Tanggap pala ako ni Tatay

Tanggap pala ako ni Tatay

Written by Vince Villanueva • Board by Krystal Arianna Puzon | 26 June 25

Hindi ko kailanman inamin subalit tanggap pala ako ni Tatay.

Walang tahasang pag-amin, walang dramatikong tagpo, walang mga salitang binitawan tungkol sa aking kasarian. Tahimik lamang ako — at sa kabila ng lahat, tahimik rin siyang nariyan. Subalit sa puso ko, batid kong matagal na niyang alam. At higit doon — matagal na rin pala niya akong tinatanggap.

Ako ang tipo ng anak na hindi nahilig sa mga larong karaniwang itinatakda para sa mga lalaki. Hindi ko paborito ang paglalaro ng mga kotse-kotsehan, hindi ako natutong magbaril-barilan, at hindi ko rin hilig ang pakikipaglaro ng Basketball. Ngunit kailanma’y hindi niya ako pinilit at wala siyang sinabi upang itama ang mga ibang hilig ko kahit kaiba sa pangkaraniwan.

Siya rin ang isa sa mga unang taong palaging nariyan. Araw-araw niya akong hinahatid sundo sa aking paaralan. Kapag may mga simple akong karangalang natatanggap sa paaralan — medalya man ito o kahit mga kompetisyong aking sinasalihan — siya ang isa sa mga unang natutuwa at nangangamusta. Ang kanyang presensiya at suporta sa bawat tagumpay ko, maliit man iyan o malaki, ang pinakamatibay na patunay ng kanyang pagmamahal.

Bukod pa rito, hindi lamang pagtanggap ang kaniyang itinuro sa akin, bagkus maging katapangan din.

Sa isang mapanghusgang mundo, pinalaki niya akong may matibay na paninindigan at pusong may pag-unawa. Tinuruan niya akong maging mabuting tao at maging mapagkumbaba sa lahat ng panahon. Sa mga mapanghusgang salitang aking natatanggap at sa mga panlalait patungkol sa aking kasarian, palagi niyang itinuturo ay huwag manakit ng kapwa at pairalin ang pag-unawa. Sa kaniya ko unang natutunan ang pagkakaroon ng pusong marunong magmahal at umunawa kaysa sa mamutawi ang pusong may galit sa kapwa.

Hindi man niya tahasang sinabi, ngunit sa bawat araw na lumilipas — sa bawat kilos ng pag-aaruga, sa bawat pagtanggap sa kung sino ako — ipinadama niya sa akin na hindi ko kailangang ipaliwanag ang aking sarili upang mahalin.

Ngayong pagdiriwang ng Father’s Day, kasabay din ang selebrasyon ng Pride Month, isa itong pagdiriwang na bigyang tinig ang katahimikan ng pagmamahal mula sa ating mga ama — ang isang uri ng pagmamahal at pagtanggap na hindi kailangang isigaw ngunit lubos-lubos ang pagpapadama.

Ito’y kuwento ng mga anak na katulad ko na tahimik at hindi kailanman nagkalakas loob at para sa mga ama na katulad ni Tatay na tanging pagmamahal at pagtanggap ang maririnig, kahit walang salita ng pag-amin.