M028 080926 - Kuhang-kuha ng mga Kapatid Ko ang Inis Ko

Kuhang-kuha ng mga Kapatid Ko ang Inis Ko

Written by Francis Garra Gonzales • Ilustrasyon ni Jabiel Baliton | 11 August 26

Kung hindi sa seryosong usapan o pormal na okasyon, sa tahimik na oras naman magbabangayan. Kapag kailangan mong mag-apura para makaalis nang maaga, doon naman pipiliing maging kasingkupad ng pagong. Maging sa oras ng taimtimang pagdarasal, lilingon nang nakangisi nang makagalitan ako ng magulang. Ni minsan hindi ko pa naramdaman ang parehong inis sa ibang tao, maging mula sa pinakamalapit kong mga kaibigan, liban sa mga kapatid ko. Tunay nga, may pikon na tanging kapatid mo lang ang nakakukuha.

Mula pagkabata, hindi na naawat ang pag-aasaran. Nariyan ang kakalabitin ka para kunin ang atensyon mo sa wala. O ‘di kaya ay aasarin hanggang mauwi sa iyakan. At siyempre, ang hindi matapos-tapos na pagpapasahan ng gawaing-bahay. Pawang bawat paraan ng panunukso ay eksperto na sila. Hindi ko sukat mawari, ipinanganak lang ba talaga sila para inisin ako?

Hindi mo rin maaalis sa usapan ng mga kapatid ang konsepto ng “hating kapatid.” “Kung patas ang hatian, dapat mas malaki ang hati ni kuya kaysa kay bunso, mas matanda siya eh!”; “Hindi, dapat pareho ang hati, dahil pantay tayo sa mata ng Diyos!”; “Mali kayo, dapat mas malaki ang hati ni bunso, siya ang paborito eh!” Por Diyos, por santo, kakapiranggot na tsokolate, ‘di na natapos ang debate ng hatian.

Tila magkakadugtong din ang mga bituka naming magkakapatid. Paano, makakita lang na kumakain ang isa, sasaluhan na ng iba. ‘Di bale kung alam nilang ayaw ko sa putahe o kutkutin nila, aalukin at aalukin pa rin nila ako. Mainit o malamig, maalat o matamis, pangkaraniwan o bago sa panlasa, aabutan ako ng plato o baso—palagiang nakaangil nga lang.

Madalas, umaabot ng gabi ang paghaharutan. Kahit anong liit ng usapan, palalakihin pa lalo. Minsan, wala na ring nakaiintindi ni isa sa daloy ng usapan. Ngunit patuloy lang ang asaran, ang tulakan, ang balyahan. At kapag sinita na kami ng nanay sa sobrang ingay, muling maghihiyawan sa kasiyahan.

Mula sa mga birong kami lang ang nagkakaintindihan, hanggang sa asarang hindi na natapos-tapos, alam kong malalapitan pa rin sila sa oras ng pangangailangan. Agawan man nila ako ng katiting na tsokolate, hindi pa rin ako mag-aatubiling tumakbo sa tabi nila sa oras ng pangangailangan.

Mayroong pagmamahal sa pagtitimpi ko sa pangungutya ng mga kapatid ko. Alam na alam nila kung ano ang kiliti ko at lalo na kung paano makuha ang pikon ko. Ngunit kahit na anong pangaalaska, kahit na anong buska, ang mga kapatid ko pa rin ang pipiliin kong mang-inis sa akin kahit kailan.