Bata, Bata, Anong Pake Mo Sa Bansa?
Isinulat ni Francis Irvin Gonzales • Ilustrasyon ni Caitlin Beatrice Mutas | 30 November 25
Nagsisiksikan ang mga estudyante sa isang silid-aralan. Humahagikgikang naghihintay sa sulat ng guro sa pisara, hindi mapakali sa pagsubaybay sa panibagong ituturo. Para sa karamihan ng kabataan, ito ang kanilang araw-araw na pamumuhay. Gigising nang maaga, kakain ng almusal, at papasok sa paaralan. Ganito dapat. Ngunit nang libutin ng tingin, wala ka sa mga silid-aralan. Para sa isang musmos na katulad mo, may mas hihigit pang aral na matatagpuan sa lansangan. Bata, kailan mo pinulot ang placard sa halip na lapis?
Sa ilalim ng tirik ng araw, nakahanay ka hawak ang isang placard na nagpapanliit sa mumunti mong katawan–isang panawagang mas malaki pa sa isang batang tulad mo. Bata, gamitin mong panangga ang placard sa masakit na sikat ng araw, kasinghapdi ng inhustisyang nararanasan mo. Pinapatid ka ng iyong lumalayong kinabukasan at mga nagpapang-abot na balatengga sa likuran bitbit ng ibang hanay ng kabataan. Aligaga, pawisan, sumasabay sa sinisigaw na panawagan.
Bata, sa lansangan walang pinagkaiba ang bomba ng tubig sa ulan. Sa pagbagsak ng tubig-ulan, mayroong magkukumahog isilong ang bunbunan at mayroong ‘di alintana ang haplos ng langit. Tingnan niyong biyaya ang bagsak ng tubig sa mga panghal niyong katawan. Ibig sabihin ng pag-ulan ay kinakaawaan na kayo ng haring araw. Ibig sabihin ng pagbomba ng tubig ay kinakatakutan na ang kapangyarihan n’yo–naghihingalong pinapahupa ang naglalagablab na galit ng kabataan.
Ingat, bata, baka mahagip ka ng kamera at makunan ng pitik ang mukha mo. Ano na lang ang sasabihin ng ina mo? Hindi mo sinabing ang “klase” mo sa araw na ito ay gaganapin sa kalsada. Sabagay, walang katumbas ang kaalamang matatagpuan sa lansangan. Kinaibigan mo ang kinukutyang pakikibaka, ‘di alintana ang pagbabalewala rito. Nakatatawa lamang isipin. Natatakot ka sa pangangaral ng sariling ina, ngunit hindi ka natatakot ipaglaban ang inang bayan.
Humantong na kayo sa kahabaan ng Recto. Hinarap ang pananakot ng mga pulis at ang usok ng mga tambutso mula sa nag-uunahang sasakyan. Nagising na lang ang palaboy sa dumadaing na sigaw ng nagmamartsang hanay. Ilang henerasyon na ng kabataan ang niyapos ng kasaysayan, tumangan sa kalsada, naglakad sa parehong lansangan ng mga patay na pangarap.
Marami ka pang kailangan malaman sa buhay. Sa pag-aaral, sa pamumuhay, sa pagbitbit ng mga panawagan. Alamin mo kung saang kolehiyo ka magtatapos ng pag-aaral. Kung saan ka pipiling bumuo ng pamilya at maghanap-buhay. Ang pinagkaiba ng mga kasama, ng mga nagtitinda, at mga naniniktik t'wing mobilisasyon. Ang isa nag-aagaw buhay, ang isa naghahanap-buhay, ang isa nang-aagaw ng buhay.
Inabot ka na ng kaalwanan ng gabi. Ni malamig na simoy ng hangin hindi mapakalma ang ligalig ng batang mulat. Buong araw tumindig para sa paniniwala, para sa mas maaliwalas na bukas. Isapuso ang mga napulot na aral; huwag pakingaan ang sermon ng mga matatandang nagbubulag-bulagan–may mali kaya ka nakikisangkot. Hayaang ipahinga ang katawang tinahak ang kahabaan ng kalsada tungo sa Mendiola. Sa iyong pagpikit, umaalingawngaw pa rin ba ang mga panawagan sa isipan mo? Tila uyayi ng batang natagpuan ang tahanan sa lansangan.
Batang mangmang at marugit, humihingi ako ng tawad sa'yo. Hindi mo dapat gampanin ang pagpapabuti ng lipunan. Tinahak mo ang lansangan sa kabila ng pagpapatahimik sa boses ng kabataang nauna sa’yo. Salamat. Nawa’y hindi mawala ang apoy ng pakikibaka sa puso mo. Nang bukas makalawa, makabalik ka na sa silid-aralan, hindi na placard, kundi lapis ang iyong tangan.
