Nananatili sa Nakaraang Taon
Written by Jan Rennie Abat • Board by Jian Muyano | 31 January 26
Kay pait ng buwan na ito. Buwan ng panibagong simula, ‘yon ang sabi nila.
Enero, ang panahon na puno ng pag-asa para sa kinabukasan. Ngunit kung gaano kasaya nilang sinalubong ang bagong taon, kabaliktaran nito ang sa akin. Doon ko napagtantong posible palang maging tahimik at madilim ang isang kaganapang puno ng makukulay na paputok sa langit.
Marahil dahil may taong malapit sa aking puso na hindi ko na muling kasama sa pagsalubong ng bagong taon. Walang kwitis. Walang torotot. Walang ingay ng kaniyang presensya.
Habang ako ay nalulunod sa mga alon ng pagdadalamhati, maya’t-maya ay tinitignan ko ang takbo ng oras sa mga taong nasa paligid ko. Mga taong naghahanda sa kanilang gagawin pagkatapos ng kolehiyo sa pamantasan. Mga nakababangon upang matiyak na maayos ang kanilang hinaharap. Nakakainggit. Naisin ko mang languyin ang along ito’y hindi ko magawa. Gustuhin ko mang sabayan ang takbo ng oras nila– hindi ko kaya.
Napapatulala na lamang sa hangin sa tuwing ako ay binibisita ng mga alaala ng panahong nagdaan. Sa tuwing binubulungan ng mga “papaano kung” at paghihinayang. Uhaw sa kahilingang dalawin man lang ng kaniyang kaluluwa sa panaginip.
Isang buwan na rin ang nakalilipas, ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin ako sa nakaraang taon. Okay lang. Mabagal na umuusad. Tahimik na kumikilos. Hindi man magarbong paputok ang pag-asang dala-dala, kahit kislap lang… pag-asa pa rin ito.
Sa banaag ng liwanag, dahang-dahang tinatahak ng puso ko ang bagong simula.
