Ber-months na pala?
Written by Joanna Lacasa • Illustration by Melliza Roxas | 30 October 26
Alas-dose na ng hatinggabi nang tuluyan akong umuwi galing sa trabaho. Tahimik na ang kalsada habang binabaybay ko ang daan pauwi. Sa magkabilang panig, iilang bahay na lamang ang may bukas na ilaw, ngunit sa mga bintana ng mga ito, kumikislap na ang sari-saring kulay ng mga Christmas lights, hudyat na papalapit na ang Kapaskuhan. Mayroon na ring mga parol na nakasabit sa ilang pintuan, na para bang nauna pang sumalubong sa Pasko kaysa sa akin. Ah, Pasko na naman. Ber-months na pala?
Sa sunod-sunod na araw ng pagtatrabaho, tila mabilis na lumipas ang panahon nang hindi ko namamalayan. Sa pagtatapos ng bawat shift, ang tanging nasa isip ko ay makauwi at makapagpahinga, bago muling harapin ang mga responsibilidad na naghihintay sa akin kinabukasan. Hindi ko namalayang unti-unti na palang sumasapit ang Kapaskuhan. Sa pagod ng aking katawan, nais ko na lamang ipikit ang aking mga mata. At bago tuluyang magsara ang mga ito, sandali ko pa ring pinagmamasdan ang mga ilaw. Dahil sa pagsikat ng araw, estudyante naman ako.
Kinabukasan, gaya ng mga Paskong nakasanayan ko, sinalubong ako ng kantang “Christmas in Our Hearts” ni Jose Mari Chan mula sa radyo ni Tatay. Sa labas, maririnig ang mga batang nangangaroling at ang malalakas na tugtog ng mga awiting pamasko mula sa mga dumaraang traysikel. Sa kusina, abala na si Nanay sa pagpaplano ng aming Noche Buena, habang si Tatay naman ay naghahanap ng dagdag na raket upang may maihanda kami sa darating na Pasko. Sa isang sulok, nag-iipon naman ang mga kapatid ko ng kaunting pera para sa mga regalong balak nilang ibigay sa isa’t isa. Sa kabila ng aming pananabik, kailangan pa ring pagkasyahin ang kinikita sa pang-araw-araw na pangangailangan at paglaanan ng sapat na halaga ang paghahanda para sa Noche Buena.
Ngunit sa likod ng mga paghahandang iyon, bumabalik sa isip ko ang mga nagdaang linggo at ang mga problemang iniwan ng baha. Hindi pa lubusang nawawala sa aming bahay ang bakas nito. Naaalala ko pa kung paano ako napilitang lumusong sa baha pauwi dahil huli nang inanunsiyo ang suspensyon ng klase. Sa halip na tuwirang makauwi, kinailangan kong dahan-dahang tawirin ang tubig habang iniisip kung paano ako makararating nang ligtas.
Higit pa sa pinsala sa aming mga gamit, pangamba rin ang bumalot sa amin matapos lumusong sina Tatay at Nanay upang iligtas ang mga ito. Sa mga sumunod na araw, binantayan namin ang kalagayan ng bawat isa: kung may lagnat, pananakit ng katawan, o anumang kakaibang sintomas na maaaring may kaugnayan sa leptospirosis. Natuyo na ang tubig, ngunit hindi pa ang mga problemang iniwan nito.
Pagkatapos ng baha, may iba pang kailangang harapin. Mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi mula sa klase, ramdam ko ang bigat ng tumataas na pamasahe. Sa bawat abot ng bayad, napapaisip ako kung magkano na naman kaya ang matitira para sa pagkain. Pati ang mga bilihin, unti-unting nadaragdagan ang presyo. Maging ang mga dating kayang bilhin nang hindi gaanong pinag-iisipan ay kailangan ko nang paglaanan ng puwang sa aking maliit na badyet. Sa bahay, naghihintay ang mga bayarin sa kuryente at tubig. Nadagdagan pa ang gastusin sa mga gamit na nasira at mga bahagi ng bahay na kailangang kumpunihin dahil sa baha.
Parang bawat araw ay may panibagong kailangang pagkasyahin, ipagpaliban, o bayaran nang paunti-unti. Kung mabigat na ang gastusin noon, lalo pa ngayon. Kaya sa abot ng aking makakaya, sinusubukan kong may maiambag. Hindi dahil ako ang sasagot sa lahat, kundi dahil gusto ko lamang makatulong, kahit kaunti. Kahit sa paraang kaya ng isang estudyanteng may pasok sa umaga at trabaho sa gabi. Dahil sa bahay, hindi naman humuhupa ang mga gastusin.
Minsan, naiisip ko kung kailan ba talaga nagsisimula ang Pasko. Dahil kasabay ng paglabas ng mga parol at Christmas lights, may mga pamilyang nagsisimula nang magbilang—hindi ng mga araw bago sumapit ang Pasko, kundi ng perang kailangang pagkasyahin hanggang sa susunod na sahod at, kalaunan, sa napipintong Noche Buena.
Siguro, hindi pare-pareho ang pagsalubong ng bawat pamilya sa Ber-months. Para sa iba, nagsisimula ito sa awiting pamasko, paghahanda ng regalo, o pagdidisenyo ng mga palamuti sa Christmas tree. Ngunit tila sa pamilya ko, nagsisimula ito sa panibagong listahan ng mga kailangang bayaran. Sa pagitan ng mahahabang biyahe, mga araw sa eskuwela, mga gabing ginugugol sa trabaho, at pagsisikap na makabangon mula sa mga pinsalang iniwan ng baha, tila wala pa akong sapat na pagkakataong namnamin ang pagdating ng Pasko.
Gayunpaman, sa pag-uwi ko gabi-gabi, nariyan pa rin ang mga ilaw. Naglalaro ang sari-saring kulay sa lilim ng gabi, habang sa mga pintuan ay marahang umiindayog ang mga parol sa ihip ng hangin. Mula sa mga karatig-bahay, tumataginting ang mga awiting pamasko. Hindi naman dahil sunod-sunod ang mga pagsubok na dumarating sa amin ay nangangahulugang wala nang lugar para sa Pasko. Nariyan pa rin ito, at nananatiling buhay sa aking puso ang pananabik na muling maramdaman ang Pasko.
Gusto ko pa rin ang mga awiting naririnig sa radyo. Gusto ko pa ring makasama ang pamilya ko sa Noche Buena, sa harap ng hapag na pinagsasaluhan namin taon-taon. Gusto ko pa ring magbigay ng regalo sa mga kapatid ko, kahit munting bagay lamang na alam kong ikatutuwa nila. Ngunit bago ko muling maranasan ang mga sandaling iyon kasama ang pamilya ko, kailangan ko munang harapin ang bigat ng mga araw na kailangang malampasan bago ako tuluyang makauwi. Pumasok, kahit pagod. Mag-aral, kahit kapos sa oras. Magtrabaho, upang maitaguyod ang mga pangangailangan. At umuwi nang dala ang pagod sa buong araw, saka muling bumangon kinabukasan—para sa panibagong araw na kailangang kayanin.
Kaya habang kumikislap ang mga ilaw sa labas ng aming bahay, nais ko munang hayaang sumabay ang aking mga mata sa liwanag nito. Kahit sandali lang, bago ko muling isipin ang pamasahe bukas. Ang bayarin. Ang bahay. Ang trabaho. Ang paaralan. At ang Paskong dahan-dahan nang lumalapit. Baka sa ilang sandali, mapawi man lang ng mga ilaw na ito ang bigat ng aking maghapon.
Hindi ko man alam kung kailan ko mararamdaman na tunay nang sumapit ang Pasko, nananatili ang pagkasabik ko sa mga araw na dala nito. Kaya’t sa kabila ng lahat ng kailangang bayaran, ayusin, pagtrabahuhan, at pag-aralan, gusto ko pa ring maniwala na may Paskong naghihintay sa dulo ng lahat ng ito.
Ber-months na pala. Sana, Pasko na rin.
