Dorm 500

Dorm 500

Written by Vince Villanueva • Illustration by Miaka Byonne Cha | 26 October 25

Sa bawat estudyante ng kolehiyo, may isang espasyong naging saksi sa lahat — sa hirap ng pagsusulit, puyat sa pag-aaral, at mga kwentuhang nakapapawi ng pagod. Para sa akin, iyon ang Dorm 500.

Hindi lang ito apat na sulok ng kwarto. Dito umusbong ang tawanan, tsismisan, at mga alaala na hindi kailanman ibinahagi sa social media pero habang-buhay na babaunin. Ako’y nakatagpo ng mga matatalik na kaibigan sapagkat sa mga panahon ng pasubok ay iisa lamang ang aming inuuwiang tahanan.

Mahirap ang naging simula, lalo na’t kami’y napalayo sa aming mga pamilya. Nakalulungkot. Nakapangungulila. Pero dahil sa kanila, gumagaan ang bawat araw. Sa sabay-sabay naming paghahanda tuwing umaga, sa mga gabing sabay kaming kumakain at nagkwe-kwentuhan, doon ko nahanap ang bagong samahan.

Isa sa pinakatumatak ay ang mga gabi ng pagrereview sa mga mahihirap naming asignatura. Nanonood kami ng lecture, nagsasagot ng tanong, pero napuputol sa biglaang tsismis. Kapag may kwento, sabay-sabay na uupo at makikinig, kasunod ang halakhak.

Saksi ang dorm na ito sa aming unang tagumpay—dito kami unang lumaban at nanalo sa isang online contest. Ang sigawan namin ay napalakas kaya’t umabot ito pati sa guwardya. Dito rin namin tinapos ang thesis, tumanggap ng bisita, at sabay-sabay nagsikap makapagtapos. Maliit man ang espasyong ito, napakalawak ng halaga nito sa amin.

Nariyan din ang mga pagkakataong may online exam kami habang nasa dorm. Hindi maiiwasan ang kabang dulot ng mahigpit na oras, kaya’t tila naging natural ang "group effort", isang tagpo ng pagtutulungan na ngayon ay masarap balikan at tawanan. May mga sandaling biglaang aya gaya ng pagkain sa Pepito’s o Vitan, o kaya nama’y maglakad-lakad sa walls habang may dalang tusok-tusok na miryenda. Simpleng gala man ito sa iba’y isa itong ‘di malilimutang ala-ala sa akin.

Gala rin kami minsan sa gabi. Naglalakad sa kahabaan ng Intramuros, humihinga sa gitna ng akademikong bigat. Sa daming beses naming magkakasama, naging pangkaraniwan na lang ang bawat sandali kaya tuwing birthday nila, wala na akong mahagilap na bagong larawan.

Maliit man kung titignan, ngunit sa dami ng karanasang dito’y isinilang, naging mas malaki pa ito sa anumang silid-aralan. Ngayon, sa paglapit ng aming pagtatapos, nananatiling saksi ang Dorm 500 sa aming kolektibong tagumpay. Lisanin man namin ang unibersidad, dala-dala namin ang mga alaala, aral, at ugnayang unang nabuo sa kwartong ito. Bitbit ang diploma at pangarap, ngunit higit sa lahat, baon namin ang kwento ng isang tahanang minsang naging sentro ng aming paglalakbay — ang Dorm 500.