IMG 5871

Hindi Sapat Ang Keyk

Written by Francis Irvin Gonzales • Illustration by Jian Muyano | 4 October 25

Oktubre na naman. Ilang araw na lang ay mapupunong muli ang refrigerator ng samu’t saring keyk. Kakalat na naman sa mesa ang iba’t ibang poskard at liham na naglalaman ng mensahe ng pasasalamat para sa araw ng mga guro. Noong nakaraang linggo lang ay mga papel, panulat, at mga visual aids ang nakabalandra dito. Mga materyales na pinagpuyatang gawin para mas madaling matututo ang mga estudyante niya. Noong bata ako, tuwang-tuwa ako sa pagsapit ng buwan na ito, bitbit-bitbit ang mga regalong sumisimbolo sa pagmamahal nila kay nanay. Ngayon, nagsasawa na ako sa mga superpisyal na regalong bumubungad dito.

Madalas, kasama ako ng nanay sa pagtsek ng mga pagsusulit ng kaniyang mga estudyante. Buong gabing gugugulin ang oras para mamarkahan nang tama ang mga papeles. Katuwang ang kape para mairaos ang gawain. Limang tsek, isang higop sa mainit na inumin. Limang papel, magtitimplang muli ng isang tasa. Para manatiling tuwid ang isipan at tama ang pagwawasto sa mga kamalian. Para maitawid ang gawain, dahil bukas, panibagong bigkis ng papeles ang mamarkahan.

Minsan na akong nairita habang nagmamarka; bakit ako ang gumagawa at hindi na lang ang nanay? Hindi ko naman pinili ang pagiging guro kung hindi ang nanay. Ngunit naisip ko, paano kung wala ako? Kung hindi ako tutulong sa pagmamarka, may puwang pa ba ang pahinga sa oras niya? Habang tumatanda ako, napagtanto kong hindi pa rin naman nakapagpapahinga si nanay sa kabila ng tulong ko dahil ang pagiging guro sa bansang hindi pinapahalagahan ang edukasyon ay hindi na debosyon kundi isang sakripisyo.

Siya ang unang titser ko. Pero hindi lang ako ang kaniyang estudyante. Si nanay ang nagturo sa akin ng A-Ba-Ka-Da. Ang nagtama sa akin sa pinagkaiba ng “ng” at “nang,” ngunit hindi lang niya sa akin itinuturo ito. Isa lang ako sa mga estudyanteng pinalad na matuto sa silid-aralan niya. Buong araw nakatayo sa pisara para maihanda sa hinaharap ang kaniyang mga estudyante. Pag-uwi, nananatiling titser para sa aming magkakapatid. Mistulang nagbubuhol ang tungkulin ng isang titser at ng isang ina.

Paggising sa umaga, nakahanda na sa hapag ang umagahan namin. Pero wala na si nanay. Inunahan pa ang tilaok ng manok sa pag-alis niya ng bahay, makapasok lang sa tamang oras at maihanda ang silid-aralan sa panibagong araw ng pagtuturo. Nagkamuwang akong may pagtatampo kay nanay. Paano niya nagagawang unahin ang anak ng iba bago ang sarili niyang anak? Ngunit, tumanda akong may pag-unawa. Hindi naman pinili ni nanay ang ibang mga bata sa halip na mga sarili niyang anak. Para sa kaniya at para sa maraming gurong Pilipino, ito ang tunay na sakripisyo. Ito ang tunay na tawag ng propesyon ng pagtuturo.

Naiintindihan ko. Ang mga regalong ito ay nanggagaling sa mabuting kalooban. Ang nais lamang nila’y magbigay pasasalamat para sa araw-araw na pagkatuto na ipinagkaloob ng kanilang guro. Talagang naiintindihan ko. Mayroon lang kaunting hinanakit sa taunang pagdiriwang na ito. Dahil, ni minsan, hindi tumugma ang paghihirap ni nanay sa natatanggap niyang mga regalo.

Ilang oras na lang, mapupuno nang muli ang aming refrigerator at aming mesa. Magkakalat ang mga simbolismo ng pagpapasalamat para sa isang araw na, kung tutuusin, ay hindi dapat itinuturing na espesyal na okasyon. Dahil pagkatapos ng linggong ito, balik na naman sa dating gawi. Ang mga bulaklak ay malalanta at ang mga keyk ay mauubos, ngunit ang hirap ng nanay at ibang mga guro ay mananatili. Pawang kinikilala lang ang kanilang kapaguran sa isang araw; ang parehong sakripisyong inaasahang kabilang na sa sistema. Nakasanayan na ang taunang pagdiriwang, ngunit hindi natutugunan ang kanilang mga panawagan.

Kahit kailan, hindi sasapat ang mga keyk, bulaklak, at mga palamuting natatanggap ni nanay sa kaniyang pagbabanat ng buto, ilang gabing pagpupuyat, o ilang linggong paghihikahos magpang-abot lamang ang lesson plan sa taong panuruan.

Sa ilang taong pagtuturo ni nanay, hindi niya naituro ang kasagutan sa isang tanong. Kailan kaya tunay na magtutugma ang hirap niya sa pagtuturo sa mga natatanggap na “regalo”?