Muling Lumipas ang Araw ng Manggagawa

Muling Lumipas ang Araw ng Manggagawa

Written by Francis Irvin Gonzales • Illustration by Jian Muyano | 1 June 25

Iba’t ibang mukha ni Juan ang nakikita ko bawat araw. Si Juan na tulog, si Juan na may eyebags, si Juan na tumutulo ang pawis sa buong mukha. Araw-araw, walang kupas, iba’t ibang Juana ang nakasasalamuha ko. Si Juana na nagbubuhat ng bilao ng kakanin, si Juana na nagbabantay ng tindahan, si Juana na naglalako ng samu’t saring abubot. Sa bawat araw na lulan ako ng uugod-ugod na dyip sa gitna ng trapik sa tapat ng simbahan at ng pamilihan, ginawa kong pampalipas-oras ang pagtanong sa sarili: aling Juan o Juana kaya ang kapos sa pagsusumikap? Aling Juan o Juana kaya ang tunay na manggagawa?

May katotohanan naman siguro sa sinasabi nilang hindi kasalanan ang ipanganak na mahirap; ang mamatay nang mahirap, ay! Ikaw na ang may sala. Binigyan tayo ng isang buhay, sapat na panahon para pagsumikapang makaahon sa kahirapan. Pero, kasalanan pa rin ba ng mahihirap kung mamamatay sila sa parehong kangkungan kung saan sila pinanganak sa kabila ng habang-buhay na pagbabanat ng buto? Kay lungkot isipin, nasa iyo ang sisi kung ikaw ay mamatay nang dilat ang mata kahit na ang kaibuturan ng buhay mo ay ang magbanat ng buto.

Narinig ko ang kampana ng simbahan at nanumbalik ang alaala ko noong huling linggo nang mabilisang nag-antanda ang mga tao para makaabot sa huling misa. Sa lugar na ito ka lang yata makakakita ng magkakahalintulad na iniisip–ang panalanging makaahon sa kahirapan. Mano ba namang araw-araw kang sipain sa tadyang ng bagong hamon sa buhay, hindi ka maghanap ng Diyos na kayang solusyonan ang lahat. Hindi mo rin masisisi ang payak na Juan at Juana sa pananampalataya sa hindi nakikita. Pawang kakarampot na kaginhawaan habang nasa lupang ibabaw; sa kabila ng kanilang buong-buhay na paggawa, mayroong pahingang matatamasa sa kabilang buhay.

Hindi nagtagal, nang makaalpas sa simbahan, ay muling naipit sa trapik gawa ng masikip na daanan sa pamilihan. Bawat sasakyan ay binubusinahan ang mga tinderang tila tuod na nakaharang sa daan. Iilang hakbang mula sa kalsada, hindi naiiba ang ingay na maririnig sa palengke kung saan natungo ang mga Juan at Juana para makapaghain ng pagkain sa mesa ng pamilya. Bawat linggo, pahigpit nang pahigpit ang sinturon sa nagtataasang bilihin. Panay ang hingi ng tawad sa mga tindera, tila ba isang malaking kasalanan ang kumalam ang sikmura. Kung hindi sa palengke, saan ka makakakita ng hinihingian ng kapatawaran ang kumain ng masustansya?

Inabot na rin ng aking pagninilay ang kalagayan sa tahimik na kapatagan at malawak na karagatan. Pa’no pa ang mga magsasakang nagtatanim at nag-aani sa ilalim ng tirik ng araw. Kulang na nga sa maipupunla, binabarat pa sa pag-angkat. Paano naman ang mga mangingisda? Napeperwisyo na nga ng mga oil spills, hindi pa makapalaot dahil sa pandarambong ng mga barko ng kalapit na bansa. Para sa mga manggagawang nagbibigay ng pagkain sa hapag nina Juan at Juana, nananatiling limot at hindi nalulutas ang kanilang suliranin.

Sa biyahe pauwi ay muli kong nakita ang iba’t ibang mukha nina Juan at Juana. Buhat ng dyip ang mga hapong katawan nila, bitbit ng bawat isa ang pagod na dala ng araw na ‘yon. Banat ang buto, tagaktak ang pawis, at maikli ang pisi. Sa bawat kabig ng manibela at pagsuyo ng bayad, hindi ko maiwasang muling magnilay-nilay.

Muling lumipas ang araw na dapat inaalala ang ambag nila sa pagpapanatiling tumatakbo ang lipunan. Sa bawat araw na nakakasalubong ko sila, wala ni isa ang makapagsasabing nakabubuhay ang kanilang hanapbuhay. At hanggang ngayon, walang makasagot kung para kanino ang araw-araw nilang paggawa. Anumang araw akong maipit sa trapik, nananatiling panghal ang katawan ng mga kasabayan ko sa dyip. Sa pagdaan ng araw ng manggagawa, napaglipasan na naman bang muli ang kanilang mga hinaing?