Magulo na ulit ang kwarto ko
Written by Marian Sophia Carreon • Illustration by Miaka Byonne Cha | 13 June 25
Habang tumatagal ay mas lalo lamang natatambak sa apat na sulok ng aking kwarto ang mga bagay-bagay: mga papeles sa eskwela, mga resibo mula sa bus, mga baryang naipon sa bulsa, at kahit ang mga bolpen na wala nang tinta. Kahit ang mga damit ay ‘di matiklop nang maayos, walang alinlangan kung paano ito’y pinagkasya-kasya na lamang sa aparador. Sa sahig ay nakatabi lamang ang sapatos na ‘di ko na matandaan kung kailan huling isinuot.
Ika nila’y salamin ng iyong kwarto ang nilalaman ng isip, at siguro nga’y walang mas tumpak na representasyon sa akin kundi itong kaparangan–isang espasyo na parehong tahanan at kulungan. Ito’y repleksyon ng isipang ‘di matahimik; hindi alam kung saan magsisimula, kung ano ang itatapon o muling aayusin.
“Itatawid ko lang ang araw na ‘to,” sirang plaka kung sambitin, animo’y pampalubag-loob sa kalagitnaan ng kalat at kalugmukan. Araw-araw, nakahaharap ang hungkag ng damdamin at tuluyan nang namamanhid sa kulay ng mundo. Ang pakiramdam na ito’y bumabalot sa akin, parang lamig na ‘di mawala-wala, isang bigat na ‘di maintindihan.
Tila naghahalo na ang iba’t ibang tunog, hanggang sa bumalabog na ito sa aking pandinig. Nabibingi ako sa mga naglalakasan nitong tinig, at ‘di ko alam kung ang mas pipiliin: ang kaingayan ng mga iniisip o ang katahimikan ng pag-iisa habang unti-unting nawawala sa dilim.
Sa loob ng kolehiyo ay tila pamilyar na sa siglong ito: ang mahulog nang paulit-ulit ngunit kailanman ay ‘di magawang masanay sa nagsisipagaspasang daloy ng buhay. Ang bawat pangyayari ay tila buhangin–anumang higpit ng hawak, dumudulas pa rin sa mga palad. Patuloy ang takbo ng oras kahit nahuhuli na ako sa martsa nitong walang awa.
Ngunit minsa’y kahit kaguluhan na lamang ang naipapakita–na mistulang paurong ang takbo ng lahat–may nananatiling pagkakataon upang muling bumangon at matuto rito.
Marahil ay hindi ito laging nangangahulugan sa kawalan ng kaayusan; minsan, ito ang anyo ng isang pusong lumalaban, kahit pagod, kahit nalilito. Sa gitna ng ingay, naroroon ang katotohanang ako’y buhay–nalulumbay man o hindi, patuloy na umaasa at nagpupunyagi tungo sa matimyas na kapayapaan.
Mabigat at mabilis man ang yapak ng oras, ito’y nananatiling pahiwatig na lahat ng bagay ay lumilipas. Mapanglaw man ang gabi, darating din ang sinag ng panibagong bukas.
Isa-isa, pupulutin ang mga nakakalat na bagay sa sahig, lilinisin ang lamesa, at titiklupin ang mga gusot kong damit. Naipon man ang mga retasong sumasalamin sa aking pagod at dalamhati ay maglalakas-loob na ito’y harapin, suyurin, at ayusin. Unti-unti, ang magulo at maingay na isipan ay magiging kalmado, at ang mananatili na lamang ay ang malumanay na himig ng paghilom.