Kailan ako tumigil maging bata?
Written by Dhave Montaniel • Board by Caitlin Beatrice Mutas | 13 June 26
Hindi ko namalayan kung kailan ko nilisan ang pagiging isang bata. Ito ba ang sandaling hinipan ko ang kandila sa keyk noong aking ika-18 na kaarawan? O noong sandaling tumuntong na ako rito, sa ating Pamantasan?
Hindi ko mawari kung kailan nagbago ang aking pagtingin sa mga bagay-bagay, at kung kailan ako tumigil gawin ang aking mga nakasanayan.
Kailan nga ba ako nahintong magpunta sa mga computer shop upang isulat sa kwaderno ang liriko ng mga paborito kong kanta? Kailan nawala ang aking pananabik na magkaroon ng bag na may gulong, ‘yung parang maleta?
Nais ko ring malaman kung kailan ba ako napagod maghintay ng shooting star upang humiling ng one hundred million thousand thousand dollars? Kailan ba ako tumigil hangarin ang ganito kalaking pera upang makabili ng mga pogs, teks, at panlaban na mga gagamba?
Sa paglipas ng panahon, hindi ko namalayang hindi lang pala mga gawi na ito ang sa akin ay nabura, kundi pati na ang paniniwala na ang mundo ng matatanda ay masaya at mapagpalaya.
Akala ko kasi noon, kapag ako’y lumaki na, mas gagaan ang buhay. Ngunit kung babalikan ko ang aking mga napagdaanan, napagtanto kong hindi pala ako iintindihin at hihintayin ng mundo; ang pagtanda pala ay hindi mapagpatawad at magulo.
Nakalulungkot man iwan ang pagkabata, nagpapasalamat naman ako dahil lubos ko itong natamasa. Na minsan ay naranasan kong maglaro sa ulan, makipagtaguan, at tumakbo nang parang walang katapusan.
Malupit man ang mundong aking haharapin, hindi nito kailanman matatanggal ang ngiting nabuo ko mula pagkabata—ang ngiting naging saksi sa lahat ng aking pinagdaanan, ang ngiting hindi mabubura ng paglisan ko sa munti kong palaruan.
Ngayon, hindi na ako lubusang natatakot sa aking pagtanda. Bagkus ito pala ang itinalagang panahon ng mga tala upang kamitin ang mga pangarap na binubulong ko lamang sa kalangitan noong ako’y isa pa lamang musmos na bata.