Nasa Loob Din Ako ng Silid
Written by Christian Cillo • Board by Krystal Puzon | 31 August 26
Sa araw na ito, muli akong papasok sa loob ng silid. Sa halip na chismisan ng aking mga kaklase ang aking maririnig, musika at trumpeta ang aking kasama habang nagmamartsa. May halong kabog sa dibdib, luha ng kasiyahan at saya, sapagkat unti-unti ko nang naabot ang aking mga pangarap. Parang kailan lang ay nasa loob ako ng silid-aralan kasama ang iba pang mga estudyanteng nangangarap. Ngayon, sama-sama kaming naglalakad patungong bulwagan upang tanggapin ang diplomang naghuhudyat na kami ay nagsipagtapos na ng kolehiyo.
Ngunit may mga mag-aaral na hindi lamang ito ang matatanggap. May mga medalya para sa iba’t ibang akademikong parangal, sertipiko mula sa mga kompetisyong napanalunan, at tropeyo bilang pagkilala sa mga estudyanteng nagsikap, nagpagod, at nagsunog ng kilay. Sa araw na ito, hindi lamang sa pagmartsa nila makakasama ang kanilang mga magulang, kundi pati na rin sa entablado—habang isinasabit sa kanilang leeg ang medalya at inaabot sa kanilang mga kamay ang bawat parangal na kanilang pinaghirapan.
Habang isa-isa silang tinatawag, nakaupo naman ako sa aking upuan, tahimik na nakatingin at pumapalakpak. Wala akong medalya sa dibdib, sertipikong hawak, o tropeyong iuuwi. Ang mayroon lang ako ay ang aking diplomang patunay ng aking karanasan. Matapos kong makuha ang kapirasong papel, tila ang natitira na lamang sa akin ay ang pagiging tagapalakpak para sa mga tinawag sa entablado at tagapakinig sa talumpati ng pinakahuwarang mag-aaral.
Sa mga sandaling iyon, hindi ko maiwasang mapaisip—dapat pa ba akong narito? Wala naman akong medalya at tropeyo. Tanging hawak ko ay isang papel na may kapiranggot na pangalan ko. Hindi ko pa nga kasama ang aking mga magulang upang kunin ito. Tila naroon lamang sila bilang mga tagapalakpak para sa mga estudyanteng sunod-sunod ang parangal. Sa dami ng mga pangalang tinatawag at mga parangal na iginagawad, unti-unti kong naramdaman na tila wala akong puwang sa silid na iyon.
Ngunit hindi ibig sabihin na dahil wala akong medalya ay hindi ako nagsikap. Hindi dahil walang nakasabit sa aking dibdib ay wala akong ipinaglaban. Saksi ang langit sa mga gabing ipinagpalit ko ang pahinga para sa pag-aaral, sa mga oras na kinailangan kong bumangon kahit pagod, at sa mga dasal na paulit-ulit kong binigkas para lamang makarating sa puntong ito. May mga laban ding hindi nasusukat ng grado, medalya, o tropeyo.
Alam kong maaaring iba ang kinahinatnan ng aming pagsisikap, ngunit iisa ang aming pinagdaanan—ang mga pagsusulit, puyat, pagod, pangamba, at mga araw na gusto na lamang sumuko ngunit pinili pa ring magpatuloy. Kaya sa araw na ito, binibigyang-pugay ko hindi lamang ang mga may parangal, kundi pati ang aking sarili at ang kapuwa estudyanteng unti-unti nang naaabot ang kanilang mga pangarap.
Hindi man ako nakatanggap ng ibang parangal, sapat nang maging katibayan ang diplomang hawak ko na mayroong naging bunga ang aking pagsisikap. Hindi man ako kabilang sa mga summa, magna, o cum laude, hindi ibig sabihin na mas mababaw ang aking paglalakbay.
Dahil sa huli, hindi naman kailangang sabitan ka ng medalya sa entablado para masabing tayo ay nagtagumpay. Maaaring wala ang pangalan ko sa listahan ng mga pinarangalan, ngunit naroon ako—nakaupo sa loob ng bulwagan, hawak ang diplomang pinaghirapan ko, at higit sa lahat, nasa loob din ako ng silid.
