Mayroong Mumunting Bahaghari sa Aming Barangay
Written by Francis Irvin Gonzales | 28 June 25
Bawat barangay ay may tinatagong sikreto, at walang pinagkaiba ang barangay namin. Umaagos ang samu’t saring matitingkad na kulay kada kanto. Tangan ang bawat kulay ng mga indibidwal, parehong marangya at nakakubli. Sa tirik ng araw o sa gabing malalim, hindi napapagod ang mga taong bitbit ang kani-kaniyang kulay. At kung masuwerte ka, minsan makikita mong mabuo ang mumunting bahaghari ng aming barangay.
Sa isang kalsada mayroong taong matagal nang kinakarga, o marahil ay pinapasan, ang kaniyang kulay. Saksi ang kaniyang mumunting parlor sa ilang taong pagsisilbi sa maraming customer; parehong patron at suki ng kaniyang kagila-gilalas na sining. Ilang dekada na nang simulan niyang pulutin ang suklay at gunting. Ilang dekada na magmula nang yakapin niya ang kaniyang kulay mula sa bahaghari. Hindi kailangan ang malalim na pag-agam-agam kung ano ang mga dagok na kinaharap niya sa paglalakbay na ito.
Dalawang kanto magmula sa kalsadang ito, nakatira ang isa pang taong hango sa kaibuturan ang kulay. Maagang namulat sa katotohanan ng buhay; gabi’t araw namamasada para may maihain sa hapag. Walang pinagkaiba sa payak na Juan, liban na lang sa kaniyang pinapasan na kulay. Bigat na bigat na sa responsibilidad ng kaniyang bahagi sa bahaghari, nadagdagan pa ng reyalidad ng buhay.
Pagsapit ng hapon, makikita mo ang mga batang maagang tinanggap ang kanilang mga kulay. Gamit lamang ang isa’t kalahating dipa ng garter, hindi magmaliw na ang kanilang kasiyahan. Talon kung talon, lukso kung lukso; tila hindi alintana ang pangangatiyaw ng mga nasa paligid. Pawang napagbigyan ng kakapirasong kulay ng bahaghari at nagkaroon sila ng sariling mundo kung saan kahit ilang saglit, nakakalimutan nila ang kilansing ng tanikalang patuloy na gumagapos sa bahaghari.
Mayroong mga indibidwal na naiiba sa kapwa taong tangan ang kani-kaniyang kulay. Tulad ng bahagharing nananatili sa likod ng mga ulap, sila’y nagkukubli, nagtatago sa mga mata ng mapanghusgang tao. Tanging pampalubag-loob ang paniniwalang balang araw kasama na silang magniningning sa asul na langit.
Patuloy na nagmamartsa ang mga taong bitbit ang bahaghari kontra sa mga tanikalang patuloy na gumagapos sa kanila. Hindi alintana ang mga pahirap, tunguhing mapalaya ang komunidad mula sa atrasadong pananaw. Taunang nagmamartsa sa pag-asang balang araw mawawala ang kadenang humihigpit; sa pag-asang bukas makalawa ang pamantayan ng lipunan ay hindi humahadlang sa pagkakakilanlan ng bawat indibidwal bagkus nagpapalaya.
Sa anumang sulok ng bansa, nariyan sila. Kahit anong komunidad, mumunti o dakila, namamalagi ang madlang tangan ang kulay ng bahaghari. Gaya sa iba, makikita mo ang bawat kulay ng bahaghari sa aming barangay. Bawat isa, matingkad ang pamumuhay. Bawat isa, maningning na kumikinang. Hindi alintana ang pangungutya ng iba, patuloy na sumasayaw sa saliw ng musikang tanging sila ang nakakarinig.