Ang Batang ‘Di Takot Sa Multo
Written by Claire Josiah Bautista • Illustration by Jannah Duana | 8 November 25
Nobyembre na naman—
panahon daw ng multo, halimaw, at aswang. Pero ako, maliit na paslit man,
hindi na natatakot sa kanila.
Ang multo? Nakikita ko araw-araw—
sa mga matang pagod sa pila, sa mga kamay na nanginginig sa gutom, sa mga batang katulad ko na buhay pa pero parang wala na.
Ang halimaw?
Hindi nagtatago sa ilalim ng kama.
Nakaupo sila sa opisina,
malaya kahit may kasalanan,
nakalipad paalis ng bansa,
o ngumingiti sa kamera
habang nililinis ang pangalan.
Sila ‘yung malalaking kamay
na umaabuso sa maliliit na palad—
mga halimaw na hinahayaan nating manguna,
habang kami, pagpapaawa ang tanging bukal ng pera.
Sabi nila, huwag matakot sa dilim. Pero sa dilim, takot ang marahang lumalalim.
Hagupit ng sinturon sa katawaan kong maliit,
kapag kulang ang baryang nalimos nang pilit.
May mga matang nagmamasid,
mga paang sumusunod saan man ako lumigid.
Mga tinig na bumubulong ng pangalan ko
sa likod ng eskinita,
sa dilim, na siyang humahablot sa aking pagkabata.
Hindi ko alam ang ibig sabihin ng “korapsyon.” Pero alam ko ang pakiramdam ng lagi kang talo sa laban kahit wala ka namang nilalabanan.
Sabi ng matatanda, “Ganyan talaga ang buhay.” Kaya siguro, natuto na kaming tumawa kahit masakit, manahimik kahit mali, at mabuhay kahit patay na ang pag-asa.
Ako?
Hindi ko na alam kung kailan ako matatakot muli sa multo.
Kasi mas nakakatakot—ang bansang sanay na sa gulo,
ang pusong tuyo na sa dusa’t dugo,
at ang bayang hindi na natatakot
sa sariling multo.
