Bawal Maggupit ng Kuko sa Gabi
Written by Mickaella Maris Vargas • Illustrated by Marc General Quinto | 23 October 26
Bata pa lamang ako nang una kong narinig ang tungkol sa pagbabawal sa paggupit ng kuko tuwing gabi. Hindi ko na kailangang malaman kung saan ito nagmula. Sapat nang marinig kong maaaring may mangyaring masama sa aking pamilya—maaaring may magkasakit, may mamayapa, o may dumating na trahedya. Ngunit sa lahat ng dahilan, may isang nanatili sa aking isipan: Baka masira raw ang pamilya.
Maliban sa pamahiin ng paggupit ng kuko sa gabi, marami pang ibang ipinagbabawal sa tahanang kinalakihan ko: Bawal magwalis sa gabi. Bawal magbukas ng payong sa loob ng bahay. Bawal magligpit ng pinagkainan habang may hindi pa tapos kumain. At higit sa lahat, bawal maggupit ng kuko pagsapit ng gabi.
Lahat ng ito ay itinuro sa akin ng aking lola. Para sa kaniya, hindi lamang basta paniniwala ang mga ito, kundi mga paalalang kailangang sundin upang ilayo ang sarili sa kamalasan o kapahamakan. Wala mang batayan at kasiguraduhan ang mga ito, wala naman daw mawawala kung susundin ang mga ito.
Kaya mula nang matuto akong maggupit ng sarili kong kuko, ni minsa’y hindi ko na ginawa iyon pagsapit ng gabi. Kahit kailangan na. Kahit walang makakikita. Kahit walang ibang makaaalam. Sapagkat paano mo isasapanganib ang pamilyang buong puso mong pinangangalagaan?
Kaya sumunod ako.
Lumipas ang mga taon na dala ko ang paniniwalang iyon—na may mga bagay akong maaaring iwasan upang manatiling buo ang aking pamilya, kahit nasasaksihan ko na ang mga senyales ng unti-unting pagkasira nito. Kumapit ako sa isang pamahiing walang kasiguraduhan, umaasang kahit papaano, ang aking pagsunod ay makapipigil sa araw na aking kinatatakutan.
Ngunit dumating ang panahong kahit ang pamahiing walang palya kong sinunod ay papalya rin pala.
Nagkahiwalay ang aking mga magulang. Nagkaroon sila ng sari-sariling tahanan, sari-sariling pamilya, sarili-sariling pamahiin. At ako, naiwan sa pagitan ng mga tahanang hindi ko alam kung alin ang tunay kong kinabibilangan.
At ang pinakamasakit? Ni isang beses, hindi ako naggupit ng kuko sa gabi.
Sinunod ko naman ang bawat babala. Iniwasan ko naman ang bawat pamahiing pinaniniwalaang malas. Buong ingat kong pinangalagaan ang pamilyang akala ko’y kaya kong protektahan. Ngunit dumating pa rin ang araw na ang pamilyang pilit kong pinangangalagaan ay tuluyan pa ring masisira.
May mga bagay na hindi pala kayang pigilan ng pag-iingat, dasal, pamahiin, o kahit ng pinakamatinding pag-asang sana’y huwag na lamang mangyari. May mga pangyayaring kahit anong gawin natin ay hindi na natin kayang baguhin ang kahahantungan. At sa harap ng mga bagay na wala sa aking mga kamay, saka ko napagtanto na hindi naman ako natulungan ng pagiging masunurin.
Kaya ano nga ba ang panganib ng paggupit ng kuko sa gabi, kung ang pamilya ko nama’y nagkawatak-watak na?
Kinalas na sa akin ng reyalidad ng buhay ang mga pamahiing dating nagmimistulang tanikala sa mga kilos ko. Ngayon, hindi na ako gaanong natatakot sa maaaring kahinatnan ng pagsuway sa mga pamahiin. Hindi dahil minamaliit ko ang mga ito, kundi dahil sapat na ang nakita kong pagkasira ng aking pamilya upang maunawaan kong kahit gaano karaming “bawal” ang sundin, may mga pagkawasak na hindi na kayang buuin ng anumang panalangin o pamahiin.
Ngunit nananatiling mahalaga pa rin sa akin ang mga ito sapagkat bahagi sila ng kulturang kinalakihan ko—mga kuwentong minana natin bago pa man natin matutuhang kuwestiyunin ang mga ito. May mga paniniwalang maaari nating igalang kahit hindi na natin kinatatakutan.
Kung minsan, nagdadalawang-isip pa rin akong maggupit ng kuko sa gabi. Hindi dahil naniniwala akong kaya nitong sirain ang isang pamilya, kundi dahil may mga paniniwalang kahit hindi mo na isinasabuhay ay mahirap pa ring kalimutan.
At kung may isang bagay man akong natutunan mula sa pamahiing ito, iyon ay hindi pala ang paggupit ng kuko ang kinatatakutan ko sa gabi, kundi ang araw na mapagtanto kong kahit anong ingat ang gawin ko, may mga pagkasirang hindi na mapipigilan pa.
