Para sa malayang pamamahayag

Para sa malayang pamamahayag

Isinulat ni Jan Rennie J. Abat • Ilustrasyon ni Miaka Byonne Cha | 8 September 25

Sa apat na sulok ng aking kwarto, pakiramdam ko’y nalulunod ako sa kaliwa’t kanang isyung kinakaharap ng bansa—mula sa kawalan ng hustisya noong nakaraang termino hanggang sa pinangakong pag-asa ng pagbabago ngayon. Nang ibinalasa ang baraha at inihain ito sa atin, taumbayan lang din ang talo sa kasalukuyang kamay. Sapagkat hindi nauubos ang panawagan ng mga Pilipino para sa mas maayos na pamahalaan, at sa bawat hinaing na hindi naririnig ay mayroong boses sa kaibuturan ng aking isipan…

“𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘰 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢.”

Mabilis na balita. Magaan na lathalain. Mabigat na opinyon. Sa gitna ng ingay ng maling impormasyon, mahalaga ang isang panulat na may layunin. Gayunpaman, nakataya ang kredibilidad, ang prinsipyo, at minsan, pati na rin ang sariling kaligtasan. Kung may makapagbabalita lamang nang tama. Kung may makapagsusulat ng lathalain na nagbibigay pag-asa. Kung may kayang isaboses ang opinyon ng masa. At sa kaibuturan ng aking isipan…

“𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘢𝘬𝘰?”

Kung kaya’t dali-dali ay naghanap ako ng pahayagan. Sa paaralang aking pinasukan, natuklasan ko ang Ang Pamantasan. Binalikan ko ang kasaysayan at napagtantong bago ito umabot sa kasalukuyang katayuan, nagsimula ito bilang Ang Hasik na siyang binuo ng matatapang na mag-aaral sa anino ng Batas Militar. Pamilyar na tagapahayag ang siyang aking nabasa, Liliosa Hilao ang ngalan, kabataang mamamahayag na hindi nagdalawang-isip na itaya ang kaniyang buhay para maging boses ng bayan. Isa ring paalala na kahit panulat man ang pinakamabisang sandata, hindi lahat ng alas ay panalo…ngunit nagmamarka ito.

Bitbit ang aking mga prinsipyo at kakayahang magsulat ay buong-loob akong sumubok sa Ang Pamantasan. Isang paalam sa dating ako, estudyanteng manunulat na siyang gumagawa lamang ng artikulo para makamit ang “pinakamahusay na manunulat” na titulo. Ngayon, iba na ang aking pinagmumulan sapagkat kung ang pagiging mamamahayag sa panahong ito ay isang sugal– handa akong itaya ang kung anong mayroon ako.

May mga sandaling lahat ng barahang nakalatag ay tila nagpatung-patong upang mabitawan mo ang pluma, ngunit sa halip ito pa ang nagiging dahilan sa lalong paghigpit ng iyong kapit. Hindi ito madali, sapagkat tayo lamang ang mulat ngunit may piring sa mga panig. Tayo lamang ang bingi sa makapangyarihang himig ngunit tagapaghatid ng masang tinig. Sa sistemang patuloy na naglalagay ng tapal sa bibig, sa sistemang pumapabor sa koneksyon at pera…tayo ang pag-asa.

Ngayon ay susulat para sa mga estudyanteng mambabasa. Para sa kaalaman. Para sa kamalayan. Para sa katotohanan.

Lagi’t lagi, para sa malayang pamamahayag.