Hindi pala kolehiyo ang dulo ng karera

Hindi pala kolehiyo ang dulo ng karera

Written by Dhave Montaniel • Board by Jian Muyano | 31 October 25

Kapag natapos mo raw ang kolehiyo ay dapat na magdiwang ka. Taas-noo na suotin ang toga at gintong medalya, badya raw kasi ito na maganda ang kinabukasan na naghihintay sa’yo ngayong nakapagtapos ka na. Ngunit wala namang nakapagsabi sa’kin na kahit igugol mo ang buong buhay sa pag-aaral at paghahanda, maaari ka pa rin palang maligaw pagkatapos ng isang karera.

Unang taon ko sa kolehiyo, marami pang mga estudyanteng kagaya ko ang hindi pa alam kung saan sila pupunta. Kampante pa ako noon, dahil hindi lang ako ang hindi pa sigurado sa kahihinatnan ng kinabukasan. Gayunpaman, ang kapanatagang ito ay unti-unting napalitan ng pagkabalisa nang lumipas ang mga taon at ako ang bukod tanging hindi pa rin alam kung saan pupunta. Ako na lamang mag-isa sa block namin ang hindi pa rin makangiti—’yung ngiting umaabot sa tainga. Ako na lamang sa aming magkakaibigan ang hindi pa rin alam kung ano ang gagawin ngayong kami ay magtatapos na.

Buong buhay ko, ang tanging alam ko lang na gawin ay ang mag-aral. Ngayong patapos na ako sa yugtong ito, hindi ko na alam kung ano ang susunod na hakbang. Wala akong ideya kung paano at saan magsisimula, parang isang bata na nawawala sa gitna ng Divisoria. Tingin dito, liko doon, hindi alam kung saang sikot dadaan. Wala naman kasing itinuro sa kolehiyo kung ano ang mga hakbang kapag naliligaw ka. Kung mayroon lamang akong mahihingian ng tulong, hindi ako mag-aatubili na sumigaw upang ako ay kanilang makita. Subalit kung iisipin, hindi ko yata ito masisikmura, sa kalagayan ko ngayon ako’y nahihiya na masulyapan ng kanilang mga mata. Habang sila ay masaya at kuntento sa mga landas na binabaybay nila, ako naman ay nasa dulo pa rin, hindi makagalaw; napag-iiwanan na. Itinuring ko yatang hangganan ang simula pa lamang ng iba.

Inaamin ko na napakalaki ng inggit ko sa aking mga ka-batch, hindi ko mapigilan ang pagkumpara. Iba ang ningning ng taong may tiyak na pangarap, tiyak na adhikain at nakikita ang sarili sa iisang gawain. Ito ang ningning na hindi ko matagpuan sa salamin. Paano kaya nila napagtanto at napagpasyahan ang daan na gusto nilang tahakin sa buhay? Sa lawak nito, paano? Hindi ko rin naman mapigilan na mamangha, kinaya nilang kapain ang mundo nang walang takot habang nakapiring ang mga mata, na siyang namulat lamang pagkatapos mahanap ang lugar na nakatadhana sa kanila. Sa kaisipang ito, isang buntong hininga at bulong ang aking nailalabas na sana… ako rin.

Alam ko sa aking sarili, ang hindi ko pag-usad ay hindi buhat ng katamaran. Hindi rin naman ito dulot ng kakulangan ng kumpiyansa, dahil alam kong kakayanin ko naman. Mas lalo namang hindi ito kaartehan, dahil alam kong totoo ang aking nararamdaman. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi ko mapilit ang aking sarili na magsumite ng aking resume sa iba’t ibang kumpanya. Hindi ko mabatid kung mayroon bang kamalian sa akin at hindi ako makaabante sa buhay na alam kong kailangan ko nang harapin.

Ngunit sisibol lamang muli ang isang bulaklak, kung ang mga talulot nito ay nakapagpahinga sa kagat ng dilim at yakap ng buwan. Makakalipad lamang ang isang paruparo kapag ito ay nakapagkubli sa kukun na siyang nakatago sa mga sanga. Kung ang mga bagay nga na ito ay lubos na tinanggap na ang pagtigil at pagkawala ay parte ng pagyabong at pagganda, hindi naman siguro malaking kasalanan kung hindi ko mahanap ang aking patutunguhan sa dulo nitong karera. Kaya habang ako’y naliligaw pa, yayakapin ko muna nang mahigpit ang aking toga at medalya. Wala namang lubos na katiyakan na mas magwawagi sa buhay ang mga taong sa akin ay nauuna at hindi ko rin naman kailangan makipagkompetensya. Sigurado kasi akong darating din ang panahon na aayon sa akin ang nais ng mga tala. Maligaw man ako o mawala, may mananatiling espasyo para sa akin na itinalaga ang tadhana.