ang aking naramdamang ginhawa bilang asal  ng isang butihing apo. Kesyo hindi mo magugustuhan ang panahon ng pandemya, na madali kang maloloko ng mga retrato at bidyong gawa ng AI, o mahirapan sa tumitinding panahon. Pakunwaring konsensiya sa pag-alaala sa iyong buhay.

Ngunit ang katotohanan ay maluwag ang loob ko sa iyong pagkamatay. Magaan ang tahanang walang naghihintay na bumulyaw o humiyaw o pagmumurahin. Maaliwalas ang salang walang umiiyak na batang naghuhugas ng pinggan o nagtutupi ng damit o nagwawalis ng sahig. Magaan ang pusong nakaalpas mula sa mga pangungumpara o mga mabibigat na salita. 

Sa kabila nito, nananatili ka sa puso ko. Naaalala kita sa tuwing dumarating ang mga telenovela o ang mga drama sa hapon. Sumasaglit ka sa aking isipan pagsapit ng alas-sais ng gabi, panahon para sa orasyon sa tapat ng altar. Tila katabi kita sa mga upuan ng kahit anong simbahang mapuntahan ko. 

May isang dekada na mula nang iyong pagkamatay, Lola. Pero walang araw na lumipas na hindi ako nagpasalamat na wala ka na.